May isusulat ako. Para sa’yo ito. Kahit na alam kong hindi ka na babalik, kahit na alam kong hindi mo ito kailanman mababasa. Isusulat ko parin. Sana naman makikipagsabay ang tadhana sa akin. Sana balang araw, makita mo ito. Mabasa mo itong sulat ko kahit na alam kong pag nakita mo na saakin nanggaling ito, baka punitin mo lang. Pero sana, mabigyan mo ako ng pagkakataon para maitama ang maling nagawa ko sa’yo. Mahal parin kita.
“Louise, naaalala mo nung una tayong magkita? Grade 1 ata tayo nun at kaarawan ng pinsan mo. Naglalaro tayo nun tapos nabangga mo ako at nadapa ako. Iyak ako nun ng iyak nun kasi masakit talaga ang paa ko. Pagkatapos ng araw na yun, nagalit ako sa’yo. Pero tadhana nga naman. Pagkatapos ng halos siyam na taon, nagkatagpo tayong dalawa. August 23, 4th year high school tayo. Sumali ako sa declamation contest at dahil kayo ang host ng event, ang section niyo ang nagsilbing audience sa English declamation. Nakakatawa pa nun kasi may rivalry sa pagitan ng mga eskwelahan naten. Pero sa gabi ng araw na yun, naka receive ako ng isang mensahe mula sa’yo. At ang una mong sinabi saken, “Hi! Ang ganda mo naman kanina”. Nung una, hindi ako naniwala sa’yo kasi nga baka pinagti-tripan mo lang ako dahil galit ako sa’yo at ayoko ring basta basta magtiwala sa’yo kasi alam ko na ang first move ng mga lalake eh. Pero, ang magaling ko namang kapatid, pinilit ako na bigyan ka raw ng chance kasi 9 years ago na yun. Sinunod ko rin naman siya dahil naisip kong sakyan ang trip mo saken. Pero hindi ko nagawa kasi mali ako ng akala. Na hindi mo pala trip yun at seryoso ka saken. Naging maganda ang usapan natin nung gabing yon at nagpatuloy hanggang sa paglipas ng ilang lingo.
At isang araw, nagising nalang ako na ikaw agad ang inisip ko. Hindi ko alam kung bakit pero sinabayan ito ng malakas na kabog ng aking puso. hindi normal ang pakiramdam ko sa ganung pangyayari kaya ikinwento ko kaibigan ko. At sinabi niya saken ang mga katagang nagpabilis lalo ng tibok ng aking puso...
“baka napamahal ka na kay Louise?”
Hindi ko alam ang isasagot ko sa kaniya noong tinanong niya iyon. Binalewala ko muna yon pero mga ilang araw rin ang lumipas hanggang sa nakatanggap ako ng isang mensahe mula sa’yo.
“Lea. Noon ko pa sana gustong sabihin sa’yo ‘to pero natakot ako. Natakot ako sa maaari mong sabihin sa akin. Baka kasi kapag sinabi ko sa’yo, mailang ka saken at iiwasan mo ako. Baka hindi mo na ako papansinin o di kaya’y baka itatakwil mo ako. Halos isang lingo ko rin pinag-isipan itong gagawin ko at ngayon, nabuo na ang disisyon ko. Kailangan kong harapin ang kung ano man ang reaksyon mo sa sasabihin ko. Ang importante ay maging totoo ako sa’yo. Lea, GUSTO KITA. Alam kong nagugulat ka dyan o ano. Gusto ko lang sabihin sa’yo ang totoo para makatulog na ako ng maayos gabi gabi. Hindi ko kasi kaya na kausapin ka tuwing gabi kahit na may nakatagong pagdaramdam ako sa’yo. baka iniisip mo na trip ko lang ito pero maniwala ka saken. Mula nang Makita kita sa contest mo, hanggang sa mga pag-uusap naten gabi-gabi, napalapit na ang loob ko sa’yo. Hindi ko rin alam kung bakit pero parang hindi mabubuo ang araw ko kapag hindi ko nakikita ang mukha mo o hindi kita nakakausap. Sana maniwala ka saken ngayon Lea. At kung ano man ang gawin mo saken, itakwil mo man ako, iwasan, o magalit ka saken, tatanggapin ko pero Lea, sana kung may pag-asa ako sa’yo. pagbigyan mo ako. Sana Lea.”
Nang matapos ko yan basahin, halosmagtalon talon ako sa tuwa at hindi ko rin alam kung bakit pero basta! Ang saya saya ko nang malaman ko na may gusto ka RIN saken.
Syempre pinagbigyan kita noon. Niligawan mo ako at di nagtagal, sinagot rin kita. Kahit na alam kong matinding maka-kumpitensya ang mga paaralan natin, at kahit na alam kong ikagagalit yun ng mga kaklase ko kapag nalaman nilang kasintahan ko ay isang tulad mo na isang estudyante ng kabilang paaralan, pinagpatuloy ko parin kasi walang mas mangingibabaw sa pag-ibig.