That bus accident. Dun nagsimula ang lahat.
Nakasakay ako sa bus, pauwi ng probinsya namin. Sa bandang harap ako umupo para madali lang akong makababa. May tumabi sakin, isang lalaki. Nakatulog ako habang nasa byahe. Nakacross arms pa ako dahil yun ang pinaka komportable kong pwesto.
Nagulat ako at napadilat nang biglang may humawak sa kamay ko. Hinatak ko yung kamay ko at tinignan ko ng masama yung katabi ko.
Nagulat din sya at napadilat. Tumingin sya sakin at nag-sorry. Nabitawan nya kasi yung wallet niya, di nya sinasadyang yung kamay ko ang nahawakan niya.
Tumango nalang ako at natulog nalang ulit.
Dapat pala hindi ko na ulit ipinikit yung mga mata ko. Kasi sa pagdilat ko, nagkakagulo na ang mga tao sa loob ng bus.
Lahat sila nagpapanic. Saka ko lang narealize na nawalan kami ng preno.
Pilit na iniiwas ng driver ng bus na malaglag kami sa matarik na gilid ng daan, pilit niya ring pinapahinto yung sinasakyan namin, pero bigo siya.
Nagtuloy-tuloy kami hanggang sa bumaligtad na yung bus na sinasakyan namin pababa ng bangin.
Hindi ko alam ang gagawin ko ng mga oras na yun. Para kaming bolang pinagulong-gulong.
Dahil sa sobrang pagpapanic ng mga pasahero, yung iba ay pilit na binuksan ang pinto ng bus sa pag-aakalang makakaligtas sila.
Nagkabasag-basag na din yung mga salamin. Nayupi na yung bubong ng bus.
Madami akong nakikitang dugo. May sanggol na umiiyak, may mga sumisigaw, halos lahat ay tuliro.
Sa sobrang takot, sa sakit ng katawan, at sa pagkahilo ay napausal nalang ako ng dasal.
Pinikit ko yung mga mata ko at naiyak na din ako habang sinasabi ito. "Diyos ko, alam ko pong walang kasiguraduhan kung mabubuhay pa kami sa ganitong sitwasyon, pero naniniwala po ako sa inyo. Diyos ko, tulungan niyo po kami." Sobrang takot na takot na talaga ako.
Gusto kong sumigaw pero walang lumalabas na boses sakin dala na siguro ng takot.
Ayokong dumilat kasi natatakot akong makita yung nangyayari sa mga kasama ko.
Nagdasal nalang ako nang nagdasal nang biglang may humawak sa kamay ko. Pagdilat ko, nakita ko yung lalaking katabi ko. May mga dugo narin sya.
Tumingin sya sakin na para bang sinasabi niya na wag akong matakot dahil makakaligtas kami. Sobrang tagal naming nagpagulong-gulong. Niyakap niya ko.
Sa sobrang pagsisiksikan ay nalaglag kami palabas ng pinto ng bus.
Akala ko madadaganan kami ng bus. Mas lalo akong napaiyak.
Bago dumagan samin ang bus ay pinapikit ako ng lalaking hindi parin ako binibitawan at mas lalo pang hinigpitan ang pagkakayakap sakin.
Halos wala na kong maramdaman, tanging yung pagkakayakap lang ng lalaking nakatabi ko sa bus at ang lakas ng tibok ng puso ko dahil sa takot ang nararamdaman ko.
At dun na ko nawalan ng malay.
Nagising ako. Sobrang sakit ng ulo ko. Sobrang liwanag.
'Patay na ba ako?' tanong ko sa sarili ko.
Unti-unti, lumilinaw na ang paningin ko.
May biglang tumabi sakin sa papag na hinihigaan ko.
"Mabuti at gising ka na iha", sabi ng babaeng mga nasa 40+ ang edad.
Umupo ako at napasapo sa sumasakit kong ulo.
Hindi ko alam, pero wala akong maalala.
"Nasaan po ako?" tanong ko.