Ang Aking Anghel

576 23 0
                                    


Nagsimula sa isang hindi maintindihang pakiramdam- isang pakiramdam na hindi mapakali,

laging pagod, inaantok, at nagsusuka na wala namang lumalabas hanggang sa sumakit ang sikmura.

Nang magpatingin ako sa doktor, sinabi niyang dala-dala ko sa aking sinapupunan ang isang supling.

Ikaw iyon. Binigyan ako ng gamot na pampakapit; pinayuhan niya akong kumain ng maraming prutas at gulay at

huwag daw masyadong maggagagalaw dahil baka mawala ka sa akin.

Unti-unti ay lumaki ang aking tiyan. Ang sabi ng mga kakilala ko, pati mukha ko ay lumaki rin.

Pabigat nang pabigat ang aking tiyan. Naku! Parang lumalaki rin ang aking mga binti at paa. "Manas"

daw ang tawag doon!

Lumipas ang siyam na buwan...

Kailangan na kitang iluwal. Hindi lang ang aking tiyan ang sumasakit kundi halos ang buong katawan ko.

Hay... hindi ko maintindihan ang sakit, anak ko.

Basta ang alam ko mababawasan ang sakit na nararamdaman ko kapag nailabas kita nang mga sandaling iyon.

Ilang oras ang dumaan na hindi ko maipaliwanag kung anong klaseng sakit ang naranasan ko...

Hanggang sa...

Nakita kita. Nawala ang lahat ng sakit na naramdaman ko. Napawi ang hirap na dinanas ko sa nagdaang

siya na buwan-dahil ikaw ang pinakamagandang nilalang na nakita ko. Nang ilapit ka sa akin, inabot kita, pinangko...

Bigla kang humawak nang mahigpit sa aking hintuturo na para bang sinasabi mong "Huwag mo akong iiwan, Inay."

Bigla kang humikab at naamoy ko ang iyong hiningang walang kasimbango.

Hindi ko namalayan, ako'y napangiti na pala at luha ko'y dahan-dahang gumuhit sa aking mga pisngi. Ngayon lang ako

nakakita ng anghel.

Mula noon, ipinangako kong palalakihin kita nang tama. Hindi ko hahayaan dapuan ka ng kahit anong sakit.

Hindi kita pababayaan. Ibubuhos kong lahat ng pagmamahal na kaya kong ibigay sa iyo. Bibigyan kita ng pangalan-

pangalang pinakamaganda.

Paglaki mo, pag-aaralin kita sa pinakamagandang eskuwelahan. Ako ang tutor mo. Sisikapin kong mapatapos ka sa kursong nais mo...

Magkakaroon ka ng trabahong maayos...

At magkakapamilya na rin...

Dahil mahal kita, anak, hindi ako puwedeng mawala sa iyo. Ano man ang mangyari, nasa tabi mo lang ako, laging nakaantabay sa iyo.

Dahil hindi ko pahihintulutan na ikaw ay mahirapan o masaktan ninuman.

Dahil ako ang iyong ina-ang una at huling kaagapay mo sa anumang suliraning iyong kakaharapin. At lumipas man ang mga araw

o ilang panahon, hinding-hindi kita iiwan...

Dahil ikaw ang dahilan kung bakit ako naririto...at hindi mawawala kailanpaman.

wakas.


Available on https://preciousshop.com.ph/products/classic-teen-story/cbk00254-ang-aking-anghel/

🎉 Tapos mo nang basahin ang Ang Aking Anghel COMPLETED (Published by Lampara Books) 🎉
Ang Aking Anghel COMPLETED (Published by Lampara Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon