Prologue

40 2 0
                                    

“Takbo Ligaya! Takbo!”

Sigaw ni Manang Consolacion nang makita niya ang mga kawal na Kastila na tumatakbo parito sa aming kinaroroonan. Pilit ko siyang tinutulungang makatayo ngunit hindi niya magawa sapagkat ang kanyang binti ay natamaan ng baril kani-kanina lamang. Sa halip ay marahan niya akong tinulak at pilit na pinaaalis na. Nababakas ko sa kanyang mukha na nakararamdam siya ng matinding sakit at kahirapan sa paghinga.

“Umalis ka na Ligaya. Wag mo na akong alalahanin pa. Iwan mo na ako dito. Alalahanin mo ang pamilya mo. Sila ang mahalaga sayo. Gumawa ka ng paraan para mailigtas sila. Alam kong kaya mo Ligaya. Gawin mo. Gawin mo ang tinuro ko sayo.”

Nanlaki ang aking mga mata sa kanyang mga salita. Dahan dahan akong umiling at nanginginig ang boses na nagsalita.

“H-hindi. Hindi ko kaya. Hindi ko magagawa ang mahikang iyon Manang.”

Nararamdaman kong nangingilid na ang mga luha sa aking mga mata nang bigla akong hinila ni Manang sa isang yakap.

“Kaya mo at magagawa mo Ligaya. Naniniwala ako sayo. Huwag na huwag mong kakalimutan yan.”

Nagsimula nanamang magpaputok ng mga baril ang mga kawal dahilan para magulo ang sandali namin ni Manang. Binitawan niya na ako at maiging tumitig sa aking mga mata.

“Sige na Ligaya. Umalis ka na bago ka pa man nila maabutan. Umalis ka na.”

Pilit niya akong tinutulak at tumayo na ako ng marinig ko ang mga lumalakas na sigaw ng mga Kastila at ng kanilang mga baril.

“Sige na. Ligaya.”

“AYUN SIYA! PAPUTUKAN NIYO!”

Narinig ko ang mga kawal na papalapit na sa amin. Tumingin uli ako kay Manang at siya ay marahang ngumiti. Ilang beses ko pang pinaglipat-lipat ang aking paningin sa kanila hanggang sa masulyapan kong bumulong si Manang.

“Sige na.” sambit niya nang hindi naaalis ang ngiti sa kanyang labi.

Mabigat man sa aking kalooban ngunit wala na kong magagawa. Tumakbo na ako palayo at iniwan si Manang Consolacion doon habang nagpapaulan ng bala ang mga kawal. Tuluyan ng bumagsak ang mga luha sa aking mga mata nang marinig ko ang mga sigaw ni Manang sa aking likuran. Hindi ko magawang lumingon dahil ayaw kong makita siyang wala ng buhay.

Patuloy lang ako sa pagtakbo. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Basta batid ko na hindi ako maaaring tumigil dahil alam kong may maga kawal pa ding humahabol sa akin. Nagsimula ng bumuhos ang malakas na ulan dahilan para bumigat ang aking saya at bumagal ako sa pagtakbo. Hinawakan ko na lang ang aking saya para maiwasan kong madapa.

Ano ba itong nagawa ko…

Kailan ba ito matatapos…

Kailangan kong mailigtas ang pamilya ko…

Kailangan kong umalis at mawala dahil kung hindi… sila ang paniguradong mawawala.

Bakit ganito? Bakit napakamisarable ng kinahantungan ng aking buhay? Kung kailan naman nakita ko na ang tunay kong pamilya ay kailangan nanaman naming magkawalay?  May nagawa ba akong pagkakamali?

Lumiko ako sa isang eskenita upang malito ang mga kawal. Pinikit ko ang aking mga mata at ginamit ko sa aking sarili ang mahikang nakakapaglipat sa akin sa ibang lugar sa isang iglap lamang. Namalasan kong ako ay nasa isang gubat na nang iminulat ko ang aking mga mata.

Kailangan ko nang umalis at mawala…

Hinanda ko ang aking sarili para gawin ang mahikang makapaglilipat sa akin sa ibang oras at panahon. Ito na lang ang natatanging paraan.

Tanggap ko na. Ako ay walang karapatang sumaya at lumigaya.

Inipon ko ang aking natitirang kapangyarihan at sinimulan na ang orasyong itinuro sa akin ni Manang bago pa man sya mawala. Nararamdaman kong lumalakas ang pagbagsak ng ulan. Pagbigkas ko ng huling litanya ay isang kidlat ang tumama sa aking harapan.

Heto na. Maiiligtas ko na din sila. Siguradong mas magiging mapayapa ang kanilang mga buhay kung wala ako.

Dahil para sa nakararami, isa akong salot sa lipunan.

Isang MANGKUKULAM.

---

a/n: waley o waley?

He met a WitchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon