Dear Crush

183 5 2
                                    

Dear Crush,

Ang bilis ng panahon 'no? Naaalala ko pa nung una kitang nakita. Napakaraming tao... Napakarami pero naging kapansin-pansin ka talaga sa paningin ko. Alam mo bang hindi ako naniniwala sa goosebumps noon? Pero nung panahong iyon... Nangyari sa'kin yun. Parang biglang nanahimik ang paligid ko kahit na andaming nagdadaldalan noon. Malayo ka rin sa'kin pero parang biglang nag-zoom in yung paningin ko sa kinaroroonan mo. Ikaw lang ang nakikita ng mga mata ko.

Sa isip-isip ko, parang daig mo pa 'ko dahil sa sobrang linis, puti at kinis ng balat mo. Lalaki ka ba talaga? Pero dahil doon ay lalo akong nagka-interes sa'yo.

First year ako nung una kitang nakilala... Nung mga panahong iyon ay third year ka na. Nakakalungkot para sa'kin kasi dalawang taon lang kitang makakasama sa iisang eskwelahan tapos college ka na at hindi ko alam kung makikita pa kita.

Kaya bago pa dumating yung araw na kinatatakutan ko ay pinilit kong mapalapit sa'yo. Iniisip ko, kahit sa chat lang ay ayos na. Lalong lumalim yung pagtingin ko sa'yo nung naka-chat kita. Napakabait mo kasi, hindi ka snob at humble ka lang kahit sikat ka sa buong school. Matalino ka rin pero hindi mo ipinagmamayabang at handa kang kausapin ang tulad kong nasa regular section lang.

Ang unang beses nating chat ay nauwi sa araw-araw na pagcha-chat. Siyempre, ako yung unang nagchachat dahil alam ko namang hindi mo ako pagkakaabalahang unang i-chat. Baka maubos na ang buhok ko ay wala pa ring nangyayari kaya kinakapalan ko na ang mukha kong i-chat ka at mag-feeling close sa'yo. After 2years naman ay aalis ka na sa school at alam kong 'di na tayo magkikita e.

Dumating yung panahon na hindi ka na nagrereply sa mga chats ko kaya pakiramdam ko ay naiinis ka na sa kakulitan at pagpapapansin ko. Dahil doon, itinigil ko na ang pag-chat ko sa'yo at nakuntento na lang ako sa pagtanaw sa'yo sa school mula sa malayo.

Oo, alam ko namang wala akong pag-asa sa'yo e. Masyado kang mataas para sa'kin. Sikat ka, mayaman ka, mabait ka, matalino ka, gwapo ka... Napaka-perpekto mo sa paningin ko kaya tanggap kong wala akong maaasahan sa'yo. Tanggap ko pero hindi ko pa rin maiwasang masaktan.

Hanggang sa nalaman kong may nililigawan ka. Tulad mo, sikat siya, parehas rin kayong mabait at matalino. Nasa pilot section kayo pareho... Kahit nasasaktan ako ay sinusuportahan kita kung sa'n ka masaya. Pilit kong sinasabi sa sarili ko na kayo ang bagay... Ni hindi nga tayo close sa personal e. Anong aasahan ko?

Tapos nung nalaman kong binasted ka niya, nainis ako. Alam ko kasing nasaktan ka at nung naisip ko yun, nasaktan rin ako. Ano pa bang hinahanap niya sa lalaki? Ang swerte niya nga at niligawan siya ng tulad mo... Hindi niya ba alam na andaming pumapangarap sa'yo na hindi mo napapansin dahil siya ang gusto mo?

Nalaman ko rin kung sino pa ang ibang mga niligawan mo bago siya... Mga sikat sila, magaganda rin at mababait. Nakita ko na yung mga tipo mo at tanggap ko ring wala ako kahit sa kalingkingan man lang nila. Pero nalaman ko rin na lahat sila ay binasted ka. Hindi ko napigilang magalit sa kanila. Ano bang mali sa'yo? Naiinis ako sa kanila.

Pero ganun talaga siguro, kung sino pa ang gusto natin, yun pa ang hindi pumapansin sa'tin.

Dumating na yung kinatatakutan ko... Graduation n'yo na. Alam mo bang umiyak ako? Sobrang umiyak ako... Alam ko kasing hindi na kita makikita... Nagkatagpo lang naman tayo dahil iisa tayo ng pinasukan na high school pero dati pa ay alam ko nang darating yung araw na aalis ka na sa school na 'to at 'di na kita makikita. 'Kala ko nga ay naihanda ko na ang sarili ko pero hindi pa pala kasi nasaktan at naiyak pa rin ako.

Pero, ikaw? Siguro, 'di mo man lang ako naalala bago ka umalis ng school 'no? Hindi nga naman kasi tayo close... Nagkakausap lang tayo sa chat at nagha-"Hi" lang ako sa'yo sa personal pero pagkatapos nun ay wala na.

Nalaman ko rin kung sa'n ka nag-college. 3rd year na ako. Isang beses ay napadaan kami ni Papa sa school n'yo nung may pinuntahan kami. Sinabi niya sa'kin ang pangalan ng mga college school na dinaanan namin. Nung sinabi niya yung pangalan ng isang school na nadaanan namin ay nalaman kong iyon ang school mo...

Hindi nga ako nakasagot nun e. Akala ko nakapag-moved on na 'ko sa'yo... 'Kala ko, wala na 'kong feelings sa'yo pero nung time na yun, dun ko napagtanto na andito pa rin... Andito pa rin yung nararamdaman ko para sa'yo. Natulog lang siya sa loob ng dalawang taon.

Ang kapal ko e 'no? May pa-move on-move on pang nalalaman, e hindi nga naging tayo. Ni hindi nga ako nagkalakas ng loob na mag-confess sa'yo e. Pero, matalino ka. Alam kong nahalata mo na may gusto ako sa'yo dahil lagi kitang kinukulit sa chat. Siguro nga, yun ang dahilan kung bakit hindi ka na nagreply sa mga chat ko. Iniwasan mo na siguro ako simula nung makahalata ka.

Pero nagpapasalamat pa rin ako sa'yo kasi naging mabait ka sa'kin. Kahit nakukulitan ka na, 'di mo pa rin pinahalata. Pinakisamahan mo pa rin ako...

At ngayong sinusulat ko 'to, marahil nga, hindi pa rin talaga nawawala ang nararamdaman ko para sa'yo. Tuwing makakakita nga ako ng picture mo sa FaceBook, parang bigla ulit akong nagkaka-crush sa'yo... Parang bumabalik ako sa nakaraan kaya hangga't maaari, hindi ko na vinivisit ang profile mo tulad ng palagi kong ginagawa nung first year ako.

At ngayon, ikakasal ka na. Congrats ha? Alam kong napakasaya mo. Sa simula pa lang, alam kong ganito na ang mangyayari. Siguro, napakaganda ng ngiti mo. Yung ngiti mong gustong-gusto ko... Yung ngiti mong lalong nagpalalim sa nararamdaman ko para sa'yo.

Salamat rin sa magagandang memories kahit papa'no. Naging crush kita--ayy, hindi--minahal rin kita ng maraming taon at hindi ko alam, baka ikaw pa rin ang laman ng puso ko hanggang ngayon.

Mawawala rin naman siguro 'to diba? Lalo pa ngayong nagpakasal ka na. Makakahanap rin ako ng taong mamahalin ko tulad ng pagmamahal ko sa'yo... O baka higit pa.

Sana maging masaya ka. Dahil pag masaya ka, kahit nasasaktan ay masaya na rin ako...

Hindi kita makakalimutan dahil alam ko sa sarili kong ikaw ang first TRUE love ko.

Sincerely,

Admirer

Dear CrushTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon