Kumusta ang buhay pagkatapos ng isang madamdaming pangyayari sa nakaraan?
Ayun, ramdam pa rin niya ang sakit. Kakaiyak nga lang niya kagabi. Basta bigla na lang tumulo ang mga luha niya. Tuluy-tuloy na umagos sa pisngi niya papunta sa unan niya. Napayakap na lang din siya nang mahigpit sa unan miya. Masakit. Ramdam na ramdam niya pa rin ang sakit ng pagdadalamhati. Tumatagos sa puso ‘yung sakit, ‘yung matinding emosyon na nararamdaman niya kagabi. Hindi nga niya alam kung pa’no siya natigil sa pag-iyak. At hanggang ngayon, masakit pa rin.
Nahihirapan siyang tanggapin ang nangyari. Marami ang nagsasabi sa kanya na kailangan na niyang magmove on at tanggapin ang katotohanan. The truth will set you free, sabi nila sa kanya. Kailangan niyang matanggap na wala na ang taong pinakamamahal niya. Masakit talaga ‘yun at hindi gano’n-gano’n lang ang gagawin niyang pagtanggap sa pagkawala ng mahal niya. Pero pa’no niya matatanggap kung hindi man lang sila nakapag-usap bago mawala ang mahal niya? Iyan naman ang lagi niyang isinasagot sa kanila.
Alam naman ng mga tao ang dahilan kung bakit siya nagkakagano’n. Nakita nila kung ano ang mga nangyari sa kanilang dalawa.
Namatay ang si Yuno, ang lalaking pinakamamahal niya.
Hindi naging madali ang sitwasyon nilang dalawa kasi marami ang tutol sa pagmamahalan nila. Malayo kasi ang agwat ng pamumuhay nilang dalawa. Bago mamatay si Yuno, sinabi niya “Hindi ko pinagsisisihan na nakilala kita, Jen. Sana hindi maging hadlang sa’yo ang pag-ibig na iiwan ko. Ang tanging naging pagkakamali ko lang ay ang hindi kita nailayo sa mundong ating ginagalawan…”
Pagkapikit ng mga mata ni Yuno, tumulo ang kanyang mga luha. Luha ng pamamaalam. Namatay si Yuno sa lugar kung saan sila nagkikita ni Jen. Sa may tulay kung saan nagpropose si Yuno. Doon din sa lugar kung saan nila pinagsaluhan ang kanilang unang halik.
Napakalungkot para kay Jen ng nangyari. Sa pagkamatay ni Yuno, gusto na rin niyang mamatay.
Nang ihahatid na si Yuno sa huli niyang hantungan ay napadaan sila sa harap ng bahay nila Jen. Umuulan noon. Eksaktong pagkatapat nila sa bahay nila Jen ay ang pagtigil ng sasakyan kung nasaan ang labi ni Yuno. Huminto ang makina ng sasakyan na nagdadala nito. Kahit ano’ng pilit ng driver, ayaw umandar ng sasakyan. Nasimulang magbulungan ang mga nakikiramay. Parang ayaw pang lisanin ni Yuno si Jen. Mahal na mahal niya talaga si Jen.
Nakita ni Jen ang nangyayari kaya lumapit siya sa sasakyan. Hinayaan lang siya ng mga tao. Hinubad ni Jen ang suot nya jacket at ipinatong sa ibabaw ng sasakyan. Sabi ni Jen habang umiiyak “Bakit ayaw mo pang umalis? Mababasa ka lang lalo sa ulan. Ikaw pa naman ‘yung klase ng tao na ayaw mabasa dahil madali kang ginawin. Eto ang jacket ko, sana makabawas ng lamig. Sige na, umalis ka na…”
Pagkatapos sabihin ni Jen ‘yun, nakaandar na ulit ang sasakyan. Nag-umpisa na rin ulit na maglakad ang mga nakikiramay. Mabagal ang paggalaw ng paligid ni jen. Nasa gitna siya ng kalsada at umiiyak kasabay ng pagbuhos ng ulan pero iniiwasan lang siya ng mga tao pati ng mga nagdaraang mga sasakyan. Siguro, hinahayaan na lang din siya para ilabas ang sakit na nararamdaman niya. Nakakaawa pero ano naman ang magagawa nila para kay Jen kung si Yuno lang ang kailangan niya?
Hindi na makahinga sa sobrang pag-iyak si Jen. Napakahirap tanggapin ng nangyayari para sa kanya. Si Yuno ang unang pag-ibig niya at ang huling iibigin niya, sana. Kung pwede lang hugutin ang puso mula sa kanyang dibdib, ginawa na niya para lang maging manhid siya sa mga nangyayari.
Sa bawat pagbuhos ng ulan…
Sa bawat pag-ikot ng oras...
Sa bawat paghinga…
Sa bawat pakiramdam…
Sa bawat pagbalik ng mga alaala…
At sa bawat pagtulo ng mga luha, sana makatulong sa unti-unting pagtanggap sa masakit na nakaraan. At sana minsan pang sumilay ang ngiti sa mukha ni Jen tulad no’ng nabubuhay pa si Yuno.