GITARA
WRITTEN BY: ATHENA ADAMAS
Bawat tipa'y awit sa aking tenga
binabalik ang magandang ala-ala
at bawat tunog nito'y mahalaga
Na minsang sa puso'y nagpaligaya
Mga ngiti'y inyong mamasdan
Halakhak ng gitara'y mapapakinggan
Na ang lahat ay sinasang-ayunan
Sa musikang di niya pinagdadamutan
Di inaasahang kwerdas ay mapigtas
Waring lungkot na ang naipamalas
Pati larawa'y di na maibakas
Kaya't musika'y madaling nagwakas
Gitara'y ano na ang magiging silbi
Kung musika'y di na maipamahagi
Dahil parehong puso'y nagtitimpi
Halaga ng gitara'y nalimot pati
Paano.... maibabalik ang saya
Kung walang alaala ng musika
Kailan... mapapakinggan ang kanta
Kung kuwerdas ng gitara'y napigtas na..