MAY kalahating oras nang nakahiga sa duyang yantok si Kimberly sa ilalim ng punong-mangga. Ang isang paa ay nakabitin sa lupa at inuugoy-ugoy ang duyan.
Napalingon siya sa gate nang marinig na may nagbubukas ng gate na bakal. Nagsalubong ang mga kilay ng dalagita nang makita kung sino ang pumasok
"Hi, sweetheart!" Si Renz, ang kaibigan at kaklase ng Kuya Patrick niya
Bumalikwas ng bangon ang dalagita at sa naniningkit na mga mata ay hinarap ang binata.
"Isa ka pa!" salubong niya rito sa nagagalit na boses.
Biglang nahinto sa paghakbang si Renz na nagtaasan ang mga kilay. Inilahad ang dalawang kamay sa ere.
"Why? What have I done?" nagtatakang wika nito.
Lalong tumalim ang mga mata ng dalagita. "Hmp! Bakit isinumbong ninyo sa Daddy na nandoon ako sa party ni Rizza kahapon," angil niya. "Hindi pa ba sapat 'yong ipinagtabuyan ninyo akong pauwi?"
"Ah, iyon ba?" Marahang natawa ang binata. Humakbang patungo sa punong kinatatalian ng duyan. Sumandal ito roon at namulsa.
"Oo, iyon nga!" sarkastikong sagot ng dalagita.
"Sweetheart, hindi ako ang nagsumbong. Si Patrick lang. Isa pa, kung ako ang kuya mo ay ganoon din ang gagawin ko. Siguro naman ay hindi kaila sa iyo ang uri ng mga kaibigan mayroon ang Rizza na 'yon," paliwanag ni Renz.
Ang Rizza na pinag-uusapan nila ay bagong lipat lamang sa kanilang bayan. May anim na buwan na marahil. At hindi naging maganda ang impresyon sa babae ng mga tagaroon dahil malimit itong tumanggap ng maraming bisitang lalaki sa bahay nito. At gusto pa ngang maghinala ng iba na gumagamit ito ng bawal na gamot bagaman wala namang makitang ebidensiya roon.
At sa loob ng anim na buwan nito mula nang malipat ay apat na beses na itong nagpa-party. At malimit nitong maimbita ang Kuya Patrick niya at si Renz. At karaniwan na, bagaman hindi direktang sinasabi ng kuya niya ay naririnig niya sa ibang tao na medyo may-pagka-wild ang party, lalo na kung medyo gumagabi na. Palibhasa'y tiyahin lang ng babae ang kasama sa bahay.
At kahapon nga ay ganoon na lamang ang gulat nina Patrick at Renz nang datnan doon si Kimberly kasama ang dalawa niyang barkada at kaeskuwela na sina Lilibeth at Gigi.
Nang oras ding iyon ay pinauwi siya ng Kuya Patrick niya gayong halos nauna lamang sila nang ilang sandali sa mga ito. Kahit nang sabihin niyang imbitado naman sila ay hindi siya pinakinggan ni Patrick.
"If you don't like Rizza and her friends, bakit nandoon kayo ng Kuya Patrick?" muli niyang angil.
"May sinabi ba akong ayoko kay Rizza o sa mga kaibigan niya?" amused na tanong ng binata. "Two or three of them are also our friends. Ang ibig namang sabihin ng Kuya Patrick mo ay masyado ka pang bata para sa mga ganoong uri ng party. Kayo ng mga classmate mo."
"At kayo ni Kuya Patrick ay mga matatanda na, ganoon ba?" patuya niyang sabi.
"Well, both Patrick and I are twenty-two and you're just sixteen. Maliban pa sa may kaunting drinks ay para lang sa mag-boyfriend ang party kagabi. Plus the fact na hindi ka nagsabi ng totoo sa daddy mo sa totoong pinuntahan mo."
"But you didn't have to tell Dad! Grounded tuloy ako," mangiyak-ngiyak niyang sinabi. Ang parusa ng daddy niya sa pagsisinungaling at pagpunta sa party ay hindi siya allowed na umalis ng bahay pagkagaling ng eskuwela sa loob ng isang linggo. Bahay-eskuwela-bahay lang ang rutina.
Nilapitan ng binata ang dalagita. "I'm sorry about that, sweetheart. Pero maniwala ka sa akin, inapila ko kay Patrick na huwag ka nang isumbong sa daddy mo," may simpatya ang tinig nito.
Subalit hindi maalo ang dalagita. Tumalim pang lalo ang mga mata niya. "At bakit ba 'sweetheart' ka nang 'sweetheart' sa akin? Hindi mo naman ako girlfriend, ha!"
Tumingala sa itaas ng puno si Renz at nagkamot ng ulo. "Pati ba naman iyang tawag ko sa iyo mula pa noong elementary ka ay napag-iinitan mo?"
"Noon iyon. Hindi na akong batang munti!"
Itinaas ng binata ang isang kamay at ginulo ang buhok ng dalagita.
"At may mga crush ka na ngayon kaya ba ayaw mo na sa tawag ko sa iyo, ganoon ba?" nakangiti nitong sinabi.
"Wala kang pakialam, ha!" bulyaw niya na sinabayan ng tayo mula sa kinauupuang duyan. "Basta huwag kang 'sweetheart' nang 'sweetheart' sa akin."
"I'll try," natatawang sagot ng binata. "But you know how old habits are hard to die."
Pagkatapos ay lumakad na papasok sa bahay si Renz. Nang nakakailang hakbang na ito ay nilingon si Kimberly.
"Nasa loob ba si Patrick?"
"Ewan!"
Iiling-iling na nagtuloy-tuloy sa loob ng bahay si Renz. Naiwan si Kimberly na sinundan ito ng tingin.
Sa totoo lang ay matindi ang crush niya sa binata pero kahit na ano ang mangyari ay hindi niya ipaaalam dito. O kahit na kanino pa man. Alam din niyang hindi lamang siya ang may crush sa binata. Kahit ang mga classmate niyang babae ay lantaran ang pag-aming type ng mga ito si Renz.
Bakit ba, eh, star basketball player ng college department si Renz. Bukod doon ay scholar pa. Hindi dahil atleta ito kundi dahil talagang matalino ang binata.Idagdag pa ang mga katangiang iyon sa pagiging guwapo nito.
Subalit may girlfriend na ito. Si Dianne. Ang muse ng basketball team ng mga ito at classmate din nina Renz at Patrick.
Chemical engineering ang kursong kinukuha ng binata at magtatapos na sa taong ito. Siya man ay magtatapos sa taong ito ng high school. At pagtatawanan siya ng marami kapag nalamang kasama siya sa nahihibang sa binata.
Kahit minsan ay hindi siya nagpapahalata ng kanyang damdamin. Katunayan nga, mas ninanais pa niyang pagmasdan ito mula sa malayo kung walang nakakapuna. At kung nasa kanila si Renz at kausap ng Kuya Patnck niya ay dumidistansiya siya.
Ano ba naman ang malay niya na sa dinami-dami ng lalaking nakilala mula noong nagdalagita ay kay Renz pa siya nagka-crush? Marami namang nanliligaw sa kanyang mga kaklase at schoolmate pero binasted niyang lahat ang mga iyon. Para sa kanya, totoy ang mga ito kompara kay Renz.
At habang tumatagal ay lalo niyang nararamdaman na sumisidhi ang paghangang iniuukol niya sa kaibigan at kaklase ng kanyang Kuya Patrick. Subalit pilit pa rin niyang ipinapasok sa isip na lilipas din iyon. Na isa lamang iyong puppy love. At hihintayin na lamang niyang mawala ang damdaming iyon nang kusa.
BINABASA MO ANG
Sweetheart 1 COMPLETED (Published by PHR)
RomanceSweetheart 1 By Martha Cecilia "Ikaw ang aking panaginip... ang aking magandang pag-ibig." Isang matinding crush ang umusbong sa batang puso ni Kimberly para kay Renz noong sixteen siya. Love letters and gifts, waltz and a song, promises and the ver...