Let Me Tell You A Secret

11 0 0
                                    

Isang gabing madilim nang ma-isipan ng pinsan kong nineteen years old na yayain ako sa paghatid ng mga binili raw sa kanya ng isang kliyente. Ten years old lamang ako noon kaya madali akong mapapayag.

Naglakbay kami sa isang madilim na kalye sakay sa motorsiklo. Malamig ang hangin at nangingilabot ako sapagkat baka may multo akong makita sa daan namin.

Nang huminto kami sa isang puno. Lumabas ang kaniyang kliyente. Mahaba ang buhok nito at halatang kinulayan. Nakashorts din ito at naka-spaghetti strap shirt. Pero masasabi kong lalaki siya.

Nakaangkas pa rin ako sa motor at hindi na bumaba, sabi kasi sa akin ng pinsan ko. May kinuha siyang puting pulbura sa kanyang bulsa. Para itong chlorine na tagpiso'ng binebenta sa mga tindahan. Nagtataka ako kung bakit yun ang binigay ng pinsan ko. Ngunit, isa akong bata na hindi mahilig magtanong kaya nanahimik na lamang ako at pinagmasdan sila. Umuwi na kami ng pinsan ko at inaantok na kaya di ko na pinansin kung ano ang usapan nila ni Tito ko.

Kinabukasan, pagkauwi ko paggaling sa paaralan ay nakipaglaro kaagad ako sa pinsan kong babae. Five years old ito at may lahing kano. Mahilig kaming maglaro ng 'Minecraft' at palagi lang kaming nakatambay sa kwarto. Habang naglalaro kami ay pumasok ang Tito ko. May bitbit siyang round box at may butas ito sa takip. Nakakapagtaka iyon ngunit isa akong bata hindi mahilig magtanong o magsalita. Sabi sa akin ng Tito ko, kapag pumasok daw ang pinsan ko na nineteen years old ay sabihin ko raw sa kanya na ang laman ng round box ay mga alahas. Nakatitig ako sa mga mata niya. Pulang pula ito kaya nakakatakot siyang tignan. Um-oo nalang ako at nilagay niya ang bitbit niya sa table at lumisan na. Hindi ko tinignan ang nakalagay sa table dahil hindi ako interesado sa laman nun. Bumalik ako sa kama at nakipaglaro ulit sa babaeng pinsan ko.

Lumipas ang ilang araw at malapit na magpasko. Excited na ako para doon sapagkat alam kong marami kaming handa dahil mapera sina Tito. Simula ng tumira sila rito sa munting bahay namin ng lola ko palagi na kaming maraming pagkain. At may ref na rin kami!

Nasa second floor kami ng bahay ng pinsan ko at nagkikwentuhan kami. English ang ginagamit namin dahil hindi pa siya medyo marunong magbisaya. Ilang oras din kami nandoon nakatambay at tahimik lang ang mga tao sa baba. Nag-iinuman sila dun sa may balcony sa pagkakaalam ko kaya medyo tahimik sa sala. Napagdesisyunan namin na bumaba para kumain dahil gabi na nun. Walang tao sa sala. Walang tao sa kusina. Kaya bubuksan ko sana ang pintuan malapit sa balcony ngunit may unang bumukas nun at may hawak na baril. Sabi ng mama, "Pulis kami!" Nagulat ako ngunit mas nagulat ako ng makita ko ang Tito ko na nakaposas. Yung pinsan ko naman ay nakaposas din. Yung kuya ko lamang ang hindi sapagkat kinse pa lamang siya. Nakita ko rin na may mga chlorine sa upuan na sinasabing galing daw iyon sa Tito ko na binili ng isang tao.

Pinapasok muna kaming dalawang bata. Pumunta ako sa sala at nagulat ako ng lumabas ang lola ko sa kwarto at bitbit ang round box na may lamang alahas. Tinago yun ng lola ko. Mabilis ang pangyayari at natatandaan ko lang ay ang hinalughog nila ang bahay namin ngunit hindi nila nakita ang hinahanap nila. Dinakip ang Tito ko ngunit naiwan ang pinsan kong nineteen years old at hindi na isinama.

Lumipas ang buwan at binibisita na lamang namin ang Tito ko sa kulangan. Kada linggo kami pupunta dun at kakausapin siya.

Ngunit may isang magimbal na namang pangyayari sa pagiging bata ko. Nakita kong pasimpleng nilagay ni Tita ang maliit na selpon sa boots niya para ibigay kay Tito ang selpon.

Narinig ko sa usapan nila na tatakas si Tito. Ilang araw lang ay umalis na sila Tita at pinsang kong babae pati na rin ang pinsang kong lalaki at naiwan na naman kaming tatlo sa munting bahay namin.

Lumipas ang ilang araw at nabalitaan naming nakatakas ang Tito ko. Pumunta ang mga pulis sa bahay namin. Nagtanong. Natakot ako dahil may mga dala silang baril. Malalaki ito na kapag may sinabi ang lola kong mali ay babarilin kami.

Habang natutulog kami ay nagigising kami ng lola ko sa mga ingay sa labas na nagsasalita. Mga pulis at army iyon. Pinapaligiran kami gabi-gabi nagbabakasakaling pumunta rito ang Tito ko.

Mabilis ang pangyayari at nakapagtapos na ako sa ika-limang baitang kaya't naisipan ng lola ko na pumunta kami ng Maynila.

Noong nasa isang pulo kami, nakapagtaka na nakita ko ang Tito ko. Sumakay kami ng barko at tatlong araw na naglakbay para marating sa Maynila. Tumira kami sa isang hotel ng ilang linggo.

Kinuha ako at si lola at yung kapatid ko ni mama ko upang tumira sa bahay nila. May nahanap na rin na bahay sina Tito at Tita ko.

Hanggang ngayon ay hindi ko alam kung hinahanap pa rin 'nila' ang Tito ko. Pero isa lang masasabi ko, may ibang mundo na ako ngayon kaya hindi ko na sila binibigyan ng pansin. At simula noon ay hindi ko na nabalikan ang lugar na iyon. Ang lugar kung saan may naiwan ako at hindi natapos na gawin.


"Kung ibubunyag ko ang sikretong ito ay baka mapatay ako ng Tito ko kaya tumahimik ka lang dyan", sabi ni Ning.

Kaibigan ko siya dalawang taon na ngayon. Isa siyang transferee na galing sa isang probinsya.

"Sige. Ako bahala", sabi ko nalang sa kanya.

Pagka-uwi ko ay binuksan ko ang laptop ng Mama ko at naglog-in sa isang app. Minessage ko ang aking ama na nasa probinsya. Sinulat ko lahat ng impormasyon na sinabi sa akin ni Ning.

Natutuwa ako dahil may maitutulong na ako sa ama ko.




-AASPG

Let Me Tell You A Secret (One Shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon