Huling Kabanta ng Ating Istorya

622 54 12
                                    

**-**-**-**-**

Panulat at papel ay muling pagtagpuin
Mga salitang galing sa puso'y handa ng buuin.
Pagpasenyahan mo na kung malabo man ang mga titik
Dulot ito ng mga luhang 'di kayang pigilan sa sobrang sakit.

Gusto kong ngang murahin ang sarili ko sa paggawa nito,
Bakit ko pa isinusulat kung 'di ko siguradong may pakialam ka sa nilalaman nito?
Ngunit nasimulan ko na at sa totoo lang, mahirap nang huminto
Kaya sana mabasa mo upang iyong malaman kung bakit mga mata ko ay ilang gabi ng mugto.

Huwag kang mag-alala, una at huling sulat ko na ito sa'yo
Dahil sa pinakahuling tuldok dito ay matatapos na rin ang salitang tayo.
Oo, ito ang huling kabanata ng ating istorya -
Ang huling pahina bago ako tuluyang magparaya.

Kaya pakinggan mo kung bakit kuwento natin ay isasara
At kung paano'ng ang noo'y buo kong puso ay biglang nasira.

Mahal, hindi ko maintindihan
May ilaw ka na naman pala, bakit kandila ay iyo pang sinindihan?
Para ba 'pag namatay 'yon ay siguradong 'di ka mababalot ng dilim?
Na kapag iniwan ka niya, may liwanag ka pa rin mula sa akin?

Gusto ko sanang isipin na mali lang ang aking akala
Inaalala lahat ng pagkakataong binulong mo sa'kin na ako ang iyong tanging tala.
Pero hindi mo ba napapansin na lumalapit ka lang sakin tuwing gabi
At sa muli niyang pagbabalik ay ako nama'y iyong isinasantabi?

Pangalawa, ako ay nagtataka
Sa tuwing ika'y tumitingin sa aking mga mata
Ako nga ba talaga ang iyong nakikita?
O siya pa rin ba na iyong sinisinta?

Gusto ko sanang maniwala na ako ang dahilan ng kislap ng 'yong mga mata
Na mga titig mo'y sumasambit ng tula ng isang nagmamahal na makata.
Kaso bakit tila mga mata ay may ibang hinahanap?
Hindi mo ba makita sa'kin ang babaeng iyong pinapangarap?

Pangatlo, ako ay naguguluhan
Bakit sa tuwing ako'y yayapos ika'y kumakawala ng dahan-dahan?
Mahigpit ba ang pagkakayakap ko kaya ikaw ay nasasakal?
O ayaw mo lang dahil 'di naman talaga ako ang iyong minamahal?

Gusto sana kitang intindihin na dulot lamang ito ng mahabang araw
Na kapag nahimasmasan ka na, init ng yakap mo ay mag-uumapaw.
Subalit naalala ko, 'di mo pala ako kailanman nayakap nang mahigpit
Naibuhos mo yata lahat no'ng mga panahong pinilit mong sa kanya ay kumapit.

Pang-apat, ako sayo ay may tanong
Ayaw mo na bang makinig sa mga kwentong aking binubulong?
O nagsasawa ka na ba sa aking tinig
Kaya ni isang pantig wala na ako sa'yong marinig?

Gusto kong balik-balikan ang mga katagang noo'y iyong sinasabi
Boses ko ay sobrang tamis, 'di mo magawang umalis sa'king tabi.
Ngunit tila 'di naman ako ang musikang nais mong ipatugtog,
Dahil boses niya pa rin ang pinapakinggan mo hanggang sa pagtulog.

Pang lima, ako ay nahihirapan nang ngumiti
Sa mga salitang iyong pinagtatagpi
'Mahal kita, nami-miss kita'... palagi mong sinasabi
Pero bakit tila napipilitan lang ang iyong mga labi?

Gusto kong panghawakan mga matatamis na salitang bukambibig
Umaasang sana totoo ngang ako ang iyong iniibig.
Subalit bakit sa tuwing sumasagot ako ng 'Mahal rin kita'
Imbes na saya, lungkot ang nababasa ko sa iyong mga mata?

Pang-anim, ako yata ay sanay na
Sa tuwing nakakalimutan mong may pinangako ka nga pala.
Nawaglit lang ba talaga sa iyong isip dahil naging abala ka
O baka naman dahil 'di ako kasing halaga niya?

Gusto ko mang magbakasakali na isang araw tutuparin mo rin
Mga pangako mong sabi nila'y dadalhin lang ng hangin
Ngunit napagtanto kong 'di mo na kailanman iyon gagawin
Kung maski pagkikita natin sinadya mong kalimutan para lang siya ay dalawin.

Pang-pito, hindi ko na kayang unawin
Mga kilos mong kasalungat ng lahat ng iyong sabihin.
At kahit anong pilit, mga dahilan mo ay hindi ko na kayang paniwalaan
Lalo na't alam kong ang sagot ay siya lang ang sa puso mo'y nilalaman.

Gusto kong magbulag-bulagan sa lahat ng babalang pinamumukha sa akin ni tadhana
Maniwala na mahal mo ako tulad ng sabi mo sa tuwing ako'y hinaharana.
Pero noong gabing nakita kitang pinagmamasdan siya sa entabladong kanyang sinasayawan
Napangiti nalang ako nang ang kamay kong hawak-hawak mo... ay tuluyan mo ng binitawan.

Sa isang gabi lang, nasagot lahat ng aking katanungan.
Ang namamagitan sa atin ay isa lang palang malaking kasinungalingan.
At sa isang gabi lang, napagtanto kong sobrang tanga ko.
Akala ko mahal ako, 'yon pala panakip-butas lang ako.

Sa gabing 'yon, pinilit mo pa siyang abuting muli-
Ang pangarap mong minsan naging sa'yo pero iniwan ka rin sa huli.
Nakalimutan mo pa ngang ako ang nasa iyong tabi.
Hinanap mo lang ulit ako nang sa iba nya inalay ang kanyang matamis na labi.

Nakita ko ang sakit sa likod ng iyong pag ngiti
Kahit sa malakas mong pagtawa ay bakas ang pagdadalamhati.
'Gan'on mo ba siya kamahal?' gusto ko sanang itanong sa'yo
Subalit, mga paa ko ay kusa nang tumalikod at tumakbo palayo.

Iniisip ngayon ng lahat na ako ang nang iwan
Na ginusto ko ang desisyong ikaw ay bitiwan.
Kung pwede ko lang ipagsigawang 'Oo, ginusto ko'
Pero pa'no, kung ang totoo ikaw mismo ang nagtulak sakin para sumuko?

Alam mo higit kanino man na minahal kita
At kahit sa mga oras na 'to ay ikaw pa rin ang sinisinta.
Ngunit sinasabi ko sa'yo hanggang dito na lang talaga
Oo, mahal kita pero ayoko ng maging tanga.

Mahirap na kasing ituloy ang kuwentong hindi pala ako ang bida
'Yong tipong sa araw-araw itatanong mo pa kung parte ka pa ba ng buhay niya?
Baka kasi magising nalang ako, hindi mo na pala kailangan ang aking mga halik
Kasi nandiyan na ulit ang hinihintay mong bumalik.

Alam ko namang walang kasiguraduhang babalik pa siya sa'yo.
Ang tanging nasisiguro ko lang ay ang papel ko sa buhay mo -
Isang pain killer habang wala pa ang happy pill mo,
Isang payong na tagasalo ng ulan habang ang araw mo ay nagpakalayo.

Rebound lang ako at naiintindihan mo ba kung ga'no yon kasakit?
'Yong tipong mababaliw ka na sa sobrang dami mong 'Bakit?'
Mapapamura ka pa sa harap ng salamin
At itatanong sa sarili, 'Ano pa bang kulang sa akin?'

Pero wala eh, gan'on talaga.
Hindi mo mapipilit ang isang taong makita ang iyong halaga.
Kahit ipagduldulan mo pa sa kanya ang pagmamahal mo
Hinding hindi magiging sapat iyon kung iba ang kanyang gusto.

Kaya 'wag na nating pahabain ang kwentong alam na natin ang katapusan
Hindi mo na rin kailangang sumagot dahil wala na tayong pag-uusapan.

Salamat nalang sa mga masasayang alaalang minsang nagtagpi sa'ting dalawa.
Salamat dahil kahit nasasaktan ako ngayon ay minsan mo rin naman kong pinatawa.
Salamat dahil dumating ka sa buhay ko
At higit sa lahat, salamat sa pagkakataong ibinigay mo sakin na mahalin ka kahit iba ang tinitibok ng puso mo.

Panulat at papel ay bibitawan na
Mga salitang galing sa puso ay nabuo na.
Pagpasensyahan mo na kung malabo man ang mga titik
Dulot ito ng mga luhang balang araw ay tutuyo rin kasabay ng pahilom ng nararamdamang sakit.

**-**-**-**-**

Huling Kabanata Ng Ating Istorya (POEM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon