II - Ang Bata sa NB6

342 8 1
                                        

Naging normal ulit ang lahat.

Wala ng nagpaparamdam. Wala ng gulo.

Natapos ang unang taon ko na tahimik, maayos, at walang kababalaghan. Umabot ako ng ikalawang taon ng highschool. Nakapag-aral ng maayos at walang ibang inintindi kundi mag-aral.

Walang nakakaalam ng nangyari sa silid numerong 317. Kailanma'y hindi ko ito binanggit sa kung sino man. Pinaghahanap na ang gurong si Sir Alconis dahil sa ilang araw na itong nawawala. Nanatili lamang akong tahimik. Wala namang maniniwala kung magsasalita ako. Isinawalang bahala ko na lang ito.

Pagkatapos ng nangyari noong unang taon, hindi ko na hiniling pa na may pagbabago sa pang araw-araw ko. Mas mabuti na nga sigurong paulit-ulit na lang. Hindi ko ata kakayanin kung mabubuhay ako sa kababalaghan.

Dumating ang ikalawang taon ko sa paaralang ito at doon ko napansing nag-iba na ang ihip ng hangin.

"Magkaklase na naman tayo Joy?" Tanong ng lalaking nagsalita sa likod ko. Lumingon ako't sinagot sya. Si John pala. Kaklase ko noong unang taon.

"Oo eh. Bad news no?" Sambit ko't pareho na lang kaming natawa.

Nang tumapak ako ng ikalawang taon ng highschool, naging pang umaga na ako dahil sa tumaas ang section ko. Ganito pala dito pag umaga. May panimulang dasal at panimulang seremonya. Nang pumatak na ang alasyete ng umaga, nag sipanaog na ang mga estudyante para sa unang klase.

"Anong room naten?" Tanong ni John habang kasabay ko pag-akyat.

"NB6 daw" Sagot ko. Agad agad naman kaming nagsiakyatan sa NB6. NB6 ay ang silid aralan sa ikatlong palapag ng bagong gawang gusali. Nangangahulugan itong New Building room 6.

Habang nag-lalakad patungo sa NB6, hindi ko sinasadyang marinig ang ilang estudyanteng nag-uusap.

"Uy hindi ba, dating laboratoryo yang NB6?"

"Oo nga raw. Hindi ba nakakatakot dun? Mamaya may multo pala roon" sagot naman ng isa.

"Hindi naman siguro. New Building nga eh. Panigurado naman, nabendisyunan na yan"

"Sa bagay" pagsang-ayon naman ng isa. Kinabahan ako ng bahagya pero isinawalang bahala ko na lamang ito.

Nagsipila na kaming mga estudyante ng makarating sa aming silid. Kanya-kanyang daldalan, kanya-kanyang usapan. Nag aayos pa kasi ang guro ng upuan at inaayos pa ang buong silid.

Nasa unahan ako ng pila dahil sa 'Ayalin' ang apelido ko. Pinapanuod ko lang mag-ayos ang guro.

Habang nag aayos sya, agad napukaw ng atensyon ko ang mesa ng guro. Katulad lamang ito ng karaniwang lamesa sa gitna ng klase. Ang kaibahan lang, magkaiba ang kulay ng pang-itaas at pang-ibabang bahagi nito. Ang itaas na bahagi ay kulay brown samantalang ang ibabang bahagi naman ay kulay puti.

Nagtataka ko itong pinagmasdan ng maigi mula sa bintana. Bakit parang may lumalabas doon sa pagitan ng kulay sa lamesa? Pulang...likido?

Inayos kong maigi ang salamin ko para mas makita kong mabuti ng biglang...

"Boo"

"AHHH—" Napasigaw ako ng bahagya at agad din itong pinigilan dahil sa dami ng taong nakatingin sa amin. Si John lang pala.

"Tulalang tulala ka kaya ginulat kita" sabay ngisi nito sa akin.

May ilan namang nagtawanan ngunit hindi ko na lang ito pinansin. Nginitian ko na lamang sya at nagsimula nang magpapasok ang aming guro.

Natapos ang klase namin sa silid NB6 ng mga bandang alas kwatro ng hapon. Agad nagsitayuan ang mga estudyante para tumungo sa susunod na klase.

Bago pa man ako makalabas ng silid, narinig kong may tumawag ng pangalan ko.

"Ayalin" sabi ng guro. Agad akong bumalik para kausapin ito.

"Bakit po Ma'am?" Tanong ko.

"Makikisuyo naman. Pakipadala naman ito sa faculty. Pakilagay na lamang sa table ko at dederecho na ako sa susunod kong klase" Sagot nito.

"Sige ho"

Hindi na ako nagpabagal bagal pa dahil sa may susunod pa rin akong klase. Sa dinami rami ba naman ng estudyante, ako pa ang tinamaan ng ligaw na utos.

Paglabas ko ng silid ay agad akong nagtungo sa daan patungong faculty. Makailang hakbang pa lang ako ay napatigil ako.

Bakit may bata dito?

Agad ko itong nilapitan at baka naliligaw itong estudyante ng kindergarten dito sa aming paaralan. Bukod kasi sa isa itong highschool ay mayroon din itong kindergarten para sa mga batang edad apat hanggang lima.

Nakatayo lamang sya sa harap ng pintong pasukan ng silid numerong NB4.

Nakatagilid ito kaya agad ko itong hinawakan sa balikat.

"Bata sinong hinahanap—" agad akong natigilan dahil parang may kakaiba. Tinignan kong maigi ang uniporme ng bata. Puro putik. Madumi.

"Bata anong nangyari sa—"

Agad itong lumingon na syang ikinagulat ko.













Itim ang mga mata nito at tila naagnas na mukha.

"A-ate?"

Agad akong napaatras at sa di inaasahang pangyayari, napaupo ako sa sahig.

Kabang-kaba ang dibdib ko't naghahabol ng hininga. Agad akong lumingon lingon sa paligid para sana humingi ng tulong ngunit wala akong makita ni kahit sino.

Ibinaling ko ulit ang tingin sa bata ng mapansing, nawala na ito. Kahit hinang hina ako ay ako tumayo para magtungo sa faculty.

Kumaripas ako ng takbo hanggang sa marating ko ito. Huminga muna ako ng malalim at saka pumasok ng faculty.

Paglabas ko ng faculty ay may sumilip muna ako sa balkonahe para matanaw ang silid numerong NB6.

Iniisip ko kung ano yung nakita ko kanina. Nakakasiguro akong may kakaibang nangyari sa silid na iyon. Mga ilang sandali lang ay nagtungo na ako sa aking kasunod na klase.

Itutuloy.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 19, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang PaaralanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon