May tatlong klase ng tao sa mundo: yung paasa, yung pakipot at yung tapat. Sapalagay mo, sino ka sa mga iyan? Yung paasa ka ba? O yung pakipot? Mas maganda kung ikaw yung tapat. O baka naman hindi mo namamalayang nagiging paasa ka na pala? O mas gusto mo ba yung nagpapakipot muna? Saan ka nga ba talaga sa mga iyan?
Paasa. Nauuso ang salitang paasa ngayon. Katambal nito ang salitang "assuming". Sabi kasi nila, minsan wala naman talagang paasa, meron lang assuming. Pero isipin mo ha, mag-aassume ka ba kung hindi nagbibigay ang isang tao ng mga motibo para umasa ka? May baliw na tao na bang umasang may pag-asa sila ng taong mahal niya dahil lang sa mga simple at natural na bagay? Wala pa yata akong narinig na, "Mahal na yata ako ni *toot* dahil pareho kaming humihinga!" Diba? Umaasa ang isang tao dahil binibigyan siya ng motibo. Itinuturing siyang espesyal. Paano mo malalaman kung paasa ka? Simple lang. Kapag nalaman mo na may gusto ang isang tao sa'yo, ayun, papatol ka. Makikipaglandian ka. Papatulan mo yung pang-aakit niya sa'yo tapos bigla mong iiwanan pag umasa na siya.Hudas ka! Hindi mo man lang ba naisip na nasa ikapitong langit na siya tapos iiwanan mo bigla? Kaya ayun siya, nahulog mag-isa sa semetadong daan na wala man lang sumasalo sa kanya. Nagkabali-bali ang mga buto, nagkandasugat sugat ang tuhod.
Pakipot. Sabi nga nila, TBKD o tulak ng bibig, kabid ng dibdib. Eto yung mga pilit na tinatago yung nararamdaman sa isang tao. Kunwari walang gusto, kunwari hindi kinikilig pero sa totoo gustong magwala ng puso sa sobrang saya na konti nalang eh lumabas na sa tadyang. Eto yung mga pa-hard to get. Maria Clara ang peg. Pasimple simpleng tumitingin sa taong gusto, pasulyap sulyap pero pag kaharap na best actress ang drama na parang walang nararamdaman na kilig. Tama yan. Ipagpatuloy mo. Baka sakaling magising ka nalang isang araw sa ospital dahil nahimatay ka sa sobrang pagtatago ng kilig mo.
Tapat. Eto ang lahing pakonti na ng pakonti. Yung tipong kapag may gusto sila, aaminin nila. Hindi nila itatanggi yung nararamdaman nila. Dito rin pumapasok yung mga taong kapag ayaw nila, sinasabi nila. Iwas sakuna ika nga nila. Para parehong hindi na magkasakitan, magpakatotoo nalang. Para walang umasa at walang magalit. Sabi nga ng patalastas ng Sprite: "Magpakatotoo ka!". Wag kang magpanggap. Kung ayaw, edi ayaw. Wag mong ipilit. Kung gusto, edi gusto. Wag mong pahirapan ang buhay mo. Tapos dadrama drama ka na heartbroken ka eh ikaw naman itong hindi nagpapakatotoo sa sarili mo. Wag ganun tsong. Wag ganun.
Kung saan ka man sa mga iyan, eh bahala ka na sa buhay mo. Siguraduhin mo lang na wala kang tinatapakang tao. Minsan kasi hindi natin namamalayan na nakakasakit tayo ng hindi natin nalalaman. Baka isang araw eh makulam ka nalang dahil sa mga pinaggagagawa mo. Isa lang ang masasabi ko d'yan, "Aral muna bago landi". Magseryoso ka sa buhay mo. Wag mong daanin ang mga ibang bagay sa pabiru-biro lang baka magsisi ka sa huli. Isipin mo rin ang mararamdaman ng ibang tao sa mga bagay na gagawin mo.