Ako si Uno

106 1 0
                                    

        Isang normal na buhay-- ito ang mayroon ako. Normal na kabataan, karaniwang pangalan. Isang batang nag-aaral para matuto, isang batang minsang naglaro ng yoyo, teks, luksong-baka, tagu-taguan, mataya-taya at minsan ding nagpanggap na mayroong kapangyarihan tulad ng mga bidang karakter na napapanood sa telebisyon. Nakakabagot. Nakakayamot maging normal.

        Ngayon isa na akong estudyante sa pinakakilalang unibersidad sa Pilipinas. Ang bantog na unibersidad kung saang halos pitompung-libong  estudyante ang nangangarap makapasok ngunit kaunti lamang ang pinapalad na pumasa. Isa na akong isko kaya lalong mas naging nakakabagot ang aking buhay. Aral dito, aral doon. Party dito, party doon. Hindi ito ang inasam kong buhay, mayroon pa akong gustong maabot. Mayroon pa akong gustong makuha na alam kong imposibleng makuha ng tulad ko nang biglang isang araw nag-iba ang takbo ng aking buhay...

UNANG KABANATA: Ako si Uno

Uno’s POV

        Ako si Uno-- hindi ko tunay na pangalan. Isang bansag lamang dahil madalas akong maka-uno sa aking mga pinapasukang asignatura sa kolehiyo. Hindi ko alam kung pang-asar lang iyon ng aking mga kaklase o sadyang nasanay na sila sa pagtawag sakin ng Uno.

        “Uno!!! Pwede bang makisabay sayo?” patakbong ani ni Daphne.

        “Hindi nga ako si Uno. Ako si Juan. Syempre pwede.” ang sagot ko naman.

        Ako si Juan. Kung babanggitin pa ang aking apelyido parang hindi pinag-isipan dahil malaking porsyento ng mga pinoy ay ganito ang buong pangalan-- Juan dela Cruz. Kung tatantyahin sa populasyon ng buong mundo na humigit-kumulang pitong bilyon, may isang milyong katao ang kapangalan ko. Hindi naman ako nagrereklamo na ganyan ang pangalan ko pero sana man lang nilagyan ng ikalawang pangalan tulad ng Juan Paolo o Juan Miguel para kapag may sumigaw ng pangalang Juan ay hindi isang milyon ang lilingon. Gayunpaman, kahit ang dalawa kong halimbawa ay madalas magamit. Kaya pipiliin ko na ang alyas na Uno.

        “Ang sungit mo naman. Hindi ka pa ba sanay na tawagin ka naming ganyan?” sumbat ni Daphne.

        “Sanay na kaso para kasing nang-aasar kayo sa tuwing yan ang naririnig kong tawag niyo sakin.” ang sagot ko naman.

        “E kasi naman ang utak mo parang hindi normal, nasa UP na nga tayo hindi ka pa nahihirapang makakuha ng uno. Sa sobrang talino mo pang-Harvard ka na ata.” mariin niyang sabi.

        “Sya nga pala punta ka sa debut ko ha. Kasama ka sa 18 roses ko.” muli niyang dagdag.

        “Parang dalawa na agad yung hiningi mong pabor sa akin ngayong araw. Sumosobra ka ha, pero syempre pupunta ako. Ikaw yan e.”

        Si Daphne ay isa sa mga unang naging kaibigan ko dito sa unibersidad. Siya yung unang nagpakilala sakin dahil halos parehas kami ng pinanggalingang hayskul. Magkapareho kaming mula sa science-based kurikulum ngunit magkaibang siyudad kaya ganon na lamang kung makisalamuha siya na para bang magkakilala na kami simula pa noong sekondarya. Mabuti naman sakin yon dahil sa ngayon nasa ikalawang taon na ako sa kolehiyo wala pa rin akong kaibigan dito bilang bago pa lang sakin ang komunidad na ito.

        May lahing Intsik si Daphne at galing siya sa isang mayamang pamilya. Si Daphne ang babaeng talagang halatang anak mayaman dahil sa kanyang makinis at maputing kutis. Dagdag pa dito ang kanyang koleksyon ng magagarang bestida at burloloy sa katawan. Halos katulad niya ang mga modelo kung manamit at dahil na rin sa dami niyang koleksyon halos wala pa ata siyang nauulit sa mga ito. Hindi ko alam kung bakit ko nakabisado. Siguro dahil na rin sa araw-araw naming pagsasama.

TreseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon