Ginto

39 1 0
                                    

Sa gitna ng mga napisak na lamang-loob ng ipis ay may kumikinang na ginto. Dinutdot ng lalaki ang mga labi ng bagong yumao. Nahati ito sa dalawa, ang mga paa na nakahanda nang tumakbo at ang mga pakpak na di man lang nakaporma. Sa dulo ng mga pakpak matatagpuan ang ulo na nakayuko na para bang tinanggap na lamang ang kahahantungan ng maigsi nitong buhay. Itinabi muna ng hintuturo ng lalaki ang mga kalamnan ng ipis bago dinampot ang ginto sa tulong ng hinlalaki. Hinawan niya ang kurtina upang sumilip ang manipis na liwanag. Dahan-dahan niyang itinapat sa sinag ng araw ang ginto upang makita ang ningning nito. Meron din kaya akong ginto sa kaloob-looban ko, tanong ng lalaki sa sarili. Kinapa niya ang dibdib habang humihinga ito ng malalim. Natawa siya. Bakit niya naman iisiping may ginto siya sa katawan e di naman siya insekto.

Hinanap niya ang buong angkan ng pinisak na ipis nang maisip niyang malamang ay may ginto rin ito sa kani-kanilang katawan. Binuksan niya ng tuluyan ang kurtina. Inabangan ang mga ito sa bawat sulok at kanto ng sala. Hinigpitan ang kapit sa tsinelas; naka-amba sa bawat pagkibot na mapapansin. Nang may lumabas sa gilid ng kaniyang paningin, pinalo niya ito. May gumapang sa kaliwang paa. Palo. Sa kabinet. Palo. Sa lamesa. Palo. Sa nanggigitatang pitaka. Palo. Sa matagal nang nabuksang alkansya. Palo. Sa natirang ulam. Palo. Sa ilang araw nang hindi natatapong basura. Palo. Sa lakas ng pagpalo ng lalaki ay parang may pinagbabaril sa loob ng kanyang kwarto.

Pinilit ng mga ipis na matalo ang lalaki kaya hindi sila tumigil sa pag-atake makagat lamang ang pumatay sa kanilang kamag-anak. Umabot ng tatlong araw ang paghihimagsik ng mga ipis. Ngunit sa dulo ay natalo rin sila ng lalaki at ng kanyang higanteng pamalo. Walang umuwing sugatan, lahat patay. Labas ang kanilang apdo, bituka, balumbalunan, atay at kung ano-ano pang lamang-loob. Tila nakasalampak ang mga bangkay sa bawat sulok ng bahay.

At tiningnan ng lalaki ang kanyang kagagawan, naisip niyang mabuti nga.

Isa-isa niyang hinalungkat ang mga labi ng ipis upang kunin ang gintong nagtatago sa kaloob-looban ng kanilang katawan. Inipon niya ito sa kaliwang kamay hanggang sa naging isang malaking tumpok na 'to na hindi na niya kayang hawakan pa. Bago pa isa-isang mahulog sa kanyang kamay ang mga ginto ay binuksan niya na ang pinto at dali-daling tumakbo sa pinakamalapit na sanglaan.

Ibang-iba ang liwanag ng tanghaling-tapat sa labas ng bahay. Nasilaw siya sa sinag. Sa pagod mula sa pakikipaglaban ay halos pagapang na siyang tumawid sa malapad na kalsada. Walang mga sasakyan; walang ingay at usok ng mga kotse. Sa sumunod na hakbang niya sa gitna ng kalsada ay nawala ang liwanag ng araw sa kanyang balat. Dahan-dahang dumilim. Pagtingala ng lalaki ay nagulat siya sa isang malaking pamalong pabagsak.

Nakangisi ang may hawak ng higanteng pamalo nang makitang may gintong kumikinang sa gitna ng mga lamang-loob na napisak. Tinawag niya ang buong angkan. Ibinaba nito ang pamalo sa katawan. Unti-unting bumaba mula sa pagkakapatong-patong ang mga ipis na nakabuo ng isang higanteng anino. Nag-diwang sila, maraming dumalo. Kaanak ng mga kaanak, ninuno ng mga kaninuninuan, at lahat ng mga kauri nila ay nagpiyesta sa paligid ng malaking pamalo. Simula raw sa araw na yun ay tatawagin na ang petsa na National Pamalo Day bilang tanda ng sama-samang pagkitil sa buhay ng uring mapang-api. Nalasing sila sa unlimited drink sa estero at nabusog sila sa mga nabubulok na basura ng syudad. Naubos ang dumi ng lansangan nung araw na yun. Wala nang matitira para sa kanilang bukas ngunit mas importanteng ipagbunyi nila ang tagumpay na nakamit. Malas lang nila nang may isang mapangahas na ipis na nagnasang makita pa ang bangkay. Nais niya raw apak-apakan, duraan, punitin ang laman nito hanggang sa magkapirapiraso, di raw siya natatakot dito. At dala ng kalasingan ay natawa ang mga kapwa ipis. Pakiramdam niya ay hindi naniniwala ang mga kasama niya sa kanya, na kailangan pa niyang patunayan ang kanyang sarili. Itinigil niya ang pagngata sa huling tinapay at naglakad palapit sa pamalo. Itinulak niya ito. Nang makita ng iba ang ginagawa ng kasamang ipis, tinulungan din nila ito. Hindi man lang sila nilingon ng mga kauri dahil nagsisimula na sabihin ng lider kung paano nila papalawakin ang pagpapabagsak sa mga berdugong nagmamay-ari ng kanilang mga tinitirhan.
"Paano natin papalawakin ang pagpapabagsak sa mga berdugong nagmamay-ari ng ating mga tinitirhan," sigaw ng matandang ipis na buhat-buhat ng mga sundalo. "Unang-una sa lahat ay kailangan nating makiisa sa iba pa nating mga kasamang nakakaranas din ng pang-aabuso at pagpaslang sa kani-kanilang grupo upang mabuo natin ang pwersang tatalo sa uring mapang-api."

GintoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon