Di maiwasang mapatingin ng mga taong dumaraan sa mga bumabang pasahero ng traysikel na nakaparada sa tahanan ng dating alkalde ng bayan. Ganon naman talaga rito sa bayan namin kapag nakakita ng mga dayo rito sa isla.
Isang Amerikano ang bumaba at inalalayan ang sumunod, ang kanyang asawa na si Ma'am Mabel, sa palagay ko'y anak ng dating mayor Manlogon.
At ang panghuli, ay isang dalagang may nakabibighaning kagandahan."Kagawad, kagawad!..." aking pagtawag sa napadaang si Kagawad Del Moro.
"Oh, Gibo."
"Kagawad, sino yung mga yun ay?"
"Yun mandin ay ang Ma'am Mabel na nakapag asawa ng porener."
"Ay iyon?" Tanong ko nang bahagyang tinuro ang dalaga.
"Yung anak niya. Yung apo ng Manlogon na kinuhang arkitekto na aayos nung kapilya sa may Pambuhan. Si Teyang. Di ba kala-kalaro mo lang siya nung bata pa kayo?"
Si Teyang.Si Teyang. Siya nga. Paano ko naman siya hindi malilimot kung siya ang unang nagpatibok ng aking puso.
Hindi ko malilimutan noong una ko siyang makilala. Pitong taong gulang pa lamang ako, at siya naman, anim na taon. Nababakas sa kanyang marikit na mukha ang takot at paghangos sa pagtakbo mula sa mga askal na humahabol sa kanya. Ako naman, kakatapos lamang mangakyat ng mga bungang bayabas sa di kalayuan at papedal na sana paalis, nang ang batang babaeng iyon ay biglang umangkas sa likuran ng aking bisikleta.
"Magpedal ka na, bilis!!" Sigaw niya sa tainga ko.
"Anong—..."
"MAY ASO!"
Lumingon ako sa likod at nakita ang limang asong ulol na paparoon sa amin, kaya't walang tumpik pa't mabilis akong nagpedal paalis sa aming kinaroroonan. Nang mapansin kong wala na sa aming likuran ang mga askal, marahan akong prumeno at tumabi sa tulay na kalsada pasaka.Nagambala ang aking pagmumuni nang muli kong nakita ang kanyang magandang mukha, nababakas ang takot at paghangos sa pagtakbo patungo sa akin. At muli, hinahabol siya ng mga askal. Ano baga itong babaeng 'to?
Mabilis kong tinanggal ang mga sako ng kopra na karga ng aking motor at dali-dali siyang umangkas.
"Quick, drive!" Sigaw niya sa tainga ko. At matulin kong pinaandar ang aking motor palayo.
Naninigas ang aking buong katawan sa dama ng kanyang mahigpit na pagkakaakap sa akin na halos di ko na mapadyak ang clutch ng motor.
Itinabi ko ang motor sa tulay na kalsada pasaka. Malayo na kami sa mga askal na tumutugis sa amin.
"Ayos na. Wala nang mga aso."
Bumitiw siya sa pagkakaakap sa akin. Sana'y di ko na lamang pala sinabi.
"Thank you. For saving me." Tugon niya. Tumango na lamang ako. Inglesera na pala siya ngayon.
"What's your name?" Tanong niya sa akin.
Nilimot na niya ako. Tulad ng paglimot niya sa kanyang sariling wika.
"Gilbert." Tugon ko. Madalas, Gibo ang tawag sa akin, ngunit sa pagkakataong ito, hindi ko alam kung bakit ang aking tunay na pangalan ang naibigay ko.
"Well, Gilbert, it's nice to meet you. I'm Althea Fielding."
Tumango akong muli. Pati ang pangalan niya ay mala-banyaga na rin.
"Uh, Gilbert. I know we've only just met, but can I ask you a small favor? Just a trifle I promise you. Can you take me to the San Isidro Chapel in Pambuhan?" Pakisuyo niya.
Wala na akong maitugon kundi mga pagtango at kaunting Ingles na nalalaman ko. Hanggang Grade 4 lamang ang natapos ko at doon ko napagtanto na tama pala ang bawat paalala ng aking guro noon kung gaano kahalaga ang mga aralin na kanyang tinuturo at mismong pagkakaroon ng edukasyon. Subalit ayon nga, nasa huli ang pagsisisi.
Nakarating kami sa sinaunang kapilya ng Pambuhan. Kapansin-pansin ang napabayaang sukal at pinsalang natamo nito sa hagupit ng bagyo noong nakaraang taon. Kung tutuusin wala na itong pag-asang maayos pa, kung kaya't nakapagtataka na balak pa itong isalba ng amang Manlogon.
Bumaba siya sa aking motorsiklo at ako'y kinamayan.
"It was nice to meeting you, Gilbert. Thanks for the ride." Ani niya, sabay tumambad ang kanyang matamis na ngiti sa kanyang mga labing kulay rosas.
Hindi ko maiwasang mapatanga na lamang sa kanyang kagandahan, tinatanaw ang bawat hakbang na kanyang tinatahak sa masukal na kapilya.
YOU ARE READING
THE RAINS OF TAMARIND AND OTHER STORIES
Short StoryIt is an anthology of short stories of different settings and genres written by yours truly, mam_unique. Enjoy stories of love and romance, suspense and thriller, action and fantasy, all in one sitting. Let your imaginations take flight as th...