Sana Bingi Na Lang Ako [ONE SHOT]

1K 56 24
                                    

Sana Bingi Na Lang Ako

Andyan na ang halimaw, magsitabi kayo!”

Anak, 'wag kang lalapit sa kanya okay?”

Friend, takbo na tayo bilis! Natatakot ako sa kanya e.”

Sana bingi na lang ako. Hindi ko na sana narinig ang lahat ng mga masasakit na salitang pinagsasabi ng madla. Sana bingi na lang ako. Nang sa gano'n ay makatulog ako sa gabi nang mahimbing dahil wala na akong maririnig na boses. Boses na puro panghuhusga ang sinasabi na pabalik-balik sa utak ko at nakataga na sa puso ko.

Naglalakad ako pauwi noon galing kina Aling Nenita. Nagbigay ako ng bagong stock ng basahang tinahi ni Analiza na ipinalalako naman ni Aling Nenita sa kanyang mga anak. Sari-saring bulungan ang narinig ko habang naglalakad, para bang sadya naman nilang ipinaririnig sa'kin ang mga 'yon. At tulad ng palagi kong ginagawa, nagkunwari na lang akong bingi sa harap nila.

Hindi ako dapat magpaapekto. Hindi naman ako halimaw, at mas lalong hindi naman ako nakakatakot. Si Analiza. Siya ang halimaw. Siya ang nakakatakot. Siya... ang nanay ko.

Galit ako sa kanya, dahil ako mismo na sarili niyang anak ay hindi matanggap ang mga ginawa niya. Hindi ko maaatim na marami na siyang nasaktan, pero sa kabila ng galit ko ay mahal na mahal ko pa rin siya. Ina ko siya, at utang ko sa kanya ang buhay ko. Hindi ko alam na pwede palang magmahal at magalit ng sabay ang tao.

“Aray! A... Ang sakit!” Napahinto ako sa paglalakad nang marinig ko ang isang lalaking umuungol dahil sa sakit. Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses, nasa loob siya ng bahay na katapat ko. Kaagad na nagsilapitan ang mga tao sa labas ng gate ng bahay na 'yon. Pilit na sinisilip ang nangyayari sa lalaki.

Sana bingi na lang ako. Sana hindi ko na lang narinig ang pagsigaw ng lalaki. Pagsigaw na ilang beses ko na ring narinig. Alam kong kagagawan na naman 'to ni Analiza, pero hinihiling ko pa ring sana mali ako ng hinala.

Kumaripas ako ng takbo patungo sa bahay namin para siguruhin ang aking paghihinala. Habang lumalapit ako sa bahay namin ay pabigat nang pabigat ang bawat paghakbang ko, hanggang sa wakas ay nasa labas na ako ng pinto.

Nanginginig man ang kamay dahil sa pagod at kaba, nagawa ko pa ring hawakan ang seradura at pihitin ito. Hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Hindi, mali. Ayaw kong paniwalaan ang aking nakita. Si Thea, ang matalik kong kaibigan ay nasa tabi ni Analiza na may hawak na karayom sa kanyang kanang kamay at isang manyika sa kanyang kaliwang kamay.

“Anong nangyayari dito?!” pasigaw kong tanong. Hindi na ako nakapagpigil. Sinabi ni Analiza sa'king magbabago na siya. Nangako siyang hindi na niya gagawin 'tong muli, pero ano 'tong nakikita ko?

“Diana, huminahon ka please? Pasenya---” Hindi ko pinatapos sa pagsasalita si Thea.

“Thea, umalis ka muna pwede? Kailangan muna naming mag-usap,” mahinahong sabi ko kay Thea at kaagad naman niyang sinunod.

“Anak---”

“'Wag mo ako tawaging anak! Wala akong nanay na halimaw, na masamang tao, na mangkukulam.” Sa galit ko ay nagsisimula pa lang magsalita si Analiza ay pinutol ko na kaagad.

“Diana, patawarin mo ako. Hindi ko naman talaga gustong gawin 'yon. Hindi ko lang matiis ang kaibigan mo. Ginahasa siya ng tatay niya, at hindi ko maiwasang 'di magalit para sa kanyang ama kaya ako pumayag sa pabor ni Thea. Pangako, hindi na muling mauulit 'yon. Huli na 'yon, magbabagong buhay na tayo 'di ba? Anak?” sabi ni Analiza habang hawak ang kamay ko at umiiyak.

“Bitiwan mo ako Analiza,” mariin kong sabi dito. Kailangan ko muna umalis sa harap niya at mag-isip-isip. Kailangan ko muna siyang tiisin, baka sakali... baka sakaling magbago na nga siya.

Binitiwan na niya ako. Paalis na ako nang magsalita siyang muli. “Inay. 'Yan ang itawag mo sa'kin Diana. Hindi mo ba talaga kayang tawagin akong Inay? Diana, alam kong mali ako. Pinigilan ko naman ang sarili ko, pero hindi ko kayang tiisin si Thea. Hindi ko kayang tiisin ang mga kababaihang binaboy ng mga walang hiyang lalaki, tulad ng ginawa ng ama mo sa'kin! Intindihin mo naman ako Diana.” Iling lang ang tangi kong naisagot sa kanya. Hindi ko na alam kung anong dapat kong maramdam. Kung dapat ba akong magalit o maawa.

Sana bingi na lang ako. Nang sa gano'n ay hindi ko paulit-ulit na naririnig ang rason niya. Rason na paulit-ulit ding sinasaktan ang damdamin namin pareho. Rason na nagbibigay ng pahintulot sa kanya para gumawa ng masamang bagay. Bagay na dahilan kung bakit siya nawala sa'kin.

Noong gabi ng araw na 'yon, nabalitaang pumanaw si Mang Berting, ang tatay ni Thea dahil sa ginawang pangkukulam ni Analiza dito. Kumalat ang balita sa buong bayan. Natakot ang lahat, ngunit nagkaroon ng pagkakaisa. Sinugod nila si Analiza sa bahay namin, at walang awang kinaladkad patungo sa isang bakanteng lupa.

Sinundan ko ang mga tao. Nakiusap akong 'wag nilang sasaktan si Analiza, pero hindi nila ako pinakinggan. Sinabi ko sa kanilang 'di na muling gagawin ni Analiza ang kinatatakutan nila, pero hindi sila tumigil. Sinigaw kong hindi si Analiza ang kriminal kundi si Mang Berting, pero hindi nila ako pinaniwalaan. Humingi ako ng tulong kay Thea, pero pinagsarhan niya ako ng pinto.

Wala akong nagawa. Sa bandang huli ay pinanood ko lang kung papaano itinali sa malaking poste si Analiza, kung paano siya sinunog ng mga tao, kung paano siya umiyak, at kung paano siya nagmakaawa.

Sana bingi na lang ako. Hindi ko sana narinig ang paghagulgol at pagsigaw ni Inay na siyang dumurog sa puso ko. Sana bingi na lang ako, dahil ayokong marinig ang samu't saring pangungutyang ibinabato ng madla sa nanay ko. Sana bingi na lang ako para hindi ko narinig ang huling bilin niya sa'king ipaghiganti ko siya. Edi sana, hindi ko hawak ang karayom sa kanang kamay ko, at isang manyika naman sa kaliwa.

Sana Bingi Na Lang Ako [ONE SHOT]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon