Impyerno ang Kahirapan

975 5 0
                                    


1

Usap-usapan na sa Poblacion ang trahedya sa pabrika. Hindi pa man labasan ng mga mananahi ay umabot na sa talipapa, pinagpipyestahan ng mga mga tinderang hindi pa nauubusan ng paninda kaya kahit mapula na ang mata ng bangus at matambaka ay nandoon pa at umaasa sa mga suking nagsabing babalik. Sa mga tagpi-tagping bahay, maagang nagsisimula ang inuman ng mga kalalakihan. Dalawang gabi pa lang ang nakakaraan matapos ang kinsenas. Wala nang mas mainam pang paraan para waldasin ang sahod kung hindi sa kwatro-kantos o gin bilog. Huwag nang alalahanin pa kung sa kanila mang pera ito o hindi.

Walang pinagkaiba ang hapon sa mga nagdaan na. Hindi umulan sa Poblacion tres pero basa ang mga daan nito ng putik at burak na umangat na mula sa mga bambang.

Klang-klang. Sabay sa paghampas ng kampana ang hudyat ng unang misa sa araw ng Biyernes.

Klang-klang. Kasabay ang mga yabag ng nagmamadaling paa mula sa Wu Xei Textile, Inc., ang pabrika ng tela sa dulo ng poblacion.

Klang-klang. Kasabay ng pagbubukas ng entrada ng mababang paaralan ng Brgy. Matiwasay. Dali-daling hinablot ng mga ina ang kanilang mga anak. Maingay ang alas-singko ng hapon sa Poblacion.

Huling lumabas si Leafar Gono. Bitbit niya ang piraso ng lukot na papel na may guhit ng kanyang natitirang pamilya -- ang kanyang ina. Pansin niya ang panakanakang tingin ng mga magulang. Hindi niya pa noon naiintindihan ang awa at pagkadismaya sa mga mata nito. Tahimik niyang hinintay ang ina na nangakong susunduin siya. Kaarawan nito at mayroon siyang surpresa.

"Lea, hindi mo pa alam? 'Lika na sa mama mo!" sabi ng kanyang kapitbahay na inabutan siya sa riles ng tarangkahan ng paaralan.

"Susunduin po ako ni mama," sagot niya rito nang inalalayan siya sa pinarang tricycle.

"Ospital sa sentro, pakidalian Manong."

Nalaglag niya ang hawak na papel sa pagharurot ng sinasakyang tricycle.

2

"Aba napakainit na nga't sira pa ang bentilador dito," reklamo ni Lumeng.

Hindi na kailangan pang tumango ni Leafar para tingnan pa ang mga sirang bentilador sa kanilang uluhan, sapat na ang pagdikit ng kanyang t-shirt sa basa niyang likod at ang mga namumuong butil ng pawis sa noo.

"Aba't ngiti lang ba ang isasagot mo sakin?" dagdag pa ni Lumeng. Si Lumeng ang pinakamatalik na kaibigan ni Leafar. Marahil dahil sa katahimikan ni Lea kung kaya't hindi ito nilalapitan ng sino man bukod sa mga nagdaang manliligaw o mga manyak sa daan. Si Lumeng lang ang nagtiyaga sa kanya kahit alam nitong mukha itong baliw sa pagsasalita mag-isa. Pareho silang hindi nakatapos ng pag-aaral. Hindi man ang pinakabata sa pagawaan ngunit 'di kailang makikita mo si Lea na angat sa lahat ng dalaga sa Poblacion. Imahe siya ng morenong Pilipina na hinubog ng mga karanasan nito.

"Eh bakit hindi mo ireklamo sa bisor? O kay Kuya Jun, manliligaw mo," sabi ni Lea nang may halong pang-aasar sa mga bilang na oras na kaya niya.

"At may mangyayari ba kung sabihin ko sa bisor? Isasagot lang sa akin na "Magpasalamat kayo't may trabaho kayo" tulad nang sinabi niya kay Trining nung minsan lang magpaalam na aabsent dahil graduation ng panganay niya. Naku, kilala mo naman ako baka masagot ko pa. At binanggit mo pa si Jun, naku Lea, parang langaw na di mawala-wala kagabi – "

Tiiiiing. Tiiiiing. Tiiiiiing.

Parang mga laruan na sabay-sabay na nagbaba ng mga gamit ang mga mananahi sa hudyat ng kalembang. Alas-dose. Oras na ng pananghalian, walang silbing magpagod nang walang dagdag na bayad o palit-araw.

Impyerno ang KahirapanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon