Naranasan mo na bang maging crush rin ng crush mo? Yung tipong, mutual feelings kayo? Mutual understanding, ganun?
Ako kasi, oo. Sobrang saya sa pakiramdam. Yung feeling na para kang nasa cloud nine? Yung feeling na para kang nasa duyan tas hinehele ka. Gano'ng feeling. Binibiro-biro ko palang siya no'n eh. Hindi ko akalain na aabot kami sa ganitong punto.
Nakatingin lang ako sakanya habang naglalakad sa gitna ng simbahan. Lahat ng tao ay nakatingin sa akin at nakangiti na para bang tuwang-tuwang sila sa nangyayari ngayong araw. At ako naman, feeling ko prinsesa ako. Ako ang prinsesa na hinihintay ng prinsipe sa altar.
"Selfie lang, than! Dali na!" Pagmamaktol ko sakanya, habang siya naman ay busyng-busy sa pagcecellphone niya.
"Fate naman. Ayoko nga ng nagpipicture. Alam mo naman yun eh. Ilibre mo nalang ako. Dali." Ngumiti naman siya sakin na siyang dahilan kung bakit ako natawa at himpas siya ng pabiro sa braso niya.
"Gago! Libre mo 'to. Dali na kasi, picture lang naman eh."
"Ayoko nga!"
"Psh. Fine. Hahanap nalang ako ng iba."
"Ganyan ka naman eh. Lagi kang may reserba."
"Ay wow. Judgmental ha. Ikaw lang naman 'tong may ayaw sakin."
"Grabe 'to. Crush kaya kita."
At do'n ako napahinto sa kung ano mang ginagawa ko.
"Grabe 'to. Crush kaya kita."
"Grabe 'to. Crush kaya kita."
"Grabe 'to. Crush kaya kita."
Paulit-ulit 'yan nagpeplay na parang sirang plaka sa utak ko, kaya di ko maiwasang mapangiti habang naglalakad ako ngayon. Napatingin ako sa kanya na nakatingin din sa akin habang naglalakad ako... 'yan din yung tingin niya sa akin noon; tingin na puno ng pagmamahal, at pagkamangha.
"Wag ka ng magpaganda. Parehas lang naman itsura mo eh."
"Wow. Parang ang sarcastic mo diyan ah?"
"Sincere yon!"
"Oh? Parang hindi? Grabe sa kagandahan ko."
"Hala? Meron ka pala no'n?"
"Tangina mo." At tumawa siya ng tumawa.
Nasa gitna na ako ng simbahan ng maalala ko 'yan. At muka na kong tanga kasi, natatawa ako na naiiyak sa mga oras na 'to. Panigurado kasi, pagtapos nitong pangyayaring ito, magbabago na ang lahat. Magbabago na ang lahat sa amin. Napatingin ulit ako sakanya, at nakita ko sa mga mata niya na nagaalala siya, nagtatanong kung bakit ako umiiyak. Umiling nalang ako at ngumiti, para hindi na siya mag-alala pa.
Hanggang sa makarating na ako sa tapat niya. Hinawakan niya ang pisngi ko at pinunasan ang luha ko.
"Ang ganda mo parin, kahit na ang pangit mo umiyak." Hinampas ko siya ng mahina sa dibdib kaya naman natawa siya.
"Salamat, than ha? Salamat sa lahat."
"Mahal kita, Fate. At crush parin kita."
At doon na ako napaluha ng sobra. Pinilit kong maging matatag nung mga oras na 'yon. Pinilit kong tignan siya sa mga mata at sabihin ang mga katagang lubos na nagpapasikip ng dibdib ko ngayon...
"Mahal din kita, bestfriend. At crush din kita." Ngumiti ako sakanya, at hinawakan din ang pisngi niya. Hinawakan ko ang kamay nya na nasa pisngi ko parin at dahan-dahan yun ibinibaba. Kinapitan ko 'yon ng mahigpit.
"Sana maging masaya ka. Congratulations on your wedding day."
At saka na ako naglakad papunta sa pwesto ko. Tinignan ko muli si Than habang bumalik na ang paningin niya sa pintuan ng simbahan, kung saan pumasok ang babaeng nagpapatibok ng puso niya. Tinignan ko kung paano ang mga mata niya kumislap habang pinagmamasdan ang babaeng 'yon, at nakita ko rin kung paano tumulo ang luha sa mga ito dala na rin ng kasiyahan sa nangyayari ngayon.
At ako, eto, nananatili sa pwesto ko. Nagpakawala na lamang ng isang ngiti, pinagmamasdan silang dalawa habang unti-unting nadudurog ang puso ko.