1 Prologue

2.2K 24 1
                                    

Pera.
Money.
Salapi.
Cash.
Datung.
Anda.

Iyan ang laging laman ng isip ko. Gusto kong humiga sa kama ng umaapaw na pera. Gusto kong magkamal ng maraming maraming salapi na sa sobrang dami ay pwede ko ng ipamunas ng pawis ko kapag napagod ako pagbibilang. Maraming maraming pera para magkaroon ng Donya ang simula ng pangalan ko. Gusto kong mabili lahat ng mamahaling alahas hanggang sa masilaw ako sa pagkikislapan nito at naglalakihang dyamante na sa sobrang laki ay mahihiya si Queen Kate kapag nagkatabi kami. Gusto ko ng mga branded na damit na halos kaya ng bumili ng mansion sa mahal. At branded na mga bag na sa mahal ay kaya ng pakainin ng isang taon ang lahat ng batang lansangan sa barangay ko. Gusto ko magkaroon ng hacienda na sa sobrang laki ay hindi ko malilibot, 'yung tipong pwede ako mawala ng isang linggo kakaikot doon, mala-Zobel ang datingan.  At gusto kong magkaroon ng mansyon sa iba't ibang pinakaesklusibong subdivision na aakalain mong isang mayamang celebrity ang nakatira.

Pero pangarap ko lang iyon dahil ang totoo, mahirap pa ako sa daga. Parang manok lang na, Isang kahig, isang tuka, minsan wala pang matuka at puro kahig na lang. Tulog na lang minsan ang katapat ng makalam na tiyan.

Sa pangarap lang ako nagiging mayaman dahil sa totoo ay wala akong pera o alahas, wala akong mamahaling damit o luxury bag. At lalong wala akong sariling bahay. Tanging nakakabit lang sa pangalan ko ay hindi Donya Corrine kundi Dancer Corrine.

Ang tanging meron lang na maipagmamalaki kong tunay ay ganda. Ganda lang ang panlaban ko talaga. Magandang mukha, makinis na balat at magandang katawan at talentong 'di naman kaiga-igaya. Talento sa pang-aakit at pagsasayaw. Iyon lang.

Nakuha ko sa amerikanong tatay ko ang aking panlabas na kaanyuan, samantalang nakuha ko naman ang talento ko sa paggiling sa ina kong dancer sa club. Hindi ko na nakagisnan ang ama ko, ang ina ko ay namatay naman isang taon na ang nakalilipas dahil sa lung cancer. Marahil dahil sa usok na nalalanghap nito sa cheap na bar na sinasayawan nito gabi-gabi.

Highschool lang ang natapos ko. Nung panahon kasing magkokolehiyo na sana ako ay nagkasakit naman si nanay. Pabalik-balik kami sa ospital. Nagkalubog-lubog sa utang. Noong namatay si Nanay ay hindi ko alam ang gagawin ko noong panahong iyon. Wala akong pera. Puro utang lang ang meron ako. Walang pamburol, walang paghuhukayan at walang pwesto sa sementeryo. Sa mga donasyon lang ng mga kapitbahay ako umasa. Nagkapatong-patong ang utang ko kay mamasang Joan at sa arabong nagpa-five-six dito sa amin. Hanggang sa umabot ako sa panghihiram ng pera na may malalaking interes.

Sa kagipitan ay pumasok ako kay Madam Ferly. Ipinakilala ako ni mamasang Joan kay Madam Ferly bilang dancer. Siya ang may-ari ng may pagka-high end na club na pinagtatrabahuhan ko ngayon. Siya ang nagpautang sa akin ng malaking pera para maiburol si Nanay at ang pera na pambili ng pwesto sa sementeryo. Na hanggang ngayon ay binabayaran ko pa din ang pagkakautang kong iyon. Masasabing mayaman ako sa utang sa dami ng aking binabayarang tao.

Kung pagbibigyan sana ako ng langit ay ayokong maging tulad ni nanay pero ewan ko ba kung bakit sa paggiling din sa entablado ang kinahinatnan ko. Hindi naman ako matalino para makakuha ng scholarship para ipagpatuloy ang pag-aaral ko kaya kumayod na lang ako para mabuhay. Noong una ay pinilit ko namang maging iba ang landas ko. Pumasok ako bilang dishwasher, sweeper, promodiser, waitress, fastfood crew, cashier at kung ano ano pang pwedeng raket na ikinabuhay ko sa sarili ko pero hindi pa din pala sapat. Kumulubot man ang kamay ko kakasabon ng pinggan, bumaluktot man ang likod ko kakawalis at magpagod man ako ng magpagod kaka-serve ng pagkain sa fastfood, ay kulang na kulang pa din iyon para mabayaran ko ang malaking pagkakautang ko kay mamasang Joan, Madam Ferly, kay Abdul Hashikik at sa sindikatong pwedeng kunin ang laman loob ko ano mang oras kung hindi ako makakabayad buwan-buwan.

Kaya sa huli ay tinanggap ko na ding sumayaw. Atleast sa gabi ay mabilis ang pagti-tip ng pera kapag nagustuhan nila ang giling ko at sa araw naman ay pwede pa akong kumayod bilang waitress at promo girl.

Ang regular kong trabaho ngayon ay waitress sa may sinabi namang restaurant sa Makati, nagkakaraket minsan sa mga car show at pagdating ng gabi ay exotic dancer sa isang medyo high-end club. Minsan nagpa-private lap dance kapag sinuswerteng may kliyenteng bigtime. Isa ako sa mga tinatawagan kapag kailangan ng sasayaw sa bachelor's party at minsan ay rumaraket din bilang back-up dancer sa mga pasayaw sa bara-barangay. Iyong mga tinatawag na pasayaw ni mayor na dapat laging pekpek shorts at may palaro sa mga nanonood ng isang malanding lap dance.

Pero kahit ganito ako ngayon, mataas naman ang ambisyon ko. Sa sobrang taas nga ay palagay ko ang hirap ma-reach pero ang kagandahan lang sa akin ay hindi ako nawawalan ng pag-asa. Pag-asa na yayaman ako. Tiwala lang at syempre sikap at pagkakataon. Na isang araw ay magagawa ko ding magkamal ng limpak-limpak na salapi at magpapagulong-gulong ako sa walang katapusang pera.

At binigyan nga ako ng langit ng pagkakataon na makamit ang aking pinapangarap. Ang magpakasal sa isang mayamang lalaki. Parang isang regalo ibinagsak sa aking harapan na napakadaling sunggaban. Milyonarya in an instant. Pero hindi ko inaasahang ang abot kamay kong pagyaman ay magagawa kong talikuran dahil lang sa isang...

Pag-ibig.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 07, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Tainted LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon