Dasal

2.4K 136 12
                                    

Hindi namin inaasahan ang biglaang pagpanaw ni Lola. Nakaramdam lang siya ng matinding pagsakit ng ulo na sinabayan ng pagkahilo matapos magsimba noong araw ng Linggo. Akala niya ay simpleng sakit lang dulot ng maalinsangang panahon. Ininuman niya lang ito ng Paracetamol ngunit hindi nito naibsan ang sakit na nararamdaman. Nang mapansin ni Tiya Helen, ang kasama niya sa bahay, ang pagdaing niya ay saka lamang siya isinugod sa hospital. Agad silang pumunta sa emergency room. Agad na ipinasok sa ICU si Lola, ayon na rin sa rekomendasyon ng mga doctor. Dalawang araw lang siyang namalagi sa hospital dahil agad din siya binawian ng buhay.

Brain aneurysm. Ito raw ang kumitil sa buhay ni Lola. Ito 'yung animo ay isang bomba sa loob ng katawan ng isang tao na hindi mo alam kung kailan sasabog. Isang bukol na namuo sa mga litid ng utak ni Lola. Risk factor sa pagkakaroon nito ang mga may matataas ang cholesterol at sa mga may sakit na Hypertension (High Blood) – isang condition na meron si Lola. Sabi ng doctor, pumutok daw ang aneurysm ni Lola na nagdulot ng internal bleeding.

Hindi ko matanggap ang pagpanaw ni Lola. Ako kasi ang paborito niya. Lola's girl, ika nga. Siya rin ang nagpalaki sa akin hanggang tumuntong ako sa edad na limang taon. Noong nagging dalaga ako, Lagi akong nakakakuha ng advices sa kanya tungkol sa buhay at maging sa lovelife. Nagagamit ko naman ang mga ito lalo't higit ngayong nagtatrabaho na ako bilang company nurse sa isang construction firm.

"Magpahinga ka muna sa itaas," payo ni Tiya Helen. Naroon ako sa bahay ni Lola kung saan ibinurol ang kanyang mga labi. Pugtung-pugto na ang aking mga mata dahil sa walang tigil na pag-iyak. Pangalawang araw pa lang ng burol.

Tumayo ako at sinunod ang utos ni Tiya. Nagpaalam ako sa aking mga magulang na abala sa pag-aasikaso sa mga bisita. Dumiretso ako sa itaas ng bahay kung saan may tatlong kwarto. Naglakad ako sa maliit na pasilyo. Nasa kaliwang bahagi ko ang kwarto ni Tiya Helen at halos katapat nito ang dating kwarto ni Mama. Sa bandang dulo ay naroon ang master's bedroom - ang kwarto nina lolo at lola. Natatandaan kong doon din ako pinapatulog ni lola noong bata pa ako. Hindi na ito ginagamit ni Lola at sa halip ay iyong maliit na kwarto sa baba ang naging pahingahan niya dahil nahihirapan na siyang umakyat panaog.

Naglakad ako patungo sa master's bedroom at bumungad agad sa akin ang malaking kama na nakapahalang sa pinto. Kulay puti ang kobre kama maging ang kurtina sa bintana na katabi nito. Naroon pa rin sa paanan nito ang malaking cabinet na nilalagyan ng mga damit at punda. May tokador din sa may kanang bahagi ng kwarto.

Inilapat ko ang aking likod sa malambot na kama at tiningala ang kisame na pinintahan ng mga malilit na kerubin. May anim na kerubing naghahabulan kahit wala silang mga saplot sa katawan. Sabin i Mama, kaibigan daw ni Lolo ang nagpinta sa mga ito. Malaya ko ring naaamoy ang ginamit na fabric conditioner. Tila pinaghalong amoy ng lemon at mga rosas. Unti-unting bumigat ang talukap ng aking mga mata hanggang sa hindi ko namalayang nakatulog na pala ako.

Bigla akong naalimpungatan. Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay mabigat ang hangin sa paligid. Nakatagilid ako sa aking pagkakahiga paharap sa direksyon ng pinto. Napansin kong may nakatayo rito. Nakaharang sa pinto ang pigura ng isang babae. Hindi ko maikilos ang aking labi upang sana ay tanungin kung sino siya. Hindi naman ako nakararamdam ng takot. Basta, ang alam ko lang ay hindi ko maigalaw ang aking buong katawan. Parang hindi ko nga rin maramdaman ang aking mga braso at binti. Tinitigan ko lang ang babae. Mapupungay ang mga mata nito at mahaba ang kulay itim na buhok. Matangos ang kanyang ilong at maputi ang kanyang balat. Nagtataka lang ako kung bakit sinauna ang kanyang kasuotan. May patadyong ang suot nitong blusa na kulay puti. Itim naman ang suot nitong palda na sa sobrang haba ay natatakpan na ang kanyang mga paa. Nakatitig din siya sa akin at may tipid na ngiti sa mga labi. Kamukhang-mukha niya ang rebultong nakalagak sa gitna ng altar ni Lola.

 Kamukhang-mukha niya ang rebultong nakalagak sa gitna ng altar ni Lola

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
DasalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon