Chapter 6: Magandang Balita
Written By: Cristina_deLeon
"HAYYY..." Isang malalim na buntong-hininga ang lumabas sa bibig ni Zoey.
"Hoy, Zoey!" Bigla siyang tinapik ni Karen kaya naman napapitlag siya.
"Ano bang nangyayari sa 'yo, friend? Kanina ka pa hinahanapan ng spaghetti ni Aaron do'n sa counter, ah? Bakit parang natutulala ka yata?" sabi ni Karen na kasalukuyang nakabreak pero pinuntahan pa siya sa lutuan ng spaghetti sa likod ng counter para lang pitikin siya.
Nang marinig ang sinabi nito ay agad na niyang nilagyan ng sauce ang pasta sa plato na kanina pa pala niya tinititigan lang. Pagkalagay ng cheese ay ipinasa na niya iyon sa lagayan ng mga spaghetti para makuha na ng nakaassign na counter sa harap.
"Mabuti na lang at walang masyadong tao kaya ayos lang kahit medyo matulala ka riyan. Ano ba talaga ang nangyayari sa 'yo, ha?" nagtatakang tanong muli ni Zoey.
Bumuntong-hininga siya. "Karen, may tanong ako sa 'yo. Naranasan mo na bang... mainlove?" seryosong tanong niya.
Bumunghalit ito ng tawa. "Totoo ba itong naririnig ko sa 'yo o nananaginip lang ako? Ikaw ba talaga ang nagtatanong sa akin tungkol sa pag-ibig? Si Zoey na kahit kailan ay never pang nagkacrush sa isang lalaki?!" pang-aasar pa nito.
"Seryoso ako, Karen. Nainlove ka na ba?" ulit niya sa tanong niya kanina.
Tumigil na ito sa pagtawa. "Maraming beses na. Kaso palagi lang naman akong nasasaktan dahil palagi nila akong pinagpapalit sa ibang babae. Gano'n na yata talaga ang lahat ng lalaki ngayon. Lahat na lang sila, tingin sa ating mga babae ay laruan lang." Nalungkot ang mukha ni Karen saka napabaling ulit sa kanya. "Teka nga, talaga bang inlove ka na? Sino naman iyong maswerteng lalaki na nakabihag sa 'yo? Ang akala ko noon ay tomboy ka, friend. Never ka pang may ikinuwentong lalaki sa akin at ang sabi mo noon, wala kang boyfriend at ni ang magkacrush ay wala kang interes!"
"Ano ka ba, Karen, nagkakacrush din naman ako noon sa mga lalaki pero hindi ko lang ineentertain dahil nga priority ko ang pag-aaral ko. Pero ewan ko ba ngayon, parang iba, e." Bumuntong-hininga na naman siya. Hindi na talaga niya maintindihan ang sarili. Maya-maya na lang niya naiisip kung ano kaya ang nararamdaman niya para kay Angelo.
"Iba, dahil nga kasi inlove ka na! Alam mo, sa tagal na nating magkaibigan ay ngayon lang kita nakitang nagkaganyan. Ano ba kasing problema kung mainlove ka? Bakit ba parang pinipigilan mo pa ang sarili mo?" hindi maintindihan na tanong ni Karen.
"Alam mo naman na priority ko nga na makapagtapos para maiahon sa kahirapan sina inay at itay—"
"Sino ba kasing nagbigay sa 'yo ng idea na pababayaan mo na sila kung magbo-boyfriend ka?"
Natigilan siya.
"Sabihin mo nga sa akin, Zoey, ayaw ba ng lalaking gusto mo sa mga magulang mo?"
Umiling siya. "Kasundo ni Angelo sina inay at itay. Sinabi niya pa nga sa akin na para sa kanya ay parang tunay na magulang na ang tingin niya kina inay at itay, e."
"'Yun naman pala, e, ano pang pinoproblema mo? Bakit ka natatakot sa isang bagay na ikaw lang ang may gawa? You know what, friend. Kilala kita. Alam ko na responsable ka kaya kahit magboyfriend ka ay hindi mo pa rin pababayaan ang pag-aaral mo, ang trabaho mo at higit sa lahat ay ang mga magulang mo. Bakit kasi hindi ka na lang magtiwala sa sarili mo na hindi ka magiging katulad ng ibang kabataan diyan na puro landi at bulakbol lang ang alam? Base rin sa mga pagkekwento mo sa akin tungkol kay Angelo ay nakikita ko rin na parang mabait naman siya. Hindi ka nga niya pinuwersa sa isang relasyon na hindi ka pa handa kahit halata naman na may gusto ka sa kanya. Matagal ka nang nagsusumikap para sa pamilya mo. Hindi kaya oras na para maging masaya ka naman kahit kaunti?"
BINABASA MO ANG
1. Ang Lihim Ng Kahapon
RomansIsang normal na babae na pinalaki ng dalawang unano. Mabibigyan kaya niya ng magandang buhay ang kinalakhang magulang kung makakalaban niya pa sa kayamanan ang dalawang lalaking mag-aagawan sa kanyang puso?
