Mabaho ang pag-ibig natin Selya.
Umaalingasaw katulad ng makapal na burak ng estero.
Marumi at maputik.
Kahit ang pursigidong bangkang papel ay hindi uusad,ihihintong pilit ng mga basurang nakaharang.
Parang tayo..
Walang patutunguhan.
"Kapag bumagsak ang eroplanong 'yon,anong gagawin mo?"
Tinanong mo ako,isang maalinsangang hapon habang tayo'y nakahiga at nagpapahangin sa bubungan ng bahay.
Buntong hininga...
Sinundan ko nang tingin ang itinuro mo'ng eroplano.
"Dudugasin ko ang pera at gamit ng mga pasahero,mayayaman siguro ang sakay nyan ano?!"
Buntong hininga ulet..
Tiningnan kita matapos mo'ng sagutin ang sarili mong tanong.
Nais kong tantyahin kung seryoso ka ba o hindi sa sinabi mo.
"Kapag bumagsak yan dito,patay din tayo sigurado!"
Nakasimangot kang tumayo.
Muntikan nang mahulog ang mga gulong na pabigat sa bubong ng padabog kang pumanaog.
"Kunyare lang naman eh!!" maktol mo.
Kunyare lang naman eh!
Kunyare lang...
Kung pupwede lang,kunyare na nga lang ang lahat.
Sana nga'y hindi seryoso ang tadhana sa pagbibigay ng isang malaking kalokohang buhay na ito.
Kunyare nga lang...
Sana.
Ang pangarap,kahit buuin mong kasing tayog ng eroplanong lumilipad.
Hindi ito mangangako ng katuparan.
Wala sa taas o baba..
Wala sa liit o sa laki,
Kundi sa kung gaano ito ka-posibleng mangyare.
At sa katulad natin Selya.
Ang pangarap ay mananatiling pangarap lamang.
Hindi malalamnan ng ambisyon ang mga tiyan nating kumakalam.
Sang-dangkal ang agwat ng masaklap na katotohanan.
Nakamulaga sa ating harapan!
Tumatawa...
Humahalakhak!!
At ang malagong na tinig nito ay tila magnetong humihila sa atin patungo sa mas lalong maputik at mabahong mundo.
Gustuhin man nating lumaban o di-kaya'y tumakas.
Wala tayong magagawa..
Hindi sapat na lakas ang pag-iibigang puhunan ay kasalanan.
Walang saysay ang tapang sa dibdib,kung mas malaki ang takot kesa katawan.
Pikit matang lulunukin na lamang ang kadiring sistema.
Parang pagkain,kahit hindi mo gusto.
Kapag araw-araw mong kinakaen,masasanay ka din.
Parang pusong lunod sa balat-kayong pagmamahal.
Hindi ka mapapasaya,pero pilit kang bubuhayin!
Di na mahalaga kung tunay ang pagmamahal o hindi.
Hindi ka mamamatay kapag wala kang tunay na pag-ibig,at hindi ka din naman bubuhayin nito.
Mas malakas ang tawag ng pangangailangan.
At kapag muling kumatok ito.....
Itatapon mo ang lahat!!
Nakadamit pang-alis ka na nang ako'y makababa at sundan ka sa loob ng bahay.
Sa kaunting pulbos na bihis ng iyong mukha,at manipis na lapat ng lip-istik sa labi.
Maganda ka pa din gaya nung una kitang makita,limang taon na ang nakalipas.
"Lakad na'ko,para makarami. Huwag ka nang pupunta dun kung hindi mo kayang makita ang ginagawa ko.
Hayaan mo,ititigil ko na'to,kapag pwede ka na ulet magtrabaho. Kaw nang bahala sa bata!"
Hinatid kita ng tanaw matapos mong iabot ang hinubad mong singsing.
-end-