NAPANGITI NA lang si Dave matapos niyang mabasa ang palitan ng mga messages ng kanyang mga tropa at kababata. Mayroon silang isang group chat sa Facebook. Tropang Hamog ang pangalan. Apat lang silang andoon, siya, si Jomar, Randy at si Rex. Kasabayan niyang lumaki ang tatlo, kung ano anong larong kalye ang mga naranasan nilang apat at kasama din niya ang mga ito sa lahat ng kalokohan. Naging masaya ang buhay niya noong bata pa siya dahil sa nabuong samahan nilang apat. Tropang Hamog dahil pare-parehas silang gusto palagi sa labas. Nakatambay, naglalaro ng basketball, sabay sabay bibili ng ice water pagkatapos maglaro habang panay ang asaran.
"Wag kayong mawawala mga tol sa weekend. Birthday ko! Kailangan n'yo na din makilala si Rea. Last na si Rea mga tol. Seryoso na 'to" Panimulang chat ni Randy sa kanilang group chat.
Mabilis namang nagreply si Jomar.
"Yan din ang sinabi mo kay Maricar, pati doon kay Angge, at kayTrish, at sa mga nauna pa. Don't us tol :-P"
"Sira ulo! Seryoso na nga 'to. See you mga tol!" Mabilis na sagot ni Randy kay Jomar.
"Sige na lang tol. Dadalhin ko si Hanna. May mga babae ba doon na single? Para naman mabinyagan na 'tong dalawa nating utol. College na tayo wala pa ding girlfriend 'tong sina Dave at Rex!" Sabi ulit ni Jomar.
"Marami doon. Mga barkada ni Rea. Langya yang dalawang yan, napakapihikan kasi! Magreply kayong mag best friend 'wag panay seen!" Chat ni Randy.
Nakangiti siya habang nagta-type ng isasagot.
"Darating ako mga 'tol. See you!" Sabi niya.
Sandali lang ay nagreply na din si Rex para sabihin na darating din ito.
Sa kanilang apat ay si Randy talaga ang chickboy. Naka ilang girlfriend na ito high school pa lang sila. Elementary pa lang nakitaan na nila ito ng kapilyuhan at talagang may kahiligan sa mga babae. Si Jomar naman iyong tipong maypagka loyal. May dalawang taon na nitong karelasyon si Hanna at mukhang maayos naman talaga ang tinatakbo ng relasyon ng dalawa. Sila ni Rex ang NGSB as in No Girlfriend Since Birth. Sigurado naman siya sa kasarian niya at marami rami na din naman ang hinangaan niyang babae na mga naging kaklase niya pero talagang wala pa sa isip niya ang pumasok sa isang relasyon. Hindi siya nagmamadali. Bata pa rin naman sila. Nasa 3rd year college pa lang siya, magiging 4th year na sa susunod na taon. Parehas sila ni Rex. Graduating naman sina Randy at Jomar ngayong taon. Si Randy ay noong nakaraang taon pa dapat nakatapos pero dahil sa varsity player ito sa university kung saan nag aaral ay kinailangan mag extend ng isang taon.
Natigil siya sa mga iniisip noong marining niyang may tumatawag sa kanyang cellphone. Mabilis niyang tiningnan kung sino ang tumatawag. Si Rex. Saglit lang ay sinagot na niya ang tawag nito.
"Tol!" Bungad niya sa best friend.
"Tol, tapos mo na ba 'yong project mo?" Tanong ni Rex sa kanya.
"Patapos pa lang tol. Kailangan ko to tapusin dahil kung hindi baka di ako makapunta sa birthday celebration ni Randy." Naiiling na sabi niya.
"Kaya nga napatawag ako bigla e. Nagulat ako nag confirm ka na pupunta ka kaya napa confirm din tuloy ako." Natatawang sabi ni Rex sa kanya.
"Desidido naman akong pumunta do'n tol kaya tatapusin ko talaga 'tong project ko. Isang beses lang sa isang taon mag birthday 'yon si Randy." Natatawa niyang paliwanag sa kausap. "Alam ko na, kapag di ko 'to natapos ngayong gabi, overnight ka dito sa amin bukas, tulungan mo ako, tapusin natin, para sigurado akong makapunta bukas." Dugtong pa niya.
Narinig niyang natawa si Rex. "Sige tol, ano pa nga ba. If I know gustong gusto mo talaga pumunta para maghanap ng igi-girlfriend mo. Tinatablan ka na sa pangangasar sa atin no'ng dalawang kulokoy na 'yon." Nangangasar na sabi pa ni Rex.