Inilapit mo ang iyong kanang kamay sa kaniyang pisngi subalit tulad ng dati ay tumagos lamang iyon. Muling kumirot ang iyong dibdib sa katotohanang kailanman ay hindi mo siya mararamdaman.
Naglandas ang mga luha sa iyong pisngi at ganoon na lamang ang iyong pagkagitla nang maramdaman ang hanging animo ay pinapalis ang iyong kalungkutan.
"Hindi ko kayang pahirin ang iyong mga luha kaya hayaan mong tuyuin ko ang mga ito," nakangiting wika niya habang patuloy na hinihipan ang iyong mga luha.
Ipinikit mo ang iyong mga mata. Ninamnam ang ginhawang dulot niya. Hindi siya kailanman nabigo sa pagpaparamdam sa iyo na iniibig ka niya.
Batid mong walang patutunguhan ang nararamdam mo para sa kaniya dahil malaki ang agwat ninyo; hindi ng edad o katayuan sa buhay kundi sa inyong pagkalalang. Paulit-ulit kang pinaaalalahanan ng iyong isipan na mali ang mahumaling sa kaniya.
"Iniibig kita," buong katapatang wika niya sa iyo. Ngumiti siya at nagliwanag ang kaniyang mukha.
"Mahal din kita," nakangiti ring tugon mo sa kaniya. "Sana nayayakap kita."
"Naisin ko mang mayapos ka ay batid mong hindi ko magawa. Magkagayon man ay sapat na ang kaalamang ako rin ang isinisigaw ng iyong puso." Yumuko siya at muling hinipan ang iyong pisngi.
Kakaibang kasiyahan ang bumalot sa iyong puso subalit napalitan ito ng takot nang balutin ng dilim ang silid mo.
Kumawala ang malakas na sigaw sa iyong bibig nang unti-unting nagkaroon ng butas ang sahig. At mula roon ay maririnig ang napakalakas na panaghoy.
Halos lumuwa ang iyong mga mata sa takot nang magsilitawan ang tila mga naaagnas na kaluluwang nagdurusa sa asupre. Litaw ang kanilang mga buto at walang humpay ang kanilang pagtangis.
"Tulungan mo kami! Tulungan mo kami!" paulit-ulit nilang hiyaw.
"Ano‘ng nangyayari?" nanginginig na tanong mo. Kumakabog ang dibdib mo at namamanhid ang buong katawan.
"Mga mabababang uri na nais kumawala sa kanilang kaparusahan. Huwag kang aalis sa iyong kinatatayuan," sabi niya. Nakatingin pa rin siya sa malaking butas na animo ay tinatantiya ang dapat gawin.
"Paano mo nalaman?" muling tanong mo sa kaniya.
Kalituhan, iyon ang namayani sa iyo kasabay ng takot.
Dumagundong sa iyong pandinig ang bawat tibok ng puso mo na dulot ng kaba habang ang utak mo naman ay itinutulak ka na tumakbo at lumabas ng iyong silid. Ngunit nagsusumamo ang puso mo na huwag iwan ang iniibig nito.
Muli kang napasigaw nang maramdaman sa iyong binti ang mainit na kamay ng kaluluwang nakatakas sa kinalalagyan nito.
"Tulungan mo kami! Tulungan mo kami!"
Pawala na ang iyong boses sa kasisigaw. Pilit mong ipiniksi ang iyong paa ngunit napakahigpit ng hawak ng nakakapit sa iyo.
"Tulong!" hiyaw mo noong unti-unting mahatak ka na patungo sa butas. Ramdam mo na ang nakapapasong init ng hindi namamatay na apoy.
Inilahad mo ang iyong kamay sa nilalang na nagmamay-ari ng iyong puso. Inaasahan mong ikaw ay kaniyang sasaklolohan subalit gayon na lamang ang iyong panlulumo noong itulak ka niya pababa, patungo sa nanaghoy na mga kaluluwa.
Nagimbal ka sa napakasakit na init na dala ng kaniyang yapos. Una dahil nahawakan ka niya at pangalawa dahil nagawa ka niyang saktan.
Sa iyong harapan ay nagbago ang kaniyang anyo. Nanlisik ang kaniyang mga mata at umusbong mula sa kaniyang noo ang dalawang mahahabang sungay. Bawat dulo ng mga sungay na iyon ay nababalutan ng apoy.
"Sa paraiso ng walang hangang apoy, kung saan ako ang hari, ikaw ang aking magiging reyna," rinig mong sigaw niya kasunod ang mga malulutong na halakhak habang ang apoy ay unti-unting tinutupok ang iyong laman.
Kung sinunod mo lang sana ang sinasabi ng iyong kaisipan. Iyon ang huling nasa isip mo bago ka tuluyang nilamon ng apoy.
BINABASA MO ANG
Takot
HorrorKoleksiyon ng mga maiikling kuwento upang kilitiin ang inyong imahinasyon at pabilisin ang tibok ng inyong mga puso dahil sa... Takot!