Alas singko ng umaga, nagising na ako,
Hindi sa alarm kundi sa sakit ng ulo.
Hang-over na naman kasi sa inuman kagabi
Blow out ng barkadang nanalo sa ending na 6, 3.
Hay kailangan ko na din namang bumangon.
Makabili ng gamot at may pasok pa mamayang hapon.
Pagbaba ko sa kusina, wala si nanay,
Sabi ng kapatid ko, nangutang na naman daw sa bumbay.
Delayed daw kasi ang padala ni tatay
Kahit malaki ang tubo, ayos na, basta may pambayad ng kuryente, tubig at bahay
“Kuya pahinging pera, may binebentang ticket si mam,
Kailangan daw namin yun, kundi wala kaming exam”
Hay, humingi na naman ng pera itong si kim,
Hindi ko naman pwedeng tanggihan, di ko maaatim,
Pero ang petsa pa lang ngayon ay abeinte otso,
Baka sa Miyerkules pa ako makasuweldo
Kaso ayos na yun, para naman kay kapatid,
Kailangan ko na lang sigurong magtipid-tipid
Makalabas na nga at baka mabawasan pa lalo
Makabili ng gamot kahit mura, mabagal ang epekto
Pagdating ko sa tindahan, nakasabay ko si Ana
Siya yung kaklase ko dating sexy, nakakaakit at maganda
Nagtigil dahil marami syang subjects na hindi naipasa
Pero sa edad na 21, limang regnancy test na ang positive nya
Nabuntis kasi siya sa edad na kinse
Pagtapos nun, tinaon-taon na nila ni Pare
Naalala ko tuloy yung RH Bill ng pangulo
Na sobrang tinututulan ng Simbahang Katoliko
Pero yung totoo nakanino nga ba talaga ang problema?
Pamimigay ba ng pills at condoms ang makakaresolba
Sa pagkakaroon ng anak na sangkaterba,
O kailangan lang talaga ng mga mag-asawa ng disiplina?
Disiplina na hindi lang dapat puro sarap
Ilang minutong kaligayahan, panghabangbuhay na paghihirap
Mga pamilyang lumolobo sa isang iglap
Mga binata’t dalagang nagiging magulang sa isang kurap
“Ui sige Ana, uuwi na ako,
May pasok pa kasi ako mamayang alas singko”
“Bakit naman, saang ospital ka ba nagtatrabaho?
Mukhang panggabi ata ngayon ang duty mo”
“Ah, hindi Ana, hindi ako sa ospital nakadestino,
Kung hindi doon sa isang call center sa Monumento”
“Ows talaga, sayang naman ang tinapos mong nursing?”
“Oo nga naiisip ko yan madalas gabi-gabi habang gising,”
“Sige Ana, kailangan ko na talagang umuwi sa amin
Baka nandun na si nanay, iniintay ang aking pagdating”