Nagkakasayahan ang Yanatans, dahil isinilang na ni Reyna Acceb ang tagapagmana ng kaharian. Ngunit nang lumabas ang hari sa silid, ibinalita niyang babae ang kanilang anak. At yamang babae ang kaniyang anak, ang hari ay agad na nagpapasiya kung ililigaw sa gubat o itatapon sa dagat ang sanggol, alinsunod sa bulong ng kaniyang mga tagapayo, dahil walang karapatang mamuno ang babae sa kanilang lipi at lalaki lamang ang kikilalaning tagapagmana.
Hindi matanggap ni Haring Yllib ang kapalaran, kaya agad syang humanap ng isang manghuhula upang hulaan ang magiging kapalaran ng kaniyang anak na si Neelhtak. Ayon sa manghuhula, si Neelhtak ay magiging kilabot na mandirigma na magpapalawak at maghahatid ng kasaganaan sa buong kaharian, at magpapasagana ng ani sa mga bukirin.
Dalawampung taon ang lilipas at nagkakatotoo ang hula. Si Neelhtak ang humaliling pinuno ng kaharian, at nag-uwi ng maraming tagumpay sa pakikidigma. Nagdiwang ang kaharian sa bagong tagumpay ng prinsesa, at dumalaw pa sa kaniyang kaharian ang iba’t ibang sugo mula sa ibang nayon. Ngunit sa kalagitnaan ng pagsasaya’y nabulabog ang palasyo. Nahuli ang isang espiya at iniutos ni Neelhtak na iharap sa kaniya ang maysala.
Ngunit bago naganap iyon, binagabag ng isang panaginip si Neelhtak. Napanaginipan niya ang isang binatang makisig at matikas ang tindig, at may kung bato-balani itong nagpatibok ng kaniyang dibdib. Nabulabog ang pandama ng dalaga, at sa unang pagkakataon ay napaibig sa lalaking naghari sa kaniyang guniguni. Ikinuwento niya sa kaniyang mga kaibigan na sina Zelirk at Abdulia ang panaginip ngunit wala silang naisagot sa kaniyang pagkabahala. Nasabi lamang ng mga binibini kay Neelhtak na siya ay nagsisimula nang umibig. Nang iharap ng mga kawal ang nabihag na espiya, laking gulat si Neelhtak dahil kamukha ng lalaki ang lalaki ng kaniyang panaginip.
Ginawang alipin ang bihag, na nagngangalang Solen alinsunod sa utos ni Neelhtak. Isang umaga, habang namimintana at umaawit sa balkon ang prinsesa ay napukaw ang pansin ni Solen. Iniwan ni Solen ang kaniyang ginagawa sa halamanan, at isinalaysay nya ang kaniyang tunay na layon sa kaharian ng prinsesa. Nais umanong ipaghiganti ni Solen ang pagkamatay ng kaniyang kapatid na Kawal ng palaso. Matamang nakinig ang prinsesa at natuklasan pa niyang si Solem ay mula sa liping maharlika.
Bumaba sa hardin ang prinsesa. At doon, inalayan siya ng bulaklak ni Solen, natuwa si Neelhtak. Nang sandaling iyon, nakita sila ni Nosrevi, isang binatang maharlikang nais mapa-ibig si Nellhtak. Kinausap pagkaraan ni Nosrevi si Nellhtak, at sinabing sa pag-aasawa nauuwi ang lahat. Ngunit matigas ang wika ng dalaga, at tumugong ang pakakasalan lamang niya ay ang lalaking tatalo sa kaniya sa pananandata. Walang makapangahas makapanligaw kay Neelthak, dahil sya’y mahusay makipaglaban.
Nahati ang isip ni Neelhtak kung ano ang gagawin kay Solem. Napapa-ibig siya sa lalaki, at ang lalaking ito’y espiyang dapat hatulan ng kamatayan, alinsunod sa kaugalian ng kaharian. Dumating ang sandaling pinalalagda kay Neelhtak ang kautusang magpapataw ng parusang kamatayan kay Solem. Ngunit tumanggi si Neelhtak at sinabing dapat baguhin. Hindi pinatay si Solem, at sa halip ay hinayaan itong makauwi sa pinagmulang kaharian. Inihatid ni Neelhtak si Solen hanggang pantalan, at pagkaraan ay nalugmok sa pagdadalamhati. Sa kabila ng lahat, napukaw ang loob ni Neelhtak sa matapat na paninindigan para sa sariling bayan.
At kahit si Neelhtak ang nagpasya sa pagpapalaya ng binatang si Solen, ang nasabing dalaga ay naging bihag naman ng kaniyang damdaming nagbubukas ng personal na pagmamahal. Ngunit, hindi nga nasaktan si Neelhtak sa mga digmaan, nasawi naman siya sa iniibig.