****Ito ang mga kabanata ng mga naganap noong ako dumaan sa mga pangyayari na akala ko sa mga pelikula ko lang mapapanood. Lahat ng mga naganap ay ayon lamang sa kung paano ko nakita at nadama ang mga bagay. Walang intensyon ang manunulat na siraan, pagsabihan ng masama, o sirain ang dignidad ng mga taong napasaad sa nasabing lathala. Ang mga pangalan ay binago na din upang maitago ang pagkatao ng mga tauhan. Maraming salamat po.***
Isang Payak na Kwento
HINDI NAGTATAGAL NA KAHAPON.
Huli na ng malaman mo na may bunga na ang pagkakamali na idinaan ninyo sa panandaliang sarap. Isang gabi na pinagsaluhan ninyo na idinalangin mo na hindi na sana matapos. Ngayon mo lang napagtanto matapos ang lahat. Gusto mo maiyak, gusto mo matawa. Mga nararamdaman na naghalo-halo hindi mo na malaman kung ano ang una mong reaksyon. Kinakabahan ka habang hinihintay ang resulta. Nakakunot pa ang noo mo at halos hindi ka pa kumurap. Limang minuto lang daw ang kailangan hintayin para makita na ang inaasam ayon sa kapirasong papel na kalakip ng pakete na binili mo. Pagkatapos ng limang minuto, matatapos na ang lahat. Baka makahinga ka pa ng malalim. Pagdating ng limang minuto, tumigil ang mundo mo. Tinitigan mo lang ang pregnancy test na binili mo pa ng patago sa isang lokal na pharmacy sa kanto ng pinagtatrabahuan mo. Dalawa. Dalawang linya na habangbuhay na magpapabago ng takbo ng buhay mo. Dali dali mong hinugot ang cellphone mo at tinext ang pinaka-matalik mong kaibigan. Sa puntong iyon, doon mo lang nalaman ang pagkakamaling idinaan ninyo sa sarap.
ANG MATAGAL NA KAHAPON.
Nasa malayo siya. Lula ng sasakyang panghimpapawid na tinulungan mo pang makapondo ng pamasahe dahil sa kawalan niya ng trabaho. Pikit mata mong ibinigay ang pera na pinaghirapan mong kitain bawat ika-labinlimang araw. Naisip mo na kailangan niya ng tulong kaya ok lang na bigyan siya ng pera. Hinatid mo pa siya sa airport sakay ng taxi na ikaw pa ang nagbayad. Kinilig ka ng hinalikan ka niya bago umalis at niyakap pa ng mahigpit. At ang likod niyang papalayo ang huli mong nakita sa kanya.
Isang buwan ang lumipas at masakit para sa mata mo na bilangin ang mga araw sa kalendaryo ng hindi siya nakikita. Patuloy pa rin ang paguusap ninyo sa telepono pero unti unti mo ng nararammdaman ang panlalamig niya sa iyo. Hanggang sa dumating ang punto na dumaan ang tatlong araw na hindi siya nagpaparamdam hindi mo alam ang gagawin mo. Sa pagkadesperada, tiningnan mo ang facebook account niya at nagulat ka at napaisip ng matuklasan mo na wala na sa 'in a relationship with' status niya doon. Tiningnan mo ang profile niya at natuklasan mo din na hindi mo na nakikita ang 'wall' niya. Nakakapagtaka talaga. Kinalaunan, nakita mo sa ibang profile ang mga litrato na nakalahad doon na para bang iniinsulto ka: mga litratong may katabi siyang ibang babae sa mga panahon na dapat ay natutulog siya ay pinabaliktad ng mga nagpapakita na siya ay nakikipaginuman sa iba. Sinungaling! Yan ang una mong naisip. Sinungaling, sinungaling, SINUNGALING! Nanggagalaiti ka sa galit ngunit wala kang magawa. Nagkulong ka sa banyo at tinitigan ang nangingitim na puting tiles habang kusang dumadaloy ang mga luha mong hindi mo alam kung saan nanggaling. Inisip mo kung ano at hindi mo dapat gawin. Doon pa lang magsisimula ang mahaba mong kalbaryo at hindi mo alam kung kailan matatapos ito.