-I-
Ito na ang panglabindalawang beses na lumipat kami mula noong 8-years old ako--mula nang mamatay si Mom.
Sabi ni Dad, kaya raw kami palipat-lipat ng tirahan kasi kailangan niya ng inspirasyon. Novelist kasi siya. Minsan, nagtataka pa rin ako kung 'yon nga ang dahilan.
Hindi naman sikat na writer ang Dad kong si Marcel Rayne. Mahigit 500 copies pa lang ng latest book niya ang nabebenta. Hanggang ngayon, naghihintay pa rin siya ng big break na feeling ko malabo nang mangyari. Mas maraming beses pa kasing ni-reject ng mga publishers ang mga nobela niya kesa sa lahat ng daliri ko. Sabi kasi nila, masyadong morbid daw.
Kaya para kumita ng pera, naggo-ghost writer si Dad. Siyempre, kulang pa rin 'yon. Kadalasan tuloy, kung kani-kanino nangungutang si Dad. 'Pag hindi na siya makabayad, lilipat na naman kami para matakasan sila.
"Sa taas ang kwarto mo," sabi ni Dad habang ibinababa ang mga bag sa sala ng bago naming tirahan.
As usual, tumango lang ako. Hindi naman talaga kami nag-uusap ni Dad kahit noon pa.
Maraming nagsasabi na hindi kami magkamukha. Sa lahat naman ng pwede kong makuha, 'yong buhok pa niyang dark brown, wavy at hindi tinatablan ng suklay ang namana ko. Maputla kasi siya halos hindi na nasisikatan ng araw lalo na 'pag nakaharap na sa laptop niya. Hindi naman siya katangkaran pero mukha siyang poste dahil sa kapayatan. 38 lang si Dad, pero mukha na siyang 50 plus. Lagi kasing nakakunot ang noo.
Pinagmasdan niya ang kabuuan ng bahay. Nang mahagip niya 'ko ng tingin, umiwas agad siya at bumalik sa pick-up truck para kunin ang natitira naming gamit.
Malaki ang bahay. Gawa sa mahogany ang dingding at sahig. Bagama't luma ay mukhang mamahalin ang mga furniture. May fireplace pa.
Makapal na alikabok ang sumalubong pagpasok ko.
Sa kanan ang kusina. Pale yellow ang mga kurtina na nakatakip sa maduming salamin ng bintana. Halos walang laman ang kusina bukod sa stove, oven at nangangalawang na ref.
Hindi naman sa nagrereklamo ako. As if naman kaya naming bumili ng mas maganda pa dito. Hindi ko nga alam kung pa'no nabayaran ni Dad ang bahay na ganito kalaki.
Paakyat na sana ako nang biglang bumukas ang pinto ng hanging cabinet.
Muntik na'kong mapasigaw. Wala naman kasing tao. Sarado rin ang mga bintana kaya imposibleng hangin lang 'yon. Nagtayuan tuloy ang mga balahibo ko. Parang lumamig ang paligid. Gusto ko mang magtatakbo palayo, para namang napako sa sahig ang mga paa ko.
May narinig akong mga yabag galing sa likuran ko.
Pag-ikot ko, nakita ko si Dad. Dala niya 'yung mga skull sculptures na ginagamit niyang bookstand.
"Ba't parang nakakita ka ng multo?" tanong niya.
"Multo?" Tumawa ako. "Ano 'ko, three-years old?"
Saka ako nag-walk out.
Ayoko talaga ng mga usapang multo at nakakatakot na bagay. Pero si Dad, kulang na lang gawing horror house ang bahay namin. Kahit saan kami makarating dala pa rin niya 'yung mga skull at monster sculptures niya. Pati na 'yung mga librong tungkol sa witchcraft, lycantrophy at spirits. Kaya nga siguro napili ni Dad lumipat kami sa lugar na 'to.
Ashland, Pennsylvania.
Mga ilang kilometro lang siguro ang layo ng bahay na 'to sa ghost town ng Centralia. Bakit ghost town? Halos wala na kasing nakatira ro'n.
Napanood ko sa YouTube na maraming malalaking butas sa lupa kung saan lumalabas ang makapal na usok. Sabi nila, may nasusunog daw sa ilalim ng lupa. Sabi ng mga scientists, fossil fuel. Sabi ng mga mapamahiin, baka daw gateway to hell.
Ang maganda lang sa paglipat namin, hamak laki ng kwarto ko kesa sa dati kong kwarto sa apartment namin sa Boston.
Nababakbak na ang wallpaper at umiingit ang mga floorboard 'pag lumalakad ako. Sobrang luma na kasi.
Binalibag ko sa lumang bed ang backpack ko habang pinipilit na hindi maiyak. 26 times nang nagri-ring ang phone ko. Malamang si Rose o si Madison ang tumatawag. O baka si Brian. Sila 'yung mga friends ko sa dati kong school--kung matatawag man na 'friendship' ang pagkain ng sabay-sabay tuwing lunch break.
Sinuman 'yan, wala akong balak sagutin.
Kung bakit kasi lipat kami ng lipat. Ang hirap kasing makipagkaibigan tapos iiwanan mo lang din pala. Sa katagalan, natutunan ko na ring ilayo ang sarili ko sa ibang tao. Natutunan ko nang mag-isa. 'Yon lang ang paraan para hindi ako masaktan ng ibang tao.
Tatlong taon kaming tumira sa Boston, pinakamatagal na record namin ni Dad. Akala ko talaga, hindi na kami lilipat. Pero isang gabi, inutusan na lang niya 'ko na mag-empake nang wala man lang paliwanag.
Umalis kami nang madaling araw, na para bang may tinatakasan. Tapos ilang weeks din kaming nagbyahe.
Wala nang paa-paalam. Walang ni-ha, ni-ho.
Mas okay na rin 'yon. Wala nang mga kakornihan. Basta, nawala na lang kami ni Dad gaya ng ginagawa namin dati no'ng eleven times kaming lumipat.
Siguro, hahanapin din nila 'ko ng ilang araw, ilang linggo. Pero 'pag tumagal, malilimutan din nila 'ko na para bang hindi ako nag-exist.
Namaluktot ako sa kama. Ayoko talagang umiyak. Pero ayoko rin ng palipat-lipat. Ayoko sa bahay na 'to. Sa lugar na 'to. Ayoko na ng ganito.
Nagulat ako nang biglang umingit ang sahig na para bang may tumakbo papunta sa bintana. Weird. Hindi ko naman binuksan 'yon.
Bumangon ako.
Medyo madilim. Pero may konting liwanag na nanggagaling sa poste ng ilaw sa labas. Kinilabutan ako. Pakiramdam ko may mga matang nakamatyag sa'kin.
Parang may nakita akong anino sa madilim na sulok ng kwarto pero paglapit ko, wala namang kahit ano do'n. Siguro, namalik-mata lang ako.
Namalayan ko na lang, hinihika na naman ako. Kinuha ko ang inhaler, saka nagtalukbong ng kumot. Takot na takot ako at wala akong maisip kundi sana, sumikat na ang araw.
BINABASA MO ANG
Reapers Trilogy (Tagalized)
FantasyI'm Aramis Rayne. Seventeen. Forever. Isa akong personal assistant. Pero mas complicated ang job description kaysa sa iniisip mo. Gano'n siguro talaga kapag ang anak ng Grim Reaper ang boss mo. Lahat magiging status: "It's Complicated". And it start...