Destiny.
Sino pa bang naniniwala sa destiny?
Ikaw? Naniniwala ka ba sa destiny?
Yung tipong napapanood mo sa mga romantic comedy films, na kung saan ang babae ay nahahanap at nakakakilala ng isang lalaki, maiinlove, mag-aaway ng kaunti at magkakaroon ng conflict, magkakaayos, at sa bandang dulo ay magpapakasal.
Meg Ryan, Julia Roberts, Drew Barrymore.
Ilan lang iyan sa mga paborito kong artista na bida sa mga sikat at box office hit na love stories.
Kung magkakaroon ng game show tungkol sa mga romantic comedy movies, ay tiyak na mapapanalunan ko ang pot money.
Memorize ko ang mga lines. Memorize ko ang setting. Napapanaginipan ko pa nga ang iba.
Matagal din akong pinaniwala ng mga pelikulang ito. Ang mala-fairytale na kuwento.
Hanggang sa isang araw ay nagbago ang lahat sa buhay ko.
Nadiagnose ako ng isang sakit na maaari kong ikamatay. Na sa aking palagay ay dapat kong paghandaan ang aking pagkawala.
Posibleng gumaling, posible ding hindi na.
Kaya naman ngayon, hindi na ako naniniwala sa destiny.
Hindi na ako naniniwala na dapat pa akong maghintay sa kung anong magandang mangyayari sa aking buhay.
Dahil hindi ko sigurado kung mabubuhay pa ako ng matagal.
Hindi ako titingala sa langit at maghihintay na may mahuhulog na bagay o tao sa aking harapan.
Buo na ang isipan ko, na ako ang gagawa ng sarili kong destiny.
Ako na ang hahanap ng mga bagay na magpapasaya sa akin.
Ako na ang maghahanap ng taong mamahalin.
Ako na ang kikilos upang mapaligaya ko, kahit papaano, ang aking sarili at huwag mag mukmok sa isang tabi.
At ramdam ko namang suportado ako ng aking mga magulang sa mga plano kong iyon.
“Sigurado ka ba anak na ayaw mo ng birthday party?” Tanong sa akin ni mommy habang kumakain ng hapunan.
“Hmmm… Huwag na mommy… Dagdag gastos pa yon.”
“Eh handa naman kaming gumastos para sa birthday party mo…”
“Honey… Hayaan mo na lang si Julie sa gusto niya. Basta ba’t ikakaligaya yan ng anak natin eh ibigay na natin sa kanya ang pagdedesisyon…” Saad ni daddy sabay kindat sa akin.
Napapangiti ako sa tuwing kinakampihan ako ni daddy. Aaminin ko, daddy’s girl ako.
“I just want the best for you Julie…” Saad sa akin ni mommy sabay hawak ng aking kamay.
“Okay lang po ako mommy. Huwag na po kayong mag-aalala sa akin…”
“Okay baby… if that’s what you really want…”
Masuwerte ako dahil mayroon akong mababait at responsableng mga magulang. Sila talaga ang mga iniidolo ko kung papaano ba dapat hinaharap ang buhay.
Laging positibo.
Kahit alam kong hirap na hirap na sila sa mga gastos ko sa ospital, sa mga gamutan, at sa matrikula ko sa eskuwelahan, eh gusto pa rin nila ako bigyan ng isang magarbong party.
Hindi ko naman kailangan iyon.
Mas gusto ko lang ng tahimik at simpleng salo-salo, at sapat na para sa akin na kasama ko ang mga mahal ko sa buhay.