Salamin

1.9K 33 39
                                    

Mahilig ka bang tumingin sa salamin?

Mahilig ka bang manalamin?

Gusto mo bang pagmasdan ang wangis mo sa salamin?

Pero sigurado ka bang…

 sarili mo nga ang nakikita mo sa salamin?

Bakit hindi mo subukang titigan ang sarili mo sa salamin?

Subukan mo mamayang alas-tres ng madaling araw...

 .........................................

Ang SALAMIN 

Sabi ng lola ko malas daw pagtapatin ang pinto at ang salamin. Hindi ko maintindihan kung bakit. Basta malas daw. Chinese ang lola ko kaya marami syang alam na pamahiin. Hindi naman ako naniniwala sa mga ganung sabi-sabi hanggang sa may magpabago sa mga pinaniniwalaan ko…

Ako si Riss, ang babaeng mahilig manalamin.

Nakagawian ko na ang tingnan maya’t maya ang sarili ko sa salamin. Mas matagal pa nga ako kung tumingin sa salamin kesa maligo o kumain. Pag wala akong ginagawa, tumitingin lang ako sa salamin at gumagawa ng kung anu-anong pwesto na tila nagpapakuha ng litrato. Basta gustong-gusto kong makita ang sarili ko sa salamin. Gusto kong makita ang itsura ko kapag nag-iisip, kapag kumakain, kapag nagbabasa ng libro, kapag wala lang… basta gusto kong makita ang sarili ko. Gusto kong makita kung pano ako nakikita ng mga tao sa paligid ko…

Pangarap kong maging isang modelo o di kaya artista… kaya bata pa lang ako, humaharap na ako sa salamin para magdrama, magmonolog, magrecite ng talumpati, sumayaw, kumanta, rumampa o mag-practice ng kung anu-ano… ang salamin ang nag-iisang saksi sa mga nakakubli kong mga panaginip… ang salamin ang tangi kong kakampi sa buhay… at ang nag-iisang matyagang tagapanood at tagapakinig ko na kahit kailan ay hindi humusga sa akin… Ang salamin ang nag-iisa kong kaibigan.

Bunso ako sa apat na magkakapatid… Natutulog ako sa bahay na karaniwang tuwing gabi lang nagkakatao… Abala ang mga magulang ko sa pagtratrabaho hanggang sabado at linggo. Swerte na kung makita ko sila bago ko matulog at maabutan ko sila sa bahay pagkagising ko sa umaga. Matagal nang hindi nakatira sa bahay namin ang mga kapatid ko. Si kuya Ric, may asawa na kaya hindi samin nakatira. Si kuya Rex, naglayas nung bata pa ko. Hindi ko na sya nakita ulit simula nung umalis sya sa bahay. Sarili nya kasi ang sinisisi nya kung bakit namatay yung isa ko pang kapatid, si ate Rina.

Pitong taong gulang pa lang ako nung namatay ang ate ko. Ako ang sumunod sa kanya pero malayo ang agwat ng edad namin. Hindi ko na halos maalala ang itsura nya. Lahat ng larawan at gamit nya, ipinasunog ni mama nung inilibing sya. Ni hindi binabanggit sa bahay namin ang pangalan nya. Isa syang parte ng kahapong wala nang may gustong umalala.

Isang sabado, walang masyadong assignments sa school kaya naisipan kong maglinis ng kwarto ko. Nagpatulong ako sa maglalaba namin para maglipat ng ilang gamit. Masikip na sa kwarto ko ang tatlong malalaking salamin kaya naisipan ko nang ilipat sa labas yung isa. Nasa dulo ng mahabang hallway ang kwarto ko. Nasa kabilang dulo naman ang isang kwartong syam na taon nang hindi binubukasan.

Naisipan kong ilagay sa kabilang dulo ng hallway yung isang salamin ko. Para sa tuwing lalabas ako ng kwarto at maglalakad ng hallway, makikita ko ang sarili ko. Makikita ko kung pano ako maglakad.

Nung makita yun ng lola ko, nagalit sya. Ipinatanggal nya sakin yung salamin sa kabilang dulo. Wag na wag ko daw pagtatapatin ang pinto at salamin. Hindi daw maganda yun. Hindi ako naniniwala sa mga pamahiin kaya hindi ko sya sinunod. Ilang araw nang nakapwesto dun yung salamin, wala namang nangyayaring kakaiba.

Nakagawian ko na ring pabalik-balik na maglakad sa hallway at panoorin ang sarili ko… Pakiramdam ko isa kong modelong pinanonood ng maraming tao sa tuwing naglalakad ako sa harap ng salaming iyon. Pakiramdam ko maraming nakatingin sakin.

Isang gabi, hindi ako makatulog. Solo ako sa bahay, hindi pa dumarating ang mga magulang ko. Naisipang kong magmemorya ng talumpati sa kwarto ko. Hindi ako ang piniling panlaban ng guro namin pero baka sakaling kapag nalaman nyang mas nauna kong namemorya yung pyesang ibinigay nya kesa dun sa tunay na panlaban, magbago pa ang isip nya at piliin nya ko.

Mag-aalas tres na ng madaling araw, hindi pa rin ako dinadapuan ng antok. Namamalat na ang boses ko ka-prapractice. Lumabas ako ng kwarto ko para kumuha ng tubig. Habang naglalakad ako sa hallway, may naaninag ko sa salamin. Parang may dugo ako sa noo. Lumapit ako sa salamin para mas makita ko ng malinaw.

Nangilabot na lang ako ng sa paglapit ko, nakita kong nakangiti sakin ang imahe ko sa salamin. Nanlilisik ang mga mata nyang nakatingin sakin. Nakangiti sya pero galit ang mga mata nya… Nakatingin sya sakin! Imahe ko ang nakikita ko, pero sigurado kong hindi ako ang nasa salamin.

Sumigaw ako ng sumigaw pero walang boses na lumalabas sa bibig ko. Sa sobrang takot ko, tumakbo ako pabalik sa kwarto ko… naririnig ko ang mga yabag nya… sinusundan nya ko… sinusundan ako ng imahe ko sa salamin…

Nag-iisa ako sa bahay. Hindi ko alam ang gagawin ko nung gabing yun. Ikinandado ko ang pinto ng kwarto ko. Nagtalukbong ako ng kumot. Naririnig ko pa rin ang mga yabag nya, papalapit sa kwarto ko… Umiiyak na ko sa sobrang takot nung mga oras na yun. Nakakarinig ako ng mga katok sa pintuan. Nararamdaman kong malapit na sya… malapit na sya… Lalo pa kong nangilabot ng naramdaman kong bumukas ang pinto ng kwarto ko. Hindi ko nagawang gumalaw sa pwesto ko. Nakapikit lang akong umiiyak habang nakatalukbong ng kumot… Parang may kung anong malamig na hanging humahaplos sakin…

Hindi na ko nakatulog hanggang mag-umaga...

Ilang araw din daw akong tulala simula non. Ikinuwento ko sa mga magulang ko ang nangyari pero hindi sila naniwala sakin… walang naniwala sakin…

Simula noon, hindi ko na ulit nagawang tingnan ang sarili ko sa salamin… nakikilabot ako sa tuwing makakakita ako ng salamin… natatakot ako.

Hanggang ngayon, may mga madaling araw pa ring nakakarinig ako ng mga yabang sa hallway… may mga madaling araw pa ring ginigising ako ng mga katok sa pinto ng kwarto ko. Naaalala ko pa rin hanggang ngayon ang imaheng nakita ko sa SALAMIN…

SalaminTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon