Umiihip lang ito na para bang sa kaniya ang mundo.
Sa mga araw ng saya, lungkot at galit, nariyan siya na para bang libreng manghimasok sa ating buhay.
Ngunit minsan, kung kailan kailangan natin ito, saka naman mawawala.
Mawawala na para bang hindi ito dumating.
Darating ngunit mawawala rin naman agad.
Minsan nasa punto ito na hindi lang sa'yo umiihip ang hatid niya.
Minsan may mga bagay na pinaglalaban pero may mga bagay din na kailangang hayaan nalang.
Dahil minsan alam mong masasaktan ka lang kapag ipagpipilitan mo pa ang sarili mo sa isang taong pinagpalit ka na sa isang bagay na mas ikakasaya niya.
Masaya pa ako nang wala ka sa aking tabi dahil akala ko kaya kong harapin ang mga pagsubok sa buhay na mag-isa.
Pero mas may isasaya pa pala ako kapag nakilala na kita.
Araw-araw akong gumigising, sanay na wala ka pa sa aking tabi.
Mabigat ang loob sa pagpasok sa aming eskwelahan sapagkat sa mga panahong iyon, ang aking higaan pa lamang ang pinakaimportante sa'kin.
Ngunit hindi nawala sa aking isipan na sana mahanap ko na yung taong makakaintindi sa akin ng lubusan.
Yung taong kayang tanggapin kung ano ang meron ako.
Kung ano lang ang meron ako.
Yung tipo ba na daig na namin ang magkadikit dahil hindi mapaghiwalay.
Na siya na ang masasabi kong perfect someone sa buhay ko.
At nakilala kita.
Hindi ko akalain na kahit napakaimposible ng aking kahilingan ay pwede pa rin palang magkatotoo.
Pinagkatiwalaan kita at pinagkatiwalaan mo rin ako.
Parang ikaw ay ako at ako ay ikaw.
Dumating sa punto na palagi tayong napagkakamalan na merong namamgitan sa'tin.
Pero sinasakyan lang natin ang mga sinasabi nila dahil alam nating may limitasyon pa ring namamagitan sa ating dalawa.
Oo, masaya pa tayong dalawa noon.
Isang taon palang tayong magkakilala pero parang ang tagal mo ng dumating sa buhay ko.
Isang taon tayong magkakilala at sapat na yun para masabi kong tayo ang para sa isa't-isa.
Na hindi mo ipagpapalit ang pagkakaibigan natin sa kahit kanino.
Na kahit may humarang man sa ating relasyon, pipiliin mo pa rin ang tayo.
Pero nagkamali ako.
Nalaman ko nalang isang araw na nanggaling mismo sa iyong bibig, may napupusuan ka at balak mo siyang ligawan.
Ayos palang tayo nung una pero bakit hinayaan mong lumalala?
Halo-halong emosyon ang naramdaman ko.
Masaya dahil mukhang nahanap mo na ang babaeng kaya mong seryosohin.
Malungkot dahil alam kong mababawasan ang oras na magkasama tayo.
At kaunting galit dahil hindi man lang sumagi sa iyong isipan na pwede palang maging tayo.
Pero alam mo kung anong pinakamasakit na ginawa mo sa'kin?
Hindi yung dahil may napupusuan ka na pero dahil handa kang putulin ang pagkakaibigan natin para lang sa kanya.
Parang kailan lang nung sinabi mo na kapag papipiliin ka ng magiging nobya mo, kung ako ba o siya, pipiliin mo pa rin ako.
Dahil sabi mo, hindi ako mapapalitan ng kung sino man.
Bigla mo akong iniwasan.
Pati komunikasyon natin, pinutol mo.
Nawalan ako ng koneksyon sa'yo at sa lahat ng social accounts mo.
Kaya hindi na ako nakatiis pa at kinausap na kita ng masinsinan.
Masakit pala na manggaling mismo sa'yo na ayaw mo na sa'kin at kalimutan ko na ang mga pinagsamahan natin dahil pinagseselosan ako ng nililigawan mo.
Partida.
Nililigawan mo palang siya pero atat na kayong mawala ako sa buhay mo.
Hindi ako makaimik.
Dahil ano nga ba naman ang laban ko sa kanya?
Isa lang naman akong hamak na kaibigan lang.
Ang tanga mo.
Mali.
Ang tanga-tanga ko.
Pero dahil sa ginawa mo?
Handa na kitang pakawalan.
Ang sakit na malaman na option ako sa buhay ng iba at hindi posibleng mapili man lang.
Hindi ko akalain na masisira lang tayo ng pag-ibig.
Hindi ko alam na kaya mo akong bigyan ng ganitong sakit sa loob.
Magkaibigan lang naman tayo pero bakit sobrang nasasaktan ako?
Pinagkatiwalaan kita.
Maski mga sikreto ko, sa'yo ko lang sinabi.
Dahil naniwala akong hindi mo ako iiwan gaya ng pang-iiwan sa'kin ng mga kaibigan ko rati.
Mahirap akong magtiwala.
Alam mo yan.
Kaya sa susunod, hindi ko na maipapangako pang maibabalik pa tayo sa dati kung sakaling matauhan ka na.
Dahil para ka bang isang hangin na bigla nalang umiihip ng malakas sa mga araw na kailangan ko ng karamay.
Ngunit agad lilisan kapag nakahanap na ng ibang pwedeng ihipan nito.
Isa kang hangin na minsan ko lang maramdaman at mahirap makita o makapiling man lang.
Dahil isa kang hangin na hindi permanenteng umiihip sa aking buhay.
Hangin na biglang lalamig hanggang ako na mismo ang kusang bibitaw kahit anong kapit ang gawin ko.
Dahil kahit anong kapit ko, hindi na ito iinit pang muli sa piling ko.
YOU ARE READING
ENTRIES OF SECRETS
Lãng mạnAll rights reserved. This book or any parts thereof may not be reproduced, distributed, or used without the author's permission, except for using brief quotations in a book review. The characters in this book are entirely fictional. Any resemblance...