CHAPTER I
Sunday, December 19, ang aga kaming ginising ni mama; magsisimba raw kami. Umuwi kami ni Chino sa 'min dahil magpa-Pasko na saka bakasyon na rin naman talaga.
Nag-aaya sina Jacob na pumunta rito sa 'min dahil isinama namin sila rito no'ng nagdaang Pasko. Ang kaso lang kasi ngayon, nagkataon na lahat kami may kanya-kanyang plano na kasama ang mga kanya-kanya naming pamilya.
Panahon din talaga ng reunion kapag Pasko.
Inaantok pa ako pero bumangon na ako dahil baka mayari lang ako lalo ni mama, saka naririnig ko nang nagkakagulo yung tatlo sa labas—sina Chino, Frappe, at Latte—mukhang nagpapauyuhan kung sino ang unang maliligo. May banyo naman sa ibaba, mayroon din dito sa itaas ang kaso lang, kaming apat ay banyo lang sa itaas ang ginagamit. Bumangon na ako at hindi pinansin yung tatlo. Habang abala sila sa pagtatalo ay sinamantala ko iyon para pumasok sa banyo at unahan silang lahat.
"Oy, tangina ka, Esso, labas d'yan!" sigaw ni Chino mula sa kabilang panig ng pinto. Hinahampas niya rin yung pinto. Bahala siya, kahit anong gawin nila roon, 'di ako lalabas. Dito na ako titira.
"Mama, si Kuya nagmumura!" sigaw naman ni Frappe.
"Sumbong naman agad 'tong isang 'to," sabi ni Chino kay Frappe. "Esso, labas d'yan, mas matanda ako sa 'yo!" sigaw ni Chino sa 'kin. Ulol, kainin niya yung thirteen minutes na tanda niya sa 'kin. Para naman akong walang narinig at nagsimula lang sa pagtu-toothbrush. Geez, gusto ko pang matulog.
Nang lumabas ako ng banyo ay nakapila yung tatlo sa labas at lahat sila ay masama ang tingin sa akin.
Ang hindi ko napansin ay ang mabilis na kamay ni Chino. Nabatukan niya kaagad ako ng isa.
"Lintik ka, Esso," sabi ni Chino at agad na pumasok sa banyo.
"Urgh! Isa ka pa, Kuya Chino! Napakadaya mo! Doon na lang ako sa kuwarto nina Mama maliligo," reklamo ni Frappe at narinig ko lang na tumawa nang exaggerated si Chino sa loob ng banyo.
"Bang-aw," sabi ni Latte na nakasandal lang sa may pader. "Kayong dalawa, bang-aw kayo pareho." Sinabayan ko lang yung tawa ni Chino at bumalik na sa kuwarto para magbihis.
***
Nauna na kaming maglakad ni Chino papunta sa simbahan. Malapit lang naman kasi 'yong simbahan sa bahay. Two hundred meters lang yung layo mula sa street namin. Lumalayo lang din dahil medyo papasok pa mula sa kalsada iyong bahay namin.
Marami kaming nakakasabay na maglakad ni Chino na lahat ay sa simbahan papunta. Bumabati kami sa kanila dahil halos lahat sa bayan ay magkakakilala. Bawal magsuplado rito dahil mayayari kami nina mama. Nakakahiya raw sa mga kakilala nila kaya naman kahit 'di naman talaga namin kilala ay nginingitian na lang din namin ni Chino.
Nakita namin si Julian sa harap ng simbahan, akay-akay yung pamangkin niyang dalawang taon. Sobrang likot na bata, parang anak ni Julian dahil kamukhang-kamukha niya. Gano'n din ang itsura ni Julian no'ng maliliit pa kami.
"Oy, p're," tawag ko kay Julian na ngumiti naman sa amin at bumati rin. Kami na ang lumapit dahil hindi makalakad si brad dahil sa pamangkin niya.
"Nasaan ang kapatid mo?" tanong ko kay Julian.
"May kausap." Nag-hi kami ni Chino sa pamangkin ni Julian. Para namang inasinang bulate yung pamangkin ni Julian, nakikipagkilitian maski kanino.
Makailang saglit lang ay pumasok na kami sa loob ng simbahan dahil magsisimula na ang misa.
Sa may bandang unahan sa kaliwa kami naupo dahil malapit sa electric fan at mas presko ro'n kaysa sa may gitna. Isa pa ay pinababayaan na namin yung mga matatanda na pumuwesto sa may gitna. Gustong-gusto nila 'yon, eh, mga nakaupo sa unahan at sa gitna.
BINABASA MO ANG
Black Water
RomanceStill hurting from the past, aspiring chef Esso Arvesu opts to feed his ego and deny his feelings for Sophia. But when circumstances continue to make their relationship more complicated, can Esso finally stop his stubbornness and follow what his hea...
Wattpad Original
Mayroong 8 pang mga libreng parte