Diagnosis

5 0 0
                                    

Kamusta ka?  Yan ang madalas nilang tanong,
Ako naman, "okay" ang laging tinutugon,
Sabay ngingiti,  para alam nilang ako'y masaya,
Ngunit lingid sa kanila,  sa loob ay nagdurusa.

Kailan ko nga ba naramdaman ito?  Yung sobrang sakit,
Wala naman akong sugat pero sa hapdi'y mapapapikit,
Kinonsulta ko na ang maraming eksperto,
Nagbabakasakaling alam nila ang gamot sa sakit na'to.

Noong unang mga araw,  ako'y di makakain,
Kung dati ay ubos ko,  anumang inihain,
Ngayo'y walang gana sa kahit anong pagkain,
Akala nga nila ako'y nagdadiet na rin.

Ilang araw,  sa loob ng silid ako'y nagmukmok,
Naikot at natambayan ko na nga,  lahat ng sulok,
Sa sinag at init nang araw ako'y tila napapaso,
Nakababa lahat ng kurtina,  liwanag ay di makapasok.

Lumipas ang ilang buwan,  aking napagtanto,
Na ang sakit ko'y di hihilom magbayad man ako ng ginto,
Ang tanging lunas dito ay nasa aking isipan,
Kailangan kong tanggapin na may taong lumisan.

Kamusta ka?  Pang ilang ulit na tanong nila,
Ito,  sa sakit na pinagdaanan ko'y magaling na,
Ngiti'y namutawi sa mga labi nila,  alam ko'y sila'y masaya,
Sapagkat sa hapdi ng puso,  ako'y malaya na.

Daily Dose Of PoemTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon