Tagal ko na pong naisulat short story na ito, way way back. Actually, isa ito sa kalipunan ng maiikling mga kuwento na balak kong i-self-publish. But now that i discovered wattpad, i believe it will be a nice home to this story as well as those other short stories. Pero for the meantime, ito po muna. Hope mag-enjoy kau sa pagbasa. Medyo seryoso ang pagkakasulat tulad ng "Dalawang Mukha ng Pag-ibig" but just the same, hangad ko na mag-enjoy kayo.
Tulad ng dati, i welcome po ang comments para ma-improve ko ang pagsulat. Bonus na lang ang vote.
Salamat sa pagbasa.
- blueD 06/03/2014
*************************************************************************************************************
ISANG KUWENTO NG PAG-IBIG
NATATANDAAN ko pang minsan lang akong napadaan sa bahaging ito ng kagubatan. Napaligaw lang ako dito at sa malas ay hindi ko na mahanap ang daan pabalik sa aking pinanggalingan. Halos hindi ko na maikampay ang aking mga pakpak sa matinding gutom, uhaw at pagod. Ang nektar na makakapagpapawi nito ay hindi man lang inalok ng mga bulaklak na aking nadaanan. Ngunit dala marahil ng taglay mong kabaitan, tinawag mo ako't inalok ng kailangan kong pagkain upang makabawi ang aking hapong katawan.
Bukong rosas ka pa lang no'n. At ang iyong saglit na pagpitlag nang dumapo ako sa 'yung kandungan ay tanda na ako ang kauna-unahang paru-parung nakagawa nito sa 'yung buhay. Anupa't parang binabayo ang puso ko't walang masabing anuman. Ni ang magpasalamat sa'yo ay nanatili lamang sa aking dila at hindi ko naipambasag sa namamagitan sa ating katahimikan. Halos hindi ko rin magalaw ang inihain mong nektar para sa akin.
Ngunit 'yun naman ay no'ng una lang. Makalipas ang ilang saglit ay nakita ko na lang ang ating mga sariling nagbibiruan, nagtatawanan at nagkukuwentuhan ng kahit ano-ano lang na mga bagay. Mula sa mga 'yun ay umusbong ang isang pag-ibig. Kaya sino ang makakapagsabing tayong mga paru-paru't bulaklak ay hindi marunong magmahal. Nagmamahal din tayo at mas wagas pa kaysa mga tao sa bayan.
Ang pag-ibig na ito ang naging dahilan upang dito na ako manirahan sa kagubatang tinitirhan mo upang tayo'y hindi na magkawalay pa. Ipinangako ko sa aking sarili na tanging ikaw lang ang mamahalin at hindi na maghahanap ng iba pang bulaklak.
Sa bawat araw na dumaan ay ipinadarama mo rin sa akin ang 'yung pagmamahal. Ang iyong damdamin ay idinadaan mo sa patuloy mong pamumukadkad. Unti-unti ay ipinamamalas mo ang malambot at pula mong talulot. Ang bangong dati mong itinatago ay pinabubusilak mo na ngayon sa hangin. Wari baga'y gusto mong ipakita sa lahat kung gaano kawagas ang ating pag-ibig na ang dating buko at walang dilag na rosas ay maging isang napakagandang bulaklak na aakit at aagaw ng pansin ng sinuman ngayon.
Kaya nga hindi ba't minsan ay naipagkamali kita sa isang bituing nasa lupa dahil sa nagniningning mong kagandahan na sinagot mo naman nang pabiro na tunay na ika'y bituin sa langit na bumagsak lamang sa lupa at kagandahan at bango ang pumalit sa nagniningning mong liwanag. Alam kong biro mo lang 'yun, ngunit dala marahil ng aking sobrang kahangalan sa pag-ibig ay akin namang pinaniwalaan.
Anupa't sa bawat oras na magdaan ay pulos magagandang pangarap ang ating nakikita. Walang bahid ng anumang pag-aalala at takot. Nagsumpaan tayong walang sinuman o anumang bagay na makakahadlang sa ating pagmamahalan. Ngunit hindi natin alam na sa kabila nito ay may naghihintay sa ating isang pangit na kapalaran.
Isa 'yung napakasamang araw at nagkataong wala ako sa 'yung tabi. Isang binata ang napadpad sa pugad ng ating pagmamahalan. Napansin ka, naakit at natuksong pitasin sa 'yung tangkay upang ihandog sa nililiyag nitong kasintahan. Nakitlan ka ng buhay nang hindi nalalaman ng hangal na binatang 'yun dahil sa pag-ibig. Ang masakit ay hindi ko man lang naipakita na handa kitang ipagtanggol sa sinumang mananakit sa 'yo. Ang tanging nadatnan ko na lamang ay ang putol mong tangkay at ikaw irog ko'y wala na.
Mula nang araw na 'yun ay kinalimutan ko na ang lahat sa akin. Hindi ko na inalintana ang gutom kong tiyan, ang nauuhaw kong bibig at ang hapo kong mga pakpak. Kahit pagod ako'y nananatili ka sa aking isipan at isinumpa kong hindi titigil ng kalilipad hangga't hindi kita nahahanap.
At sa wakas ay natagpuan din kita. Ewan ko kung dapat akong matuwa ng mga sandaling 'yun. Ang tanging natatandaan ko'y nag-unahan sa pagdaloy ang mga luhang dagling nag-init sa aking mga mata. Dangan kasi'y nasa basurahan ka na ngayon, lanta na at pinagsasamantalahan ng mga maduduming langaw.
Sana'y nakita mo kung paano kita ipinagtanggol sa mga ito ngunit nang sandaling dumapo na ako sa talulot mong dati kong kandungan ay wala na itong sigla, lanta na't wala ng buhay. Natuyo ka na sa init ng araw at maging ang bango mo'y wala na ring naiwan. Hindi ko alam kung ninakaw ng mga langaw o tinangay ng mainggiting hangin.
Ikaw ay ginawang sumpaan ng pag-ibig. Ginawang pintakasi ng pagmamahalan ng isang magkasintahan habang ika'y sariwa pa at may bango pa sa katawan. Ngunit ang pagmamahalan ng magkasintahang 'yun ay panandalian lamang na tulad ng unti-unti mong pagkalanta ay nawalan din ng kulay.
Anong lupit ng mga tao. Inagaw ka sa akin pagkatapos ay itatapon lang sa basurahan at hahayaang pagsamantalahan ng mga langaw. Pero hindi na bale mahal ko, tanda ng aking pag-ibig ay dito na ako lalagi sa 'yung kandungan. Hindi ko hahayaang kawawain ka pa ng ibang nilalang. Dito ko na rin marahil ipagpapatuloy ang mapait nating kapalaran na patatamisin ko sa pamamagitan ng ating mga alaala.
Dahil sa mga kaisipang 'yun ay hindi ko namalayan ang isang batang kanina pa pala nanunubok sa aking likuran at walang babalang hinuli ako't kinulong sa maliit niyang mga kamay. Huli na upang ako'y magpumiglas. Nabali na niya ang aking mga pakpak at nasugatan na rin ang aking katawan sa walang ingat niyang pagkakahawak sa akin. Ubos na rin ang aking lakas upang lumaban pa at higit sa lahat ay wala na ang pinakamamahal kong bulaklak kaya bakit ko pa nanaising mabuhay.
Unti-unti'y namigat ang aking mga mata. Naramdaman kong dahan-dahang nauubos ang aking hininga. At maya-maya pa'y isa na lang akong patay na paru-paru sa palad ng munting bata. Ngunit laking gulat ko nang makita ko na lang ang aking sarili na nakalutang sa hangin. Naging dalawa ang aking katauhan - ang patay na paru-parung nasa kamay ng bata at ako ngayong buhay na lumilipad.
Hindi yata't ako'y isa ng kaluluwa. Ngunit ang sadyang ikinatuwa ng munti kong puso ay nang makita ko ang pinakamamahal kong bulaklak na isa na ring kaluluwa't nakalutang sa kawalan habang nakangiti sa akin.
Para akong hangal na lumipad patungo sa kanyang kandungan upang muling dugtungan ang wagas naming pag-ibig na pinutol ng kalupitan ng tao ngunit ipinagpatuloy din ng isa pang kalupitan ng tao.
wakas