Alam mo ba na noong una pa lang kitang makilala, napansin ko na agad na may kakaiba sa'yo?
Hindi mo ako tinitignan sa mata. Ni hindi mo ako kinakausap. Hindi mo din ako tinatawag sa pangalan ko.
Noong ikaw ang kapartner ko sa ballroom, alam mo ba? tuwang-tuwa ako. Kasi naisip ko, sa wakas ay makakausap na kita.
Kaso wala eh. Kahit tignan man lang ako sa malapad kong noo, wala pa rin. Pero alam mo? Ang bango bango bango mo nun. Tuwang-tuwa ako dahil may yakap yung dance step dahil maaamoy kita lalo.
Siguro dahil doon, naging crush na kita. Kasi alam mo? noon akala ko guni-guni lang kaya lagi kitang naiisip. Ngayon alam ko na.
Tapos noong naging magka-seatmate tayo, nakilala pa kita lalo. Yung mga tawa mo, ngiti at simangot. Pati nga yung pagtulog mo sa klase, kabisado ko lahat.
Ang sabi ng bestfriend ko, sabihin ko na sayo na gusto ko kita. Ang kaso, kilala ako sa klase na amazona at tomboy kaya nahihiya ako na magsabi. Magsabi nga ng 'I love you' sa mga magulang ko, hindi ko ginagawa eh. At naisip ko na bakit ako ang magsasabi eh ako ang babae?
Kaya ayun, nagtiyaga ako sa patingin-tingin, pasulyap-sulyap araw-araw. Panakaw na tingin at amoy ang ginawa ko. Ewan ko ba, gustong-gusto ko ang amoy mo. Hindi masakit sa ilong at hindi nakakasawang amuyin.
Pero isang araw, nalaman ko na lilipat ka na ng school. "Paano yan?" tanong sa akin ng best friend ko.
At nalaman ko rin na bukas ay lilipat ka na rin ng bahay. Sa malayo ka na titira. Sa malayong-malayo kung saan imposible na tayong magkita muli.
Alam mo ba noong uwian, tumakbo ako papunta sa inyo. Hindi ko alam kung bakit pero tumutulo na ang mga luha sa mata ko.
Nadatnan kita na kausap ang aso mo. Ang sabi mo pa nga, "Bantayan mo siya para sa akin ha?"
Hindi ko na napigilan ang sarili ko at niyakap kita ng magigpit. Sa gulat.mo pa nga, niyakap mo rin ako.
Kusa akong kumalas sayo at ibinigay ang isang keychain. Iyon lang kasi ang nasa bag ko noon at napanalunan ko pa sa arcade kaya iyon na lang ang ibinigay ko sayo bilang remembrance.
Tinanggap mo naman iyon at sinabi mong "Salamat" na may kaunting luha sa mga mata mo.
Iyon ang huli nating pagkikita.
Ngayon, suot-suot ko ang puting gown at nakaharap sa salamin. Naisip ko,
heto na ba yon? Wala na ba talagang pag-asa na magkita pa tayo? Kahit sa huling pagkakataon?
Tumayo na ako at nagpahid ng luha. Ito na ang oras na hinihintay ng mga magulang ko.
Alam mo ba? Ikakasal na ako. Sa anak ng ka-sosyo ng mga magulang ko. At alam mo rin ba na hanggang ngayon, umaasa pa rin ako na makikita pa kita?
Sa reception, nakausap ko ang bestfriend ko na ilang taon ko na ding hindi nakita.
"Alam mo ba? Yung tungkol kay Arbie?" nalungkot muli ako nang marinig ko ang pangalan mo.
Kasal na ako. Malaman ko man kung nasaan ka ay wala na akong magagawa.
"Alam mo ba na... wala na siya?"
Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Kaya ka raw lumipat ay dahil magpapagamot ka sa Maynila. Bumagsak na ang mga luhang kanina ko pa pinipigil.
At napaupo ako sa lupa nang sinabi niya na,
"Kaya siya nagpagamot doon ay para mapadali ang paggaling niya para pagbalik niya ay uumpisahan na niyang... manligaw sayo"
Lalo akong nanlumo sa narinig ko. Kung alam ko lang sana, hindi ko na sana sinayang ang oras. Hindi na ako nagpaligoy-ligoy at sinabi ko sayo ang nararamdaman ko. Hindi ko na sana sinayang ang mga panahong naghihintay ako sa pagbalik mo.
Alam mo ba? Nagsisisi ako. Kasi kahit kailan, hindi kita naalagaan. Kahit kailan hindi mo ako natitigan mata sa mata. At kahit kailan, hindi kita nasabihan man lang ng,
"Alam mo ba? Mahal na mahal na mahal kita?"
~
Korni! Suman na may arnibal!