Mahinahon ang harurot ng makina ng sasakyan ni Zeref habang ang mga mata niya ay kasalukuyang nakatutok sa harap ng kalsada.
Sa bawat liko at pihit ng manibela, napapalingon siya sa katabi, si Nicola, ang kanyang asawa. Mga dalawampung minuto na kasi siyang nagmamaneho, ngunit simula noong umalis sila mula sa pinanggalingang sinehan ay hindi pa siya kinakausap ng kanyang pasahero. Gawa ng hindi niya mawari ang mood ng katabi, at gawa ng ngayon ay hindi na siya mapakali, nais niya nang kulitin ito.
"Kung rom-com siguro pinanood natin," ani Zeref, binabasag ang katahimikan, "di mo siguro ako masna-snob nang ganito. Kini-kiss mo pa siguro ako bigla, no?"
Natawa siya sa kanyang mga nasabi, pero wala namang nasagot ang kanyang kasama—tahimik pa rin ito, walang imik.
"Joke lang," pabulong nitong bawi, "eh, sorry. Sabi mo kasi kaya mong manood ng horror."
Binalik na lamang ni Zeref ang tutok ng mga mata sa kalsada. Inaantok na, may konting pandidilim na ang kanyang paningin.
Pagkatapos ng ilang mga minuto at ilan-ilang mga kilometrong nabiyahe, naabot na nila ang service road, patay ang mga ilaw sa poste. Natawa ulit si Zeref sa kanyang sarili na para bang may naalala. Lumingon siya kay Nicola, at handa nang ikuwento rito ang tungkol sa budget cut ng subdivision na iyon—dahilan ng kawalan ng ilaw—ngunit tulog na pala ang kanyang asawa.
"Matutulog pala 'tong co-pilot ko, hindi pa nagse-seatbelt." subok niyang parinig.
Tinabi ni Zeref ang kotse upang ikabit ang seatbelt ng kasama. Habang inaayos niya ang upo nito, napansin niya bigla na hawak-hawak pala ni Nicola ang kanyang cellphone. Nagliliwanag ito, nakabukas. May text itong balak i-send.
Ingat ka mahal, nabasa niya.
Napatingin si Zeref sa natutulog na Nicola nang may mukha ng pagkalito.
Dineretso niya ang sandal ng asawa, at tinago ang cellphone nito sa loob ng kompartment ng sasakyan. Binalik niya na lang ang atensyon sa pagda-drive. Ngayon, doble na ang pokus niya sa daan, gawang mas mahirap nang maaninag ang daan.
Biglang napatalbog ang kotse.
Dali-daling tumapak si Zeref sa preno. At si Nicola, sa lakas ng tunog ng kanilang talbog, ay nagising at napatulala.
"Pasensya na," sambit ni Zeref, kabado na baka naistorbo ang katabi, "'di ko alam na may humps na pala banda rito."
Si Nicola—hindi man lang nagbitaw ng hininga—ay nakatulala pa rin. Tinagalan ni Zeref ang titig sa asawa, nakabukas na ang kanyang bibig, parang gusto nang magtanong ng kumusta, inaabangan na balikan siya ng tingin ng minamahal. Pero hindi; para bang wala ang babae sa sarili.
Tumapak na lang ulit si Zeref sa clutch, nagprimera sa kambyo. Dumeretso muli ang andar nila. Wala pang ilang segundo at wala pang ilang metro ang nalayo nila nang mapatapak muli ang driver sa brake.
"Leng," bulong ni Zeref, nakatingin sa rear view mirror, "hindi humps 'yon."
Humps. Sigurado siyang hindi humps iyon—puti at pula, hindi itim at dilaw.
Bumaba siya ng sasakyan upang puntahan ang nadaanan at nadaganan. Isa palang katawan. Duguan. Nakahilata ang isang patay na babae sa kalagitnaan ng malamig na aspalto ng daan.
Dala ng gulat at pagkagambala, napasigaw siya sa asawa upang sumaklolo. "Mahal!" tawag nito, "kailangan ko ng tulong, punta ka rito."
Nakailang tawag din si Zeref. Halos mapasigaw na ito, pero nakikita niya ang anino ng sinisinta mula sa loob ng kotse. Hindi man lang ito gumalaw mula sa kinauupuan.
"Mahal!" isa pang hiyaw niya ng pagkuha ng atensyon. Pero walang tugon ang babae.
Dahan-dahang binaliktad ni Zeref ang nasagasaan upang matingnan ang hitsura nito.
At dali-dali siyang napaiyak. Dali-daling nanginig. Dali-daling hindi makahinga.
Kilala niya ang babae.
Naguluhan si Zeref—nanghina ang kanyang katawan, hindi na magawang gumalaw, para bang nagyelo ang mga binti.
Ang wala nang buhay na katawang pinagmamasdan niyang iyon ay kahawak-kamay niya sa sinehan isang oras lang ang nakalipas.
Suot ay puti ngunit balot sa pula: si Nicola.
Natulala siya sa kawalan at nanlaki ang mga mata nang maalalang may pasahero siyang iniwan sa kanyang sasakyan—naghihintay sa kanya.
BINABASA MO ANG
Last Full Show
HorrorBlockbuster Movie Midnight Screening. Ano naman kaya mga nagaganap pagkatapos ng show?