Calianna Patrice Alvarez
Tila ba pinagsakluban ako ng langit at lupa habang nakatigil sa dulo ng pasilyo ng club, habang unti-unting napagtatanto na pinagsinungalingan at isinadlak pala ako sa isang kapahamakan ng mismong kadugo ko. Ang sabi ni Auntie Leota ay ipapasok daw niya ako bilang isang waitress—
“Tara na! Kanina pa sila naghihintay sa ‘yo, Calianna!” aniya sabay hablot sa kamay ko.
Nayakap ko bigla ang sarili nang halos mahubaran ako sa marahas na kilos na ‘yon, habang kinakaladkad niya na mariing nakakapit sa palapulsuhan ko, sobrang diin na halos bumaon na nga ang mga mahahaba at mapupula niyang kuko sa balat ko.
Gusto kong umiyak, magwala, sumigaw, magmura, ngunit alam kong wala na ang mga iyong magagawa pa. Ang sakit na kailangan ko na lang tanggapin itong tadhana na ibinigay sa akin. Ang hirap sikmurain na hanggang dito lang pala ako. Na sa ganitong lugar lang pala ang bagsak ko. Na sa huli ay mawawalan din lang pala ng halaga ‘yong pagkatao ko. Na kahit anong gawin ko ay wala rin palang magbabago. Ginawa ko naman ang lahat. Nagtrabaho nang mabuti araw at gabi, nagpakahirap, at nagsumikap.
Ang kasabihan, may kabayaran daw ang lahat ng pagsusumikap mo basta huwag ka lamang susuko. Pero bakit ganoon? Bakit naririto pa rin ako sa parehong lugar kung saan ako nagsimula? Walang pagbabago, ni kaunti ay walang inusad. Kung mayroon man ay mas lalo lamang na naghirap ang lagay ko.
Ano pa ba ang kulang? Araw-araw ay parang inuulit lang ‘yong kahapon at ang nakikita ko ay ganoon pa rin. Sinusubukan ko namang manatiling positibo, patuloy na itaas ang ulo, pero hanggang kailan? Hanggang kailan ako aasa na magbabago itong buhay ko? Hindi naman ako humihingi ng labis kundi isang kislap man lamang ng pag-asa na magsasabing hindi masasayang ‘yong lahat ng mga paghihirap ko, na malapit nang dumating ‘yong araw na matatapos din ito, at gagaan din sa wakas ang buhay ko.
“Auntie, parang awa mo na po!” pagtawag ko sa nanginginig na tinig kung saan bingi naman siya sa mga hinaing ko.
Sinubukan kong haklitin ang palapulsuhan ko mula sa mahigpit na hawak niya ngunit parang tanikala ito na gumagapos sa akin.
“Auntie, sige na po, huwag ninyo pong gawin sa akin ito!” muling pakiusap ko.
“Puta naman! Huwag ka ngang mag-inarte, Calianna! Kwarenta mil ang nagastos ko sa pagpapagamot sa lintik mong ama at may binabayaran pa akong ospital at gamot niya! Ito lang ang paraan mo para makabawi kayo sa akin! Aba! Magkaroon naman sana kayo ng hiya at utang na loob sa lahat ng mga nagawa ko sa inyong dalawa ng inutil mong ama!” sigaw niya habang labis-labis ang panggigigil sa akin.
Nagyuko ako ng ulo at kinagat nang mariin ang ibabang labi ko sa pag-asang mapipigilan noon ‘yong kumakawalang mga hikbi ko. Sa sandaling ito ay gusto ko na lamang na lamunin ng lupa dahil sa matinding kahihiyan at sa nalalapit kong katapusan. Mula anit hanggang talampakan ‘yong nararamdaman kong panliliit sa sarili ko.