LINAW WASAY

146 0 0
                                    

Noong unang panahon, panahon pa ng kupong-kupong, taong sinakop ng mga Hapones ang bansang Pilipinas at ang isa sa mga taon na iyon na lubhang kinatatakutan ng Tribong mga Mangyan. May mag-asawang nakatira sa tabi ng sapa na sakop ng bayan ng San Juan na sina Mang Laki at Aling Ido. Masagana at tahimik ang kanilang pamumuhay doon, lalo pa nang biniyayaan sila ng Diyos ng mga mumunting anghel na silang gagabay sa kanilang pagtanda.

Masaya ang mag-anak na iyon sa mga araw na lumilipas. Bukas-palad ang mag-anak na iyon sa lahat ng taong nangangailangan ng kanilang tulong. At sa tuwing anihan, lagi nilang binabahagihan ng kanilang mga ani ang mga karatig-lugar at nag-aanyaya para sa mumunting salo-salo. Nasisiyahan ang mag-anak sa tuwing madami silang natutulungan at nabibigyan ng iba nilang ani.

Sa taong iyon, bali-balita sa karatig-lugar na madaming nahuhuling mga tulisan dahil daw sa hindi pagsunod at pagkilala sa mga batas at alituntunin ng mga Hapones na bagong taga pamahala ng bansa. Kaya lahat ng mga taong hindi sumusunod sa kanilang pamumuno ay kanilang hinuhuli't pinapahirapan at tsaka papatayin.

Isang araw, nag-aalala ang asawa ni Mang Laki dahil sa mga balitang nasasagap, " buwan pa naman ngayon ng anihan ng mga gulay at palayan natin. Paano natin maaanyayahan ang mga tao kung sa ganoon ganito ang kasalukuyang nangyayari?", turan ni Aling Ido na bakas ang kalungkutan. "Wag kang mag-alala aking asawa, hindi tayo hahayaan ng Panginoon na hindi natin makasama ang taong bayan sa munting salo-salo na tradisyon na nating ginagawa. Alam kong madaming darating dito bukas ng gabi.", paglulubag-loob naman na sabi ni Mang Laki.

Kinabukasan ng gabi, madaming dumating na panauhin sa tahanan ng mag-anak, tuwang-tuwa sila dahil sa napakaraming taong dumalo. Nong gabing iyon, kumakain, nag-iinuman, nagkakantahan, naglalaro at nagsasayawan ang mga tao. Hindi nila batid na mayroon palang isang espiya na nagmamasid lamang mula sa hindi kalayuan ng tahanan nina Mang Laki na nasa kabilang dako ng sapa na tauhan ng nga hapon. Habang sila nagsisiyahan, ang espiya ay bumalik sa kanilang pinuno upang maghatid ng balita sa kanyang nakita.

Naghahanda na gumayak ang mga hapon sa lugar kung saan ang kasiyahan ngunit bago pa lamang sila dumating natapos na ito. Kalagitnaan ng hating-gabing iyon natapos ang kasiyahan na dinaos sa bahay nina Mang Laki. Hindi alam ng mag-anak na ang mga hapon ay gustong samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian at gawin silang alipin ng mga ito. Matutulog na sana ang mag-anak ng makarinig sila ng huni ng aso sa kabilang dako ng sapa. Mula sa maliit na butas, sumilip si Mang Laki upang alamin kung anong mayroon sa labas. Ngunit nagulat at nakaramdam siya ng takot sa kanyang nakita, nakita niya sa siwang na iyon ang mga lalaking may hawak na armas at patalim. Nakaramdam muli si Mang Laki ng takot at sinabi sa kanyang asawa na, "magmadali ka Ido, kunin mo ang ating mga anak at tumungo kayo sa may bandang kusina at magkubli kayo sa ilalim ng lamesa", natatarantang sabi ni Mang Laki sa asawa at tumungo naman siya sa ilalim ng kanilang bahay upang kunin ang malaking palakol na tanging pamana pa sa kanya ng kanyang ama.

Dali-daling sumunod si Aling Ido at nagtungo na nga sa kusina at nagkubli roon kasama ng kanyang mga anak. Hinihintay nila si Mang Laki na kumukuha lamang ng palakol sa ibaba ng kanilang bahay. Habang ang mga hapon ay palapit na ng palapit sa kanilang mumunting kubo. Lumapit  si Mang Laki sa kanyang asawa at nakarinig sila ng mahihinang katok sa may gawing pintuan. Binuksan ni Mang Laki ang pintuan na may halong pangangamba sa dibdib at iniisip ang sakaling sasapitin ng kanyang mag-anak. "Ano ang inyong kailangan mga Ginoo?", nag-aalinlangang tanong ni Mang Laki na gumagaralgal pa ang boses, ngunit bigla na lamang siyang hinatak palabas ng sarili niyang tahanan kasama na rin ang kaniyang mag-ina. "Wag nyo po kaming sasaktan, kunin nyo na ang lahat ng aming kayamanan wag nyo lamang kami sasaktan.", ang wika ni Aling Ido na tumutulo na ang mga luha.

Hindi sumagot ang mga hapon at nagsi kanyahan ang pagkuha sa mga bagong aning gulay at palay pati na rin sa bago pa lamang huling mga isda. Iyak ng iyak ang mga anak ng mag-asawa pati na din si Aling Ido, si Mang Laki naman hindi na alam ang gagawin sa mag-ina niya. Matapos nilang makuha ang lahat ng kanilang kailangan, lumapit ang tatlong hapon sa kanila at kinaladkad sila. Tumatawid na sa pinanggalingang dako ng sapa ang mga ibang kasama ng mga hapon. Ngunit sa tuwing lumalakad sila ang palakol na bitbit ni Mang Laki ay bumibigat ng bumibigat palayo ng kanilang tahanan. Nasa kalagitnaan na ng tulay ang lahat ng hapon nang biglang mabitawan at nahulog ni Mang Laki ang bitbit nyang palakol at sa pagkahulog na iyon ay kasabay din ang pagputol ng tulay na nahati sa dalawa. Dumausdos ang lahat ng hapon sa tubig na hanggang tuhod ang lalim kasama ang malaking palakol, ngunit sa kanilang paglubog sa tubig ay bigla na lamang umapaw at tumaas ang tubig na unti-unting nagpalunod sa halos karamihang mga hapon.

Ang tatlong hapon na lamang na kumaladkad sa mag-anak ang tanging natitirang buhay, dahil sa kanilang nakita, natulala at natigilan sila pati na rin ang mag-asawa at ang mga anak nila. Kumalma ang tubig at nakita ni Mang Laki ang palakol sa ilalim ng tubig na kumikinang sa ganda roon. Lumusong siya para kunin ang palakol ngunit nong bubuhatin na niya iyon ay hindi nya makayang buhatin. Sumubok ng sumubok ng maraming beses si Mang Laki hanggang sa makasampung beses, ngunit gaya pa rin nong una bigo pa rin siya na makuha iyon doon. Patuloy lamang sa pagkinang ang palakol na iyon, nang mapagod si Mang Laki, umahon na siya at hinayaan na lamang ang palakol. Ang tatlong tanging natitirang buhay sa pangkat ng mga hapon na isangdaang mga kawal ay nagsitakbuhan na lang basta-basta kung saan-saan dahil sa takot.

Dahil sa mga nangyaring iyon, nabalitaan ng lahat ng mga tao ang naganap na nangyari, at kumalat pa sa ibang dako ng lugar ang balitang yaon. Samantalang ang lugar na kinahulugan ng palakol ay lumalim ng ng lumalim at nagsilbing tanging paliguan ng mag-anak.

Kalaunan nga ang sapa na iyon ay naging matunog sa lahat ng Nayon, ang sapa ay lumawak pa ng lumawak, lumaki ng lumaki at naging karaniwang paliguan ng maraming tao ng mga taga Nayon. Dahil sa palakol na iyon na kumikinang sa tuwing masisinagan ng sikat ng araw at nagiging luntian ang ganda ng tubig. Binansagan ang lugar na iyon ng LINAW WASAY dahil sa makinang, malinaw at malinis na tubig dito, at dahil na din sa isang bagay na mahalaga ang palakol na nagsisilbing kahalili at katulong ng mga taong nagsasaka sa tabi ng sapa sa lugar na iyon ay binigyang kahulugan na ang PALAKOL ay sumisimbolo sa kahalagahan ng lugar at ang ibig sabihin sa salita ng mga hanunuo ay WASAY.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.

Salamat sa mga nagbabasa ng una kong gawa :) project po namin yan pero naisipan kong ipublish dahil sa maganda daw hahaha xd kaya sorry sa Typo ;) baguhan palang po :*

-Isha G.

Ang Mga AlamatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon