A/N: Ang akda pong ito ay sarili kong gawa. Kung maaari ay wag niyo pong ikopya ng walang pahintulot.
Ito ang akdang natapos ko sa kursong Nobela. In-upload ko po ito para humingi ng suggestions at comment para malaman ko kung anong kulang at kung ano ang kailangang alisin.
Sana po, basahin niyo po ng mabuti. ^_^
Happy Reading. :))
Nakaupo ako ngayon sa dalampasigan kung saan palagi akong pumupunta. Dito, presko ang hangin, maaliwalas ang paligid at mapapagmasdan mo ang mga ibong lumilipad sa ibabaw ng dagat.
Sa lugar na ito ako pumupunta kapag gusto kong mapag-isa. Tahimik at malayang nakapag-iisip. Makakasigaw ka kung gusto mo dahil wala namang makakarinig sayo.
"Ma'am Mandy! Kailangan na po nating umuwi baka magalit na naman Mama niyo" tawag ng aming kasambahay na si aling Mina.
"Opo! Susunod na po ako!"
Pumunta ako sa kotse namin at sumakay. Binuksan ko ang bintana ng kotse at dumungaw para damhin ang hangin. Minsan, naiisip ko, sana hangin nalang ako. Hindi nakikita pero malayang nakakapaglakabay sa kahit saang direksyon. Biglang bumagsak ang ulan kaya isinarado ko ang bintana. Dumating na rin kami sa bahay.
Naunang bumaba si Aling Mina at pinagbuksan ako para payongan ako papunta sa loob ng bahay. Pagpasok ko, nakita kong nakaupo si papa na nagbabasa ng dyaryo.
"Pasensya na po, dahil natagalan ako. Nagmeeting po kasi kami sa school-". Pinutol ko ang pagpapaliwanag ko at yumuko sa harap niya. Wala naman siyang pakialam sakin eh. Bakit pa ako nagpapaliwanag. Pareho lang din naman eh, magsisinungaling na naman ako tungkol sa meeting para pagtakpan ang pagtatambay ko sa dalampasigan. Hindi naman sa gusto kong magsinungaling. Di ko lang kayang sabihin ang totoo dahil kapag sinabi kong gusto ko lang mapag-isa at tumunganga sa dalampasigan ay iisipin niyang hindi ko siya ginagalang.
Hindi na niya ako pinansin, at hindi man lang tinanggal ang dyaryong nakaharang sa mukha niya habang nagpapaliwanag ako. Kaya dumeretso na lang ako sa kwarto ko at hinampas ang aking katawan sa kama. Tumingala ako sa kisame at pinagmasdan ang mga bituin na nakadikit don. Naisip ko na katulad ako ng bituing iyon. Hindi makikita ang sariling liwanag nito kung di mo papatayin ang ilaw sa buong kwarto. Oo, masasabi kong ganon ako. Dahil, tulad ng bituing iyon, hindi napapansin ang nararamdaman ko. Dahil lahat ng nakapligid sa akin dinidiktahan ang bawat galaw ko, pero di man lang pinapansin kung ano ang nararamdaman ko.
Napalingon ako sa pintuan dahil sa nakakabinging bagsak nito. "Saan ka na naman ba nanggaling?! Hindi ka ba marunong tumingin sa orasan?! Gabing-gabi na pero di mo parin naisip na kailangan mong umuwi dahil magagalit ang Papa mo kapag di ka nakakauwi sa tamang oras!" pangangatwiran ng Mama ko habang nakatayo sa harap ko at nakatingin sa akin na parang ang laki laki ng kasalanang nagawa ko.
Ganito nalang ba ang buhay ko habang buhay? Pagkagaling sa school uwi agad. Kapag weekends sa bahay lang?. naiinggit ako sa mga kaklase ko dahil hindi mahigpit ang mga magulang nila katulad ng pagiging mahigpit sa akin ng aking mga magulang.
Malaki na ako, pero bakit ganun? Di parin ako nabibigyan ng pagkakataong makapgdesisyon kahit isang beses man lang sa buong buhay ko.
Umupo ako galing sa aking pagkakahiga at sinabing, "Ma, sinabi ko naman diba na may meeting kami sa school kaya di ako nakauwi ng maaga". Paliwanag ko sa kanya. Hinawakan niya ang kanyang ulo na parang hindi kumbinsido sa paliwanag ko at lumabas na sa kwarto ko.
Hinablot ko ang unan at tinapon sa pintuan ng aking kwarto. Tinakpan ko ang mukha ko gamit ang aking mga kamay at di ko na napigilang umiyak. Humagulgol ako ng pinipigilan ang ingay na manggagaling sa aking bibig. Ang sikip sikip ng dibdib ko. Hinawakan ko ang dibdib ko at pinaghahampas dahil sa nararamdaman kong sikip. Pakiramdam ko di ako makahinga kaya umiyak ako ng umiyak hanggang sa napagod na ako at tuluyang nakatulog.