Spoken Word Poetry #1

51 3 0
                                    

Noong bata pa ako mahilig ako sa mga paru-paro
Makulay, maganda, kaysarap sa mga mata
Ngunit lahat iyon ay nagbago
Nang malamang nakakabulag daw pala ito
Na para bang pag-ibig
Na sa sobrang pagsunod mo sa'yong puso
Wala nang makita ang mata mo kundi ang iisang tao
Pero hindi, sabi nila ang pag-ibig daw ay bulag
Na ang pag-ibig walang tinitignang antas o kahit na ano pang anyong panlabas
Kung ganun nga bakit may mga linyang "kahit panget ka tanggap kita", "kahit mahirap ka, mahal kita"
Ang pag-ibig kailanman ay di bulag
At ang pag-ibig hindi dapat sinasamahan ng salitang 'kahit'
Nakikita ng pag-ibig ang lahat
Sadyang ito lamang ay mapagtanggap at hindi mapagpanggap
Minsan nga mas masarap pang sabihin ang salitang "tanggap kita" kaysa "mahal kita"
Mas mahirap sabihin na tanggap kita kaysa mahal kita
Nagmahal ka tapos ano na?
Ang pag-ibig ay isang makapangyarihang salita
Pero ito ay hindi gagana kung wala ang mga salitang tanggap kita, naiintindihan kita

Isa pa, apat na salita...
Ay lima pala
"Ikaw lamang at walang iba"
Gusto kong magmura pero wag na kasi mayroong mga bata
"Ikaw lamang at walang iba"
Ang sakit sa tenga
Katumbas ng limang salitang ito ay isang pangako
Na madalas bitawan ng isang tao para lamang mapako
Na para bang wala ka pang anim na buwan sa trabaho ay tinanggal ka na ng yong amo
Na para bang inalok ka ni Oprah na mag-guest sa show niya tapos binawi rin agad ito
Na para bang nagpisil ka ng sili sa suka tapos nakalimutan mong may sugat ka pala sa daliri mo
Na para bang nakagat mo yung dila mo tapos akala mo may nakaalala sayo at pilit mong hinuhulaan at pinapaasa ang sarili mo habang nag-iisip ka ng isang taong malabo namang sa utak niya ikaw ang tumatakbo
Na para bang naghulog ka ng sampung pisong buo sa wishing well sabay usal ng hiling na sana nga tayo at dadamputin lang naman ito ng ibang tao
Gayunpaman hindi pa rin tayo bulag
Malabo marahil ang mga mata
Malabo dahil sa mga luhang nagbabadya na di magtatagal ay aagos sa pisngi, matutuyo at magmamantsa
Masakit at masarap umibig
Hindi nakakabulag ngunit nakapagbibigay linaw
Sa malabo nating pananaw
Patungkol sa pag-ibig na uhaw
Hindi sa tubig kundi sa habang buhay nating tinatanaw

Free VersedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon