Gusto Ko Sana

7 0 0
                                    

GUSTO KO SANA








Bumukas ang malaking pinto, lahat ng tao ay naka-tingin sa akin, maluha-luha pa ang aking mga mata dahil hindi ko akalaing aabot tayo dito.

Sinubukan kong ngumiti ang kaso ay mas nangingibabaw ang kagustuhan kong umiyak. Naaalala mo ba noong una mo akong pinaiyak? Pinag-bake kasi kita ng strawberry cake at nalaman kong allergy ka pala sa strawberry. Hindi mo tinanggap noong binigay ko sa'yo kaya ako lang ang kumain habang umiiyak, hindi mo alam dahil ako lang ang nakaka-alam.

Ngayon, naka-suot ako ng puting bestida at lumalakad papunta sa'yo, nanginginig ang aking mga kamay at paa, pakiramdam ko sobrang bigat ko kaya hindi ko na madala ang sarili ko.

Inaway na naman ako ng mga kaklase nating bully, sinubukan nila akong tisurin at nagtagumpay sila. Sobrang sakit ng tuhod ko dahil sa ito ang ang unang tumama sa marmol na sahig. Paika-ika akong lumakad sa pasilyo hanggang sa maramdaman kong umangat ako. Binuhat mo ako, iyong buhat na pangkasal at ikaw ang nagdala sa akin sa klinika. Nakangiti ka habang sinasabing "magpagaling ka."

Natanaw kong bahagya ka ding nanginginig, lumuluha ang iyong mga mata at diretsong nakatingin sa akin. Tumutugtog ang orkestra ng malumanay na awitin, bagay na bagay sa mabagal kong paglakad.

Mahilig ka sa musika kaya't nagpaturo ako sa matalik kong kaibigan na si Marie na tumugtog ng gitara, iyon kasi ang paborito mong instrumento. Mahirap pala, napudpod ang mga kuko ko kaka-kalabit sa mga strings. Naisip kong magugustuhan mo na ako kapag nalaman mong kaya kong tumugtog kagaya mo.

Mahilig ka sa pagkain, palagi ka kasing sa kantina naka-tambay para kumain. Nagpaturo ako kay Marie kung paano mag-luto. Tinuro niya sa akin kung paano lutuin ang mga paborito mo. Tinikman ko ang niluto ko, tinikman din ni Marie at sinabing, "Ang sarap! Nadala ng betsin." Parehas kaming tumawa, dalawang sachet ng betsin lang naman ang ibinuhos ko at hinalo sa mga rekado.

Pati ang mga taong nasa paligid ay tila nadadala sa mga nangyayari, ang iba'y naluluha na rin, isa-isa ko silang tiningnan at sinubukang ngitian. Ang pari ay naghihintay lamang hanggang sa tuluyan na akong makalapit.

Huminga ka ng malalim, akalain mo, nandito tayo sa sitwasyong ganito. Hindi ko akalaing darating ito. Ang gusto ko lang naman dati ay mapansin at magustuhan mo ako, pero tingnan mo, may kasalan na pala.

"Tikman mo, niluto namin 'yan ni Marie." wika ko at inabot sa'yo ang paperbag na may lamang menudo.
"Talaga? Salamat." Ngumiti ka at tinanggap ang inalok ko. Ngumiti din ako sa'yo. Ngumiti tayo sa isa't isa na para bang may nakikita tayong bagay na maganda na panandalian lang at magsisisi kung hindi mo nakita.

Naging magkaibigan tayo, sabi mo ako ang human diary mo. Sinasabi mo sa akin lahat. Masaya. Malungkot. Nakakainis. Nakakadala. Masakit. Iyan ang mga nararamdaman ko tuwing may kinukwento ka sa akin.

Isang araw nakita kitang nakaluhod, naglabas ng isang kahon at binuksan iyon, isang singsing ang nasa loob. Nakatayo lang ako at hindi alam ang gagawin, naiiyak ako. "Will you marry me? Will you be my wife?" Nabuhayan ka ng marinig mo ang isang matamis na "Yes..."

Ito na, malapit na ako sa'yo...

Gusto kong marinig na nagpapalitan tayo ng sumpaan, gusto kong marinig mula sa'yo kung gaano mo ako ka-mahal. Gusto kong halikan mo ako sa harap ng mga taong ito. Gusto kong sabay tayong maglalakad palabas ng simbahan, ihahagis ko ang bulaklak at susunod na ikakasal ang makaka-salo nito. Gusto kong subuan mo ako ng cake mamaya sa reception. Gusto kong tabi tayong matulog 'pagsapit ng dilim. Gusto kong pagsaluhan natin ang pagmamahal na walang hanggan.

Ang saya isipin...

Naiiyak ako, katulad nung mag-propose ka ng nakaluhod... kay Marie. "Will you marry me? Will you be my wife?" tanong mo. Tumulo ang luha ko at napa-ngiti ng mapakla. Nasa isang tabi lang ako, nakatayo, nakatalikod, hindi kayang makita ngunit eto at nasasaksihan ko.
"Yes..." sagot ni Marie.

Masaya. "Ang swerte ng magiging nobyo mo." nakangiting sabi mo. Hindi, mas maswerte ako sa'yo.

Malungkot. "May sasabihin ako... gusto ko si Marie." Gumuho ang mundo ko.

Nakakainis. "Balak ko na siyang ligawan. Tulungan mo ako, ah?" Sige, kung saan ka masaya.

Nakakadala. "Pakibigay mo naman 'to kay Marie, regalo ko sa kaniya." Palagi naman ako, 'di ba? Pakiramdam ko tulay ako at hindi tao.

Masakit. "May good news ako. Sinagot na niya ako!" Talaga? Ang sakit, ah.

Ito na, nasa tamang posisyon na ako. Magkatabi kayo ni Marie sa altar. Ito ang araw kung kailan kayo ay mag-iisang dibdib. Pagkatapos nito, magsasalo kayo sa iisang kama, bubuo ng pamilya at magiging masaya.

"Itigil ang kasal..."

Magsasalita ako dahil ayokong habang buhay manahimik. Masaktan tayong lahat.
















You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 26, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

GUSTO KO SANA (one shot)Where stories live. Discover now