"Baby," tinawag ni Nicola sa akin, "ako na bahalang mag-drive pauwi." Sinabayan niya ng isang matamis na ngiti ang pag-anyaya.
Tinugunan ko siya ng isang ngiting kasing tamis ng sa kanya, habang tinititigan ko ang mga labi niyang kay lambot-lambot.Bago ko pa sagutin ang hiling niya ay inunahan niya na ako: bumaba na ng sasakyan at umikot papunta sa driver's seat. Pinanood ko siyang maglakad papalapit sa akin; ang kanyang bawat hakbang ay sadyang kaaya-aya.
Binuksan niya ang pinto sa kaliwa ko at hiningi ang aking puwesto. Binalikan ko ng tingin ang mga mata niyang nakikita kong nag-aalala sa pagod na naranas ko ngayong gabi.
"Dali. Usog na, hon," ani Nicola, sa halos namamaos na niyang boses. Ayaw niyang aminin sa akin, ngunit alam kong pareho lang kaming pagod ngayon.
Sa pag-upo, nasakop agad ng bango ng perfume niya ang aming pagitan. Nakakaginhawa, nakakaaliw ang amoy. Nagbigay ako ng sandali sa aking sarili upang matamasa ito.
Awtomatiko ang paglagay niya ng seatbelt, at maselan ang mga daliri niya sa paghila ng tela nito. Sa pagkahigpit, nasulyapan kong hapit na ang belt sa kanyang dibdib, sinasalungguhit ang kanyang mga kurba.
Sa pagyuko niya upang ayusin ang upuan, dahan-dahan ring bumagsak ang mga hibla ng kanyang buhok. Sa pagtindig muli, nagbitaw siya ng hiningang nakakiliti sa mga tainga ko.
Bago dumeretso sa aming biyahe, kumalabit siya sa radyo; inisa-isa ang mga istasyon dito. Sinundan ko ang paglakbay ng kanyang kuko sa bawat pindot.
"Alam kong gusto mo 'to." bulong niya sa akin. Lumipat ang atensyon ko mula sa tinig niya papunta sa kantang napili.
Binuksan ni Nicola ang windshield wipers, at ang kanilang pag-akyat-baba ay sumabay sa tugtog, na para bang sinasayawan nila ito. Nagsimula na pala ang pagbagsak ng ulan. Hindi ko rito natuon ang aking pansin. Ang pansin ko ay sa kanya; bihag niya ako—at mula sa pagkabalisa, ngayon ay nawawala na ang aking antok.
Tumapak siya sa clutch, at humawak sa cambio. Mahigpit ang kanyang kapit, at mainam naman ang kanyang biglang paghila rito. At sa ilang sandali pa ay kami'y umandar na.
BINABASA MO ANG
Exhibit
Short StoryIntensity and Intimacy. 'Wag matakot bigyan ng tingin ang kaayaayang mga pasilip sa kakaibang exhibit.