***
Masaya. Masayang nagsasayaw sa isang payapa, maaliwalas at magandang paraiso sila Neil at Ella.
Walang iniintindi, walang iniisip.
Tanging ang bawat galaw lang nila ang napapansin ng dalawa.
Magkayakap ang dalawa na tila'y wala ng makakapaghiwalay pa sakanilang dalawa.
Masaya sila sa ganoong posisyon.
Ngunit may biglang dadarating na lalaki.
At ang lahat ay magiging itim na.
***
"Ella, Mahal ko. Napanaginipan nanaman kita. Masaya raw tayong sumasayaw. Ganoon ulit. Magkayakap tayo at masaya. Pero may biglang dumating na lalaki, bigla nang nawala ang lahat. Kailan ka ba gigising, mahal ko? Gustong gusto na kitang maisayaw katulad nung nasa panaginip ko. Gustong gusto ko ng matikman ang luto mo. Miss na miss na kita, mahal ko. Gumising ka na, please."
Kasabay ng paglilitanya ni Neil ang walang humpay na pagtulo ng kanyang mga luha.
Araw-araw na ganyan ang nagyayari sakanya.
Mapapanaginipan ang asawa, at bigla na lang magigising sa madaling araw.
Ang asawa ni Neil na si Ella, tatlong buwan ng nasa coma dahil sa sakit sa puso.
Magdadalawang taon pa lang silang kasal, at hindi pa nabibiyayaan ng anak.
"Mahal ko, lalabas muna ako saglit. Magpapahangin lang ako at magkakape. Babalik din ako kagad. Mahal na mahal kita,"
Pagkahalik ni Neil sa noo ng asawa, nagsuot na siya ng jacket at lumabas sa kwarto ng asawa.
Dumiretso siya sa bilihan ng kape, at nagpunta sa garden ng hospital.
Dito sa garden na 'to, nilalabas ni Neil ang lahat ng sakit na nararanasan niya.
Iniiyak niya lang lahat ng nararamdaman niya hanggang sa abutan na siya ng pagsikat ng araw sa kinauupuan.
Pero iba ngayon. Hindi napansin kagad ni Neil na mayroon palang isang lalaki, medyo may edad na, ang nakaupo sa kabilang parte ng garden.
"Iho, ang lahat ng bagay, may dahilan. Lahat ng nasa'yo, mawawala. Pero hindi ibig sabihin non na hindi ka naging maingat kaya nawala ang mga ito. Isipin mo na lang na kaya may nawawala ay dahil may papalit,"
Hindi maintindihan ni Neil kung ano ang gustong iparating nung lalaki.
Masyado siyang pre-occupied para isipin pa kung ano ang nais iparating nito.
Ang dami niyang iniisip. Iniisip niya kung gigising pa ba ang asawa niya. Malapit na siyang mawalan ng pag-asa.
Pero ayaw niyang mawala lang lahat ang kanyang paghihirap. Kaya kahit anong hirap, tinitiis at ginagawa niya ang lahat, magising lang ang asawa,
"Iho. Wag kang mag-alala. Planado na ang lahat."
At sa huling sinabi nung lalaki, umalis na lang si Neil sa garden.
Hindi na niya hinintay pa ang pagsikat ng araw.
Dumiretso na siya sa kwarto ng asawa.
"Mahal. Alam mo ba. May lalaking kumausap sakin sa garden kanina. Hindi ko alam. Pero nasasaktan ako sa mga sinasabi niya. Mahal, hindi ka naman mawawala di ba? Di ba, gigising ka pa para sakin? Mahal, pangako mo sakin yun di ba? Na gigising ka, magpapalakas ka para magkaroon na tayo ng pamilya. Mahal, umaasa pa rin ako. Kasi mahala kita. Please, gumising ka na mahal."