WALANG ibang naririnig si Crystal kundi ang malakas na pagkabog ng kanyang dibdib.
Pakiramdam niya ay mabibingi na siya sa lakas niyon. Nangangatog ang buo niyang katawan at nang itaas niya ang kanang kamay, saka niya napansin pa pati iyon ay nanginginig na rin pala.
Pinikit niya ang mga mata at pilit na pinakalma ang sarili.
"Inhale, exhale, inhale, exhale," bulong niya.
"Nervous, Crucillo?"
Nang dumilat siya ay ang mapangutyang ngiti ni Alexandra Marquez ang nakaharap sa kanya. Parang enjoy na enjoy ito na makita siyang kinakabahan.
"Looks like you haven't got your mother's confidence then, huh?"
Nakangiti man ang tila mala-anghel nitong mukha ay para namang sa demonyo ang mga mata nito na puno ng pagka-disgusto sa kanya.
Sa lahat ng pinakaayaw niya ay ang kinukumpara siya sa mommy nyia. Mas lalo lang siyang kinabahan at pinanghinaan. Alam niyang iyon naman talaga ang gustong mangyari ni Alexandra.
Hindi niya maintindihan kung bakit napakainit ng dugo nito sa kanya. Ang misyon yata nito sa buhay ay ang maging kontrabida sa buhay niya.
Simula pa lang noong una niya itong nakilala sa acting workshop ay nagpakita na agad ito ng pagka-disgusto sa kanya.
Ang lagi nitong sinasabi ay mukha lang daw ang namana niya sa mommy niya, pero pagdating daw sa talento ay kulelat siya.
Nang sabay nilang naipasa ang workshop, ang sabi ng babae ay pumasa lamang siya dahil sikat ang apelyido niya sa Showbiz Industry.
Ngayong kapwa na sila ila-launch sa Sunday Show ng Pinoy Global Broadcasting Network, o PGB Network, mukhang hindi pa rin ito tapos sa pang-bu-bully sa kanya.
Naka-line up na sila sa backstage at hinihintay na lang ang cue na lumabas sila sa entablado kung saan mapapanood sila ng live sa telebisyon. Gusto niya mang magsalita para ipagtanggol ang sarili ay hindi niya magawa dahil nanunuyot ang lalamunan niya.
"Crystal!"
Nakahinga siya nang maluwang nang lumapit sa kanya ang kaibigan niyang si Mariz. Sabik ang mukha nito at tila hindi napansin si Alexandra na ngayon ay pinag-krus ang mga braso habang nakamasid sa kanila.
"Mariz! Anong ginagawa mo dito?" Sa wakas ay nagawa niyang ngumiti sa kabila ng panginginig ang gilid ng mga labi.
Pinaikot nito ang mga mata. "Puwede ba namang hindi ako pumunta dito para panoorin ang first official TV appearance mo?"
"And here comes the alalay," pabulong na sabi ni Alexandra, subalit dinig na dinig pa rin nilang magkaibigan.
"Oh, andito pala ang kontrabida." Tiningnan ni Mariz mula ulo hanggang paa si Alexandra, habang tumatawa ng nakakaloko.
Kapagkuwan ay hinila nito si Crystal at bahagyang lumayo sa babae. "Huwag mong pansinin ang bruhang 'yon!" Payo nito sa kanya.
"Ewan ko ba, Mariz, pakiramdam ko tama naman talaga siya at makikita din ng audience na ang meron lang ako ay ang sikat na apelyido ni mommy, pero wala naman talaga akong talent."
"Ano ka ba? Nakalimutan mo na ba na hangang hanga sa iyo ang mga director sa workshop? Kaya ka nga nakapasa agad kahit three months ka lang doon, hindi ba? Ako nga, two years nang nagwo-workshop, wala pa ring projects."
"Ipinasa lang nila ako kasi gusto na nila akong ma-launch dahil sikat si mommy noong kapanahunan niya."
"Of course not!" Sunod-sunod ang iling nito, muling tinapunan ng masamang tingin si Alexandra na busy sa pag-e-examine sa sarili sa maliit na salamin.
"Insecure lang si Alexandra sa'yo. Kasi di hamak na mas maganda at mas talented ka."
BINABASA MO ANG
A Showbiz Love Story
RomanceParehong anak ng mga dating sikat na artista sina Kian at Crystal. They are considered as part of the Showbiz Royalties in the Philippines. Ngunit may lamat ang dalawang pamilya dahil sa nangyari sa mga magulang nila noon, kaya't nang sumali sila sa...