Tulad ng Isda sa Aquarium (Isang Sakay Pa-San Antonio 2)

335 5 0
                                    

“Nasaan na ba ‘yung green shirt ko?”

Hindi talaga kita gaanong iniintindi. Wala akong pakialam sa ‘yo ngayon kahit aalis ka ng bahay sa ganitong dis-oras ng gabi. Nakatuon ang atensyon ko sa patay na black moor goldfish na nakalutang sa tubig ng aquarium habang labas-masok ka sa banyo at kuwarto nang nakatapis lang ng tuwalya. Lamog at tabingi na ang mukha nito, lumuluwa na ang mga mata. Para siyang pinagtulungang pagbubugbugin ng mga kasama niyang apat na black moor goldfish na patay na rin at nasa ilalim ng mga artificial sea plant at lumabas na ang mga tinik.

Bakit hindi mo pa pinapalitan ang tubig niyan? tanong mo kaninang tanghali.

Hindi naman namamaho naisip ko.

Nasaan na ba kasi ‘yung fishnet? Wala naman sa lababo. Wala rin naman sa ibabaw ng ref. Hindi na nga tayo bumili ng janitor fish, ganito pa ang nangyari sa mga isdang ‘to.

Bakit ba kasi ayaw mo na ng janitor fish? Mas makakatipid pa tayo sa tubig!  tanong mo noong binibili pa lang natin itong namatay na mga black moor goldfish sa petshop.

Kasi po, kumakain nga ng tae at lumot ang mga iyon, nakakasugat naman ‘yung mga tinik a likuran nila. Malay ba natin kung ‘yung itinapon kong janitor fish dati ang talagang pumatay sa goldfish ko. Ang pangit pang tingnan ng aquarium natin tuwing nakabalandra ang nguso nito sa aquarium sabay irap ko sa ‘yo.

Ilang beses na rin nating napagtalunan kung anong tubig ang dapat gamitin sa aquarium. Sabi ko Dapat nawasa ang gamitin natin para safe ang mga isda. Sabi mo naman Huwag nawasa! Hindi natin alam kung ano’ng chemical meron ‘yang tubig na ‘yan! Mas okay kung tubig-ulan. Mas malinis kasi galing pa sa langit!

Hindi malinis ang tubig-ulanm. Okay! Precipitation. Water-purifying device mula sa langit. Nature’s wonder. Whatever. Marumi pa rin ang tubig-ulan. ‘Yan ang sabi ng nanay ko. At naniniwala ako sa nanay ko. Isa lang naman ang hindi ko pinaniniwalaan sa kanya – na mahihirapan tayo sa set-up natin.

“Ric!”

“What?!”

“’Yung green shirt ko?!”

“Ano’ng shirt?!”

“PRP?!”

“Hindi ko alam. Baka nasa laundry basket!”

“Wala!”

“Hanapin mo!”

Habang nag-i-ilusyon ako (or hallucination kaya) na parang may bulang lumabas mula sa hasang ng black moor goldfish na nakalutang, napansin kong hindi kumikilos ‘yung natitirang pinkish-white na carpa. Nakapatong lang ang katawan niya sa mga pebble at maliliit na kabibe na dating gamit ng nanay ko sa paglalaro ng Bingo. Pinagluluksaan niya ‘ata ang pagkamatay ng mga kaibigan niyang isda. Maliban sa hasang, wala siyang ikinikilos ni isang palikpik. Nakatitig siya sa akin. Nakatitig din ako sa kanya.

“Ano ba! Wala rin sa cabinet!”

“Bakit ka ba kasi aalis nang ganitong oras?!”

“Bakit ba andami mong tanong?!”

Bakit andami kong tanong? Wow! That’s a statement! Ngayon lang kita tinanong. Ngayon ko lang inurirat kung bakit ka aalis nang ganitong oras. Ngayon lang. Matagal na akong hindi nagtatanong sa ‘yo. Matagal na akong nananahimik kung bakit mataas ang phone bill natin. Matagal na akong hindi nagtatanong kung bakit hindi mo sinasabi sa ‘kin kung sino ang mini-meet mo sa Manila. Matagal na akong hindi nagtatanong kung bakit laging may pangalan ng kung sinumang Mark o kung sinumang Tracy o kung sinumang Jude o kung sinumang Walter ang inbox mo. Matagal na akong hindi nagtatanong kung bakit kailangan mo mag-transfer dito sa Baste kahit okay ka naman na sa condo unit mo sa Manila at kailangan mo pang magsumiksik dito sa dorm ko sa Dalahican.

Si Allen pa rin ba?

“Nakita ko na! Nasa mga brief mo!”

Bakit pinapakialaman ko ang cellphone mo? Dahil ayoko pa rin ng thrill. Ayokong manghula kung hanggang kailan tayo.

Pero gustung-gusto mo pa rin ng thrill.

Hindi ako manhid. Kahit na pilit mo akong inilalayo kina Faye, Gerone, at maging kay Dan (at sa lahat ng ‘tropa natin sa high school kaya galit sila sa ‘yo,) nakaramdam ako na may contact ka pa rin kay Allen. Hindi ko kailangang makibalita. Hanggang ngayon, alam kong galit pa rin siya sa akin. At nag-uusap pa kayo. Siguro nga, tama ang hinala ko’ng nagdi-date pa kayo ni Allen. Kung ‘di man siya, baka si Mark naman, o si Tracy, o si Walter, o si Jude, o si Sarah na nakilala mo sa Baste nito lang.

“Balik ako ng mga alas-dose. ‘Pag ‘di pa ako umuwi, matulog ka na. Huwag mo na ‘kong hintayin.”

Hindi ko na alam kung mahihintay pa kita. Hindi ko na alam kung mahihintay ko pa’ng mas maging totoo ka sa akin. Hindi ko na alam kung hanggang kailan pa ako maghihintay sa mga pangako mo’ng malapit ka nang tumigil sa pakikipag-text sa kung kani-kanino, sa pakikipagkita kung kani-kanino. Napapagod na ako.

“Pagod na ‘ko. Buksan mo na lang ‘yung gate. Dala mo naman ‘yung susi ng bahay.”

Napatingin ako ulit sa carpa sa aquarium. Hindi pa natin siya nabibilhan ng pagkain. At hindi naman niya alam kung hanggang kailan pa natin siya mapapakain. Hanggang nahinga pa siya? ‘Pag nabagot ba tayo sa kanya, ‘di na natin siyan pakakainin.

Ako, ‘pag nabagot ka ba sa ‘kin, iiwan mo na rin lang ako?

Hindi pa rin ako nalingon sa ‘yo nang bigla mo na lang akong niyakap mula sa likod.

“Tsk! Ano ba?!”

Nagpumiglas ako. Pero nang makita ko sa kamay mo ‘yung bagong book ni Rio Alma, nakalma na ako.

“Akala ko nakalimutan mo na.”

“Puwede ba ‘yun? Happ ann – “

“Talagang kailangan muna nating magkasigawan?”

“Siyempre. Para may thrill!”

“As always.”

- FIN -

(The preceding short fiction was published in Lumad, San Sebastian College-Recoletos' official literary anthology in August 2008. Copyright 2008. All Rights Reserved.)

MANY KINDSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon