Cold Coffee

9 0 0
                                    

Tell me if I know, tell me if I do
Tell me how to fall in love the way you want me to

Kailan ba magiging sapat ang pagmamahal? Kamakailan lamang noong napagtanto ko na hindi lang dapat basehan ang nararamdaman upang manatili sa isang relasyon. Kinakailangan nito ng tiyaga, pasensya, at higit sa lahat, commitment. Kung iisipin, nakakapagod pumasok sa isang relasyon lalo pa't hindi ka sigurado. Ngunit ang naisip ko na lamang ay sa pagdaan naman ng panahon, mas lalalim ang ugnayan at ang feelings. Mas nagiging mature ito, at hindi naghahanap ng kulang, natututo ang puso na makuntento at maging masaya kahit pa mahirap ang pinagdaraanan. Pero bakit ganoon? Kahit pa palagi mong sinasabi na masaya ka, para sa akin ay kulang pa rin ang naibibigay ko. Hindi ako masaya dahil alam kong hindi buong buo ang puso ko nang ibinigay ko ito sa'yo.

Wala kang pagkukulang, ginagawa mo ang lahat upang mapasaya ako, protektahan ako, at mahalin ako ng higit pa sa nais kong maramdaman. Parang humihigop ng mainit na kape, tamang-tama ang timpla, matamis pero hindi nakakaumay. Ang pait nang kawalan ng tiwala at selos ay siyang kahalo, na hindi ko man lamang napansin dahil nabulag ako sa kasiyahang naidudulot ng pagmamahal at pag-aaruga. Hindi nagkulang sa init, pero sadyang may pagkakataong nakakapaso, nakakasakal. Ganoon pa man, ang kapeng tinimpla ay hindi makakalimutan lalo pa noong unang dumampi ang labi sa mainit na tasa. Parang kumot na bumalot habang ang ulan ay patuloy sa pagbuhos. Ang kumot na hindi bumitiw kahit huminto na ang ulan at nagsimula ng tumirik ang araw. Ang kumot na nanatili kahit pa hindi na ito kinakailangan.

Siguro ay minsan naiisip mo rin ako, hindi dahil na-miss mo ang mga yakap ko kung hindi dahil isa akong aral na dapat matutunan ng bawat taong umibig, umiibig at may balak umibig. Ako ang taong hindi sapat kung magbigay, at hindi nananatili sa isang uri ng pagkakatimpla. Kape ang inihain mo pero tsaa ang nais ko. Masaya ka sa ibinibigay ko pero alam ko sa sarili ko na kulang pa iyon, at hindi matutumbasan ng kahit anong mayroon ako ang lahat ng oras at pagmamahal na ibinigay mo. Hindi ako ang hinahanap mong piraso na sasakto sa puso mong puzzle. Kaya kahit pa tanungin ko sa iyo ulit kung paano mo gustong mahalin, at kahit pa sabihin mong sapat na ako, ay alam ko sa sarili kong hindi iyon magiging totoo at hindi mo nakuha ang gusto mong matanggap. Sadyang natuto ka lamang makuntento sa kakapiranggot na naibigay ko at sa nais mong mapatunayan na may pupuntahan ang baluktot nating pagkakatagpo, pinili mong maging masaya at manahimik.

Kaya patawarin mo ako sa hindi ko pag-alam sa tamang paraan ng pagmamahal. Patawarin mo ako na kakaunti lamang ang naibigay ko sa iyo. Patawarin mo ako sa hindi pananatili dahil hindi ko na maintindihan ang sarili. Mahal kita, ngunit hindi sapat iyon para ipagpatuloy ang kung ano man ang mayroon tayo.

Patawad.

Her PlaylistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon