ANG ALAY KO KAY ITAY

1.8K 2 0
                                    

 

Bukas paggising ko uunahan kong bumangon si Itay. Mag-iinit ako ng tubig at kukunin ko ung paborito niyang mug. Pagtitimpla ko siya ng black coffee,  konti lang ang asukal. Pagkatapos ihahanda ko ‘yung tuwalya niya bago siya maligo. Gusto niya ay yung tuwalyang puti. Ipagpipiprito ko siya ng itlog at magsasangag ako.

Sabay kami kakain at sasabihin  ko sa kanya ang balak ko. Gusto ko kasing ibili siya ng bagong polo,lagi kasi niyang suot yung polong blue na pang drive niya. Kakain din kami sa labas. Tapos manonod kami ng sine, mahilig yun sa action movie. Kung buhay pa si Fernanado Poe Jr. siguro maaga pa lang ay nakapila na kami sa sinehan.

Buti na lang may pera na akong naipon para sa date namin ni Itay. Pagkakasyahin ko na ito para sulit naman. Sana maging masaya siya. At kahit araw –araw susupresahin ko siya. Ganyan ko mahal si Itay.

Pero sayang wala na siya, dalawang taon na nga palang patay si Itay.

Sayang talaga, nalulungkot ako kapag suumasagi sa isip ko ang mga araw na nabubuhay pa si Itay. Busy  kasi ako noon sa barkada, laging gabi na akong umuwi. At paggising ko sa umaga wala na si Itay naghahanap buhay na.

Hindi ko rin malimutan ang araw na pumanaw siya. Hawak ang kamay niya at lahat ng balak ko ay hindi nagawa para sa kanya. Akala ko mabubuhay pa siya nang ipasok siya sa ospital. Wala ako noon sa bahay namin. Ibinalita lang sa akin ng pamangkin ko. Sa ICU ko siya huling nakitang humuhinga pero sa tulong na lang ng machine.

Kumain lang noon si Itay, ang kuwento nila sa ‘kin. Bigla siyang inatake sa puso. Wala naman siyang malubhang karamdaman. Talagang oras na ni Itay.

Sana dati ko pa ito ginawa ang mga plano ko para kay Itay.

Pangako ko dadalaw ako sa puntod niya. Kahit huli na. Ito ang tanging maiaalay ko para kay Itay.

ANG ALAY KO KAY ITAYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon