Sikat Ang Mommy Ko!

1.2K 33 11
                                    


Best In Math

Si AC na naman ang Best in Math. May kinuhang kuwadro ang mommy niya sa cabinet. Inalis nito ang certificate na nakalagay roon at ang sa kanya ang ipinalit.

Itinago nito ang dating certificate sa kahon ng cabinet, pagkatapos ay isinabit sa dingding ang certificate niya nasa kuwadro na.

Pati ang unang sulat-kamay ni AC noong nasa nursery pa lamang siya ay makikitang nakakuwadro at nakasabit sa dingding ng kanilang sala. Nasa pinakamalaking kuwadro ang first honor certificate na natamo niya noong nakaraang taon.

Halos puno na ang dingding ng certificates at medalyang napanalunan niya. Pito lahat.

Sabi ng kanyang mommy, ipinagmamalaki raw nito ang lahat ng awards niya kaya inilalagay raw nito ang mga iyon sa sala. Mababakas ang tuwa sa mukha nito tuwing ipinapakita ang lahat ng mga gantimpalang nakamit niya sa mga kamag-anak at mga kaibigan nila, tuwing bumibisita ang mga ito sa condo unit na kanilang tinitirhan.

Pagdating ng daddy niya galing sa trabaho, sabay-sabay silang kumakain ng hapunan. Pagkatapos linisin ng kanyang mommy ang pinagkainan nila at nahugasan na nito ang mga pinggan at kubyertos ay ginagawa na nila ang kanyang mga takdang-aralin.

Math, English, Sibika... Lahat ng subjects, ang mommy niya ang kanyang tutor.

Ang mommy niya ang pinakamaagang nagigising sa kanila. Ipinagluluto sila nito ng almusal, inihahanda ang kanyang baon at ipinagmamaneho para ihatid siya sa paaralan.

Hindi ito umaalis hangga't hindi ito sigurado na nakapasok na siya sa loob ng silid-aralan.

Pagdating ng tanghalian, bumabalik ang kanyang mommy para sabay silang kumain sa kantina.

Sa lahat sa kanilang magkakaklase, siya lamang ang naiiba. Lahat ay may mga yaya maliban sa kanya.

"Yaya, please get my baon na. I'm so hungry."

"Yaya, can you buy ice cream for me?"

"Yaya, kamutin mo naman ang likod ko."

"Bakit kaya ako walang yaya? Iyon ang laging tanong ni AC sa kanyang sarili.

Best in English

Inalis na muli ng kanyang mommy ang certificate s aisang kuwadro at ang sa kanya ang ipinalit nito.

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo...

Malapit nang maging sampu.

Sa pagbibilang ni AC, dalawa na lamang ang nasisilip niyang kuwadro ang hindi pa napapalitan ng kanyang mommy ang certificate.

Minsan, sa paaralan, nagkukuwentuhan silang magkakaklase tungkol sa kani-kanilang mga magulang.

"Ah, basta ako, I'm proud of my mommy. She is the manager of the biggest television station in the country," sabi ni Erika na nakapamaywang pa.

"My mom naman, she's managing our restaurants. She will open another one, so that's ahmmmm..." nagmamayabang na sabi ni Jessica.

Inilagay pa nito ang hintuturo sa sentido habang nag-iisip.

"Ah, we have ten restaurants na!"

"AC, you mean your mom doesn't have a job?" bulalas naman ni Chi.

"Is she not a college graduate?"

Hindi nakasagot si AC. Nagtawanan ang kanyang mga kaklase. Pakiramdam niya ay para siyang matutunaw sa hiya.

Isang gabi bago sila matulog ay kinausap niya ang kanyang mommy.

"Mommy, why don't you get me a yaya?"

Sikat Ang Mommy Ko! COMPLETED (Published by Lampara Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon