♣Kabanata Vll♣

728 0 0
                                    

Kabanata Vll - SI Simoun

Tauhan:

Simoun

Basilio

Pangyayari:

Habang si Basilio ay nasa gubat, nakarinig siya ng mga yapak ng isang tao sa kagubatan at nang siyang nagmasid, nakita niyang ito ay si Simoun. Dahil hindi nito suot ang kanyang salamin, nakilala ni Basilio ang mag-aalahas na siya palang si Crisostomo Ibarra na tumulong din kay Basilio na ilibing ang kanyang mahal na ina. Tinutukan siya ng baril ni Simoun, at ipinaliwanag naman ni Basilio na si Ibarra ay isang taong mahal sa kanya, dahil sa pagliligtas at pagtulong sa paglilibing ng kanyang ina. Sabi ni Simoun ay dapat silang magtulungan dahil pareho silang uhaw sa katarungan. Isinalaysay ni Simoun ang kanyang paglalakbay sa mundo upang magpayaman, at nanumbalik upang maghimagsik at makitang muli si Maria Clara. Tutol si Simoun sa pagpapatayo ng mga kabataan ng isang paaralan para matuto ng Kastila sapagkat isang paraan daw ito upang makalimutan ang sariling wika, humina ang nasyonalismo. Ang wika ang pag-iisip ng isang bayan at kanyang kalayaan. Pinagtanggol naman ni Basilio na ito'y paraan upang maunawaan, mapaunlad ang pamamahala ng mga Kastila. Ayon kay Simoun, dapat ay sumama siya sa paghihimagsik sapagkat pareho silang tinaksil ng sariling bayan at dumanas ng napakasakit na mga karanasan. Nabatid ni Simoun na hindi niya nakukumbinse si Basilio. Sinabi na lamang niyang kung magbago ang isip ni Basilio at kailanganin ang tulong niya, mayroon siyang bahay sa Escolta. Nagpasalamant si Basilio at umalis. Si Simoun naman, na punung-puno ng kamuhian at paghihimagsik, ay naalala ang kanyang mga pinagdaanan, sina Elias, Don Rafael at Maria Clara.

Kaugaliang Pilipino:

Pagdadalaw sa mahal na yumao na at pagbibigay galang at dasal dito; pagpapahalaga sa utang na loob.
Sakit ng Lipunan:

Ang pagpapaalipin ng Pilipinas sa wikang Kastila, pati sa mga dayuhan; ang pagtanggi sa karapat-dapat na edukasyon.

Mga Tulong Sa Pag-aaral

1. Matatanto sa pag-aakala ni Basilio na ang Kastila ay wikang siyang mag-uugnay sa mga Pilipinong may iba't ibang wikain na isa si Rizal sa mga unang nag-isip sa pangangailangan natin ng isang pambansang wika.

2. Si Ibarra kailanma'y di nakita ni Basilio kundi nang dumating ito sa gubat at makatulong niya sa paglilibing sa kanyang ina. Nang dumating si Ibarra. Di pa nakikita ito ni Basilio, ay nangyari na ang pagtatago niya sa mga guwardiya sibil. Katapusan ng Oktubre nang dumating si Ibarra sa Pilipinas mula sa Europa. Ika-23 ng Disyembre nang maganap ang habulan sa lawa. Dalawang buwang maysakit si Basilio sa gubat sa pagkakandili nina Tandang Selo. Bisperas ng Pasko nang maisipan niyang hanapin ang ina at sila'y magkita ni Ibarra sa unang pagkakataon. Nang magkita sila uli ay sa bahay na ni Kap. Tiyago nguni't si Ibarra ay nagbabalatkayo nang isang Simoun at di nakilala ni Basilio. (Si Basilio ay kilala ni Simoun). Palagi si Simoun kina Kap . Tiyago sa pagkukunwaring isang ganid na nag-aabang ng mamamana sa maysakit na Kapitan nguni't sa totoo'y upang makasagap ng balita ukol kay Maria Clara.

3. Tatlo ang pinag-aalayan ni Simoun ng kanyang paghihiganti

a) Si Don Rafael
b) Si Maria Clara
c) Si Elias-pawang mga sinawing-palad ng lipunang nais niyang iwasak.

Mga Tanong at Sagot

1. Si Elias at Ibarra ay kapwa di kilala ni Basilio noong siya ay isa pa lang sakristan. Paano natiyak ni Basilio na si Simoun ay si Ibarra nang makita sila sa gubat makaraan ang labimpitong-taon?

Tugon

Si Basilio ay matalino at pinag-ugnay niya ang mga pangyayari:

a. Bago namatay ang sugatang lalaki ay nagbilin sa kanya na kung walang darating sa gubat na iyon ay ariin niya ang kayamanang nakabaon sa puno ng balite. Ang dumating ay isang mestiso na ngayo'y siyang humukay sa lugal na pinagbaunan ng kayamanan.

b. Alam ni Basilio na mestiso ang anak ni Don Rafael; ang namatay sa gubat ay kayumanggi.

c. May sugat na taglay ang lalaking namatay. Noon ay nabalitang napatay sa lawa si Ibarra. Nguni't ang mestiso ay walang sugat. Samakatuwid, iyong kayumanggi ang hinabol at pinagbabaril sa lawa, hindi ang mestisong si Ibarra.

2. Bakit di hinukay ni Basilio ang kayamanan sa puno ng balite gayong lagi siyang nasa libingan ng kanyang ina sa loob ng 13 taon?

Tugon

Bilin ni Elias na hukayin niya ang kayamanan at ariing kanya kung walang darating na iba. May dumating-si Ibarra. At nakalimutan na ito ni Basilio. Tangi sa rito, malayo nang kaunti sa puno ng balite ang libing ni Sisa at gabi kung magtungo roon nang palihim si Basilio.

3. Bakit ibinaon ni Ibarra si Sisa nguni't sinigan ang bangkay ni Elias?

Tugon

Ibig ni Basilio na maibaon ang ina. Bilin naman ni Elias na sunugin ang kanyang bangkay.

4. Ani Simoun ay nakabatid si Basilio ng dalawang lihim ukol sa kanya na maaaring magpahamak sa kanya kung ibubunyag ng estudyante. Ano ang mga lihim na ito?

Tugon

a. Na si Ibarra ay buhay pa.
b. Na si Ibarra't si Simoun ay iisa. Ito ay maaaring magpahamak sa kanya at sa balak niyang paghihiganti.

5. Bakit di pinatay ni Simoun si Basilio upang pangalagaan ang kanyang lihim?

Tugon

a. Si Basilio ay katulad din niyang sawimpalad sa pamahalaan at simbahan.
b. Si Basilio ay di makapagsusuplong dahil pinaghahanap din ito ng mga sibil.
k. May mga utang na loob si Basilio kay Simoun tulad ng inamin na rin ng estudyante-pagkapagamot ni Ibarra kay Sisa at pagkahukay ng pinaglibingan nito.
c. Higit na paniniwalaan ng pamahalaan si Simoun kaysa kay Basilio.
d. Kailangan ni Simoun ang kabataang tulad ni Basilio sa balak niyang paghihimagsik. At sa kabataan ay si Basilio ang higit sa lahat na makauunawa kay Simoun.

6. Paano nakapang-aalipin ang isang wika?

Tugon

Kung ang wikang ito ay dating sa isang mananakop, ito ay nagiging sagisag ng kapangyarihan kaya't ito ay pinaghahangaran ng mga sakop dahil katutubo sa tao ang maghangad na tumaas, o tumayog. (Ito'y isa sa mga mikrobyo ng isipang-alipin o Colonial Mentality). Mamaliitin na ng dating sakop ang sariling kanya hanggang sa ito ay tuluyan naising inisin o patayin at buhayin at payabungin ang sa dayuhan. Mga aklat, babasahin, at sineng dayuhan ang kanyang pamumuhay sa pamumuhay ng dayuhan na nababasa at napapanood niya. Pananamit, pagkilos, pagkain, kasangkapan at iba pa. Pagsusulit-sulit: Dayuhan sa sariling bayan.

Sa ngayo'y alipin ng Ingles ang sangkapilipinuhan. Ang salitang imported ay ipinagmamalaki; ikinahihiya ang lokal. Payabangan sa mga ternong Amerikano na di angkop sa klima natin. Pagandahan ng kotse na di kayang gawin sa Pilipinas at gasolina'y tiyak na sa angkat lamang daraan. Paglulupit-lupit: Ang ating angkat (Import) ay laging ibayong malaki kaysa lumalabas na paninda(Export) kaya't unti-unting namumulubi ang bansa at ang kinabukasan ng ating mga susunod na salin ng lahi ay ating ipinaaanod sa baha ng kasalukuyan nating mga bisyo at di maiwasang hilig na masasabing buhat sa pang-aalipin sa atin ng wikang Ingles.

7. Ano ang kapuna-puna sa mga inilarawan ni Rizal na mga tauhang ayaw magsalita ng Tagalog at pangangastila ang pinag-iigi?

Tugon

Mga hindi mahusay magsalita ng kastila. (Donya Victorina, Donya Consolacion).

8. Bakit ayon kay Simoun ay hindi magiging wika na ng kapuluan ang kastila?

Tugon

Anya-ang kulubot ng kanyang isipan at mga pintig ng kanyang puso ay walang akmang katugon sa wikang Kastila. (Paano nga naman masasabi sa ibang wika ang ganito halimbawa: Huwag mong itapon ang lamang gugo at panghilod ng tabo na nasa sulok ng batalan.

9. Ang makabagong kaisipang ukol sa pandaigdig na pulitika ang ipinahayag ni Rizal noon pa man sa pamamagitan ni Basilio?

Tugon

Ang diwa ng Nagkakaisang Daigdig o United Nations. (Ani Basilio ay magiging maligaya lamang ang tao kung ang buong sangkatauhan ay ay ituturing nang mamamayan ng daigdig at ang magtatalumpati ukol sa kagitingan at pagmamahal sa bayan ay ipalalagay na baliw o fanatico) Dahil dito masasabi nating isa si Rizal sa mga unang may diwang pandaigdig o internationalist. Malaki ang pagkakauna niya sa kanyang panahon.  

♣El Filibusterismo♣ ONHOLDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon