Bulalakaw

732 17 20
                                    

Bulalakaw

Ang liwanag mo, ang kinakailangan ng aking puso.

Ikauna

Ilang taon na ba, buhat nang dumaan ka?

Matagal na ring panahon iyon, di ba?

Hanggang ngayon, umaasa pa rin ako sa muli mong pagbabalik. Na muli kang dadaan kahit sa maikling panahon lamang. Na babagsak kang muli galing sa kalangitan at pinapangako kong hinding-hindi na kita pakakawalan.

Umaasa ako na minsan pa sana'y tanglawan mo ang isang gabing puno ng kadiliman at tuparin ang aking munting kahilingan.

Sa tuwing tinititigan kita, ang tanging pumapasok sa isip ko ay mga pangarap. Mga pangarap na sabay nating hinabi kahit pa tila aso't pusa tayo. Mga punit-punit at tagpi-tagping pangarap sa isang munting tahanan kung saan tayo unang nagkita. Mga musmos na pangako na nagsasabing "Pramis! Peksman! Walang iwanan."

Bigla na namang pumatak ang kanyang mga luha at agad niyang pinahid iyon. Sa kanyang pagbabalik-tanaw ay lagi na lamang siyang napapaiyak. Tumingin siya sa madilim na kalangitan. Ang gabing ito ay kakaiba sa lahat sapagkat pinagkaitan ito ng kaliwanagan. Wala ang mga bituin na siyang nagbibigay buhay at sigla sa gabing iyon. Mga bituing tila ilaw na gumagabay sa tuwing sasapit na ang kadiliman.

Tulad niyon ang buhay ko. Wala nang saysay dahil iniwan na ako ng lahat. At mas lalong nakadaragdag sa sakit ay ang katotohanang inulila mo na ako. Ikaw na tila ilaw na tumatanglaw sa aking mundo.

Hindi ba't ipinangako mong hindi mo ako iiwan? Na hindi mo ako pababayaan. Na lagi ka lamang nandyan sa tuwing ikaw ay aking kinakailangan.

Sabi mo hindi ka magsasawa? Ngunit bakit tila napagod ka na? Iniwanan mo na lang akong mag-isa at kasabay ng iyong paglisan ay tila pirmihang nagdilim ang kalangitan.

Nawala ang liwanag at nawala na rin ang ningning. Nalihis ako sa aking tinatahak na daan, tila nawala sa landas.

Pero alam mo ba yung totoo?

Kahit na nawalan ng direksyon ang buhay ko. Kahit na tila kung saan-saan ako nagtutungo. Alam ko at alam ng puso ko ang daan pabalik sayo. At kahit na pabali-baliktarin man ang mundo, alam kong ang puso ko ay uuwi sa'yo. Ikaw na nagsisilbing himlayan nito.

Oo, ikaw ang pinatutungkulan ko. Ikaw na bituin ko. Ikaw na nagbibigay ng di matatawarang kaligayahan sa buhay ko.

Tila katulad ka ng isang bulalakaw. Napakailap at napakadalang kung magpakita. Napakabilis na tila nawawaglit sa aking mga mata.

Labis na ang pangungulila ko sa'yo. Punong-puno na ng lungkot ang aking buong pagkatao.

Ayaw man ng puso ko ay nakikinita kong nais na nitong sumuko. Tao lamang ako at sadyang napapagod din. Sana nama'y bumalik ka na dahil malapit ng mapatid ang pisi ng aking pag-asa.

Ni hindi ko man lang nasabi sa'yo na buong-pusong iniibig kita.

Ikalawa.

Napatingin na naman ako sa kalangitan. Sa lahat ng panig man ako lumingon ay nakikita ko ang napakaamo mong mukha. Nagdulot ito sa'kin galimgim at pamilyaridad. At sa isang malamlam na diwa ay naalala ko ang isang memorya. Kung saan ikaw at ako ay nananatili pang masaya...

BulalakawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon